christian jil benitez
Mga Pagtukoy Sapagkat totoo ito, may salita dapat na maaaring tunay na tumukoy rito. O marahil, sa isang larawan: May tatlong pagkakataong tinawid ko ang mga lungsod na pinaka-naaalala ko; dahil ang lahat ng ito sa simbuyo. Sa tatlong ito, isa ang para sa kanya habang dalawa naman ang para sa kanya; dalawa sa mga ito ang may naalala ako tungkol sa pag-iyak bagaman sa mga ito, noong unang beses lang may paghagulgol habang sa ikalawa, may malalim na paghinga bago pa man nangyari ang pag-iyak. Kung minsan, iniisip ko ang posibilidad ng pangangahas kong tumawid muli sa mga lungsod bilang pagpapaudyok sa layaw. Sa tuwing iniisip ko ang posibilidad na ito, o kung posible nga ang mangyaring muli ito, naiisip kong iniisip ko lang naman talaga ang posibilidad na magkaroon ng patutunguhan. Sa tuwing sinasabi kong patutunguhan, ang ibig ko lang sabihin ay siya. Kung gayon, sa pag-iisip ko, iniisip ko lang naman talaga ang posibilidad na magkaroon ng siyang pupuntahan sa pagtawid kong muli sa mga lungsod; iniisip ko ang posibilidad ng siyang magiging dahilan ng simbuyo. Kapag iniisip ko ang araw na magkakaroong muli ng isang siya sa kabilang dulo ng mga lungsod, naiisip ko kaagad ang aralin naming tungkol sa mga salita: Pantukoy ang lahat ng mga ito, at magagawa lang na bigyang-kahulugan ang isa sa mga ito sa pagtukoy muli sa iba pang mga salita. Kapag iniisip ko ang araw na magkakaroong muli ng isang mukha sa kabilang dulo ng mga lungsod, iniisip ko kung magagawa ko kayang maipaintindi ito sa kanyang patutunguhan ko, o kung naiintindihan na pala nito ito. Nang sinabi ko ito sa kanya—“Sa tuwing iniisip ko [ang posibilidad na magkakaroon ng isang] siya, iniisip ko ang—,”—sinabi niya sa aking “Gusto ko iyan,” ngunit kung bakit, hindi ko na siya tinanong pa. Ngunit kahit hindi pa ganoon katagal 10