Sa Ilalim ng Punong Namumulaklak Noong sinabi niya sa aking, Tatakbo ako kasama ka, alam kong hinding-hindi na ako makahihindi pa. At bago pa man ako makapagdalawang-isip, nadatnan ko na lang ang sarili kong hinahabol siya. Nadatnan ko na lang ang sarili kong humahabol sa gitna ng mga kalsadang walang laman. At bagaman hinahabol ko siya, hindi rin kami isang larawan ng paghahabulan: hinahabol ko siya at nagpapahabol siya, ngunit hindi dahil sa ayaw niyang mahabol ko siya. Tumatakbo lang kami nang may sapat na layo sa pagitan naming dalawa. Kung kaya bagaman hinahabol ko siya, sapat nang masabing sabay kaming tumatakbo. Sabay kaming tumatakbo, bagaman hindi magkapantay—siya sa aking unahan, at ako sa kanyang likuran. Ganito kami tumakbo. At tumakbo nga kami nang tumakbo, at hindi ko na nagawang maisip pa kung bakit nga ba walang laman ang mga kalsadang tinatakbuhan namin. Ang alam lang namin, tumakbo kami. Kaya tumakbo lang kami nang tumakbo, hanggang humahagibis na lang ang liwanag ng mga ilaw-poste sa gilid ng aming mga paningin. Hanggang sa tuluyang mawala na ang mga liwanag ng mga ilaw-poste maging sa gilid ng aming mga paningin. Hanggang sa bumalik din ang mga ito, at mawala muli. Tumakbo kami nang tumakbo hanggang sa hindi ko na sila napansin. Tumakbo kami nang tumakbo nang walang hinto, nang animo hindi ko magagawa kailanman ang huminto. Tumakbo kami hanggang sa naramdaman kong lumipas na ang mahabang panahon. Tumakbo kami nang tumakbo hanggang sa madatnan na lang naming lumipas na ang mga taon. At saka ko nakuhang huminto. Napahinto ako sapagkat doon ko lang naramdaman ang bigat ng panahon, sa mga binti kong pagal na, sa mga lalamunan kong natutuyo na, sa mga baga kong pilit naghahabol pa rin ng hininga. Doon ako napaupo. Hindi ko alam kung nasaan kami, ngunit doon ako sa ilalim ng isang malapit na puno napaupo. At sa pagkakaupo ko, saka ko lang napansin na nawawala na ang matagal 45  ¡  Christian Jil Benitez