Kahandaan Katatagan at Kaunlaran ng Komunidad

Page 48

Gabay sa Pagsasanay sa Paghahanda para sa Disaster sa mga Komunidad

karugtong

5. Ang mga salik ng pagkabulnerable at kakayahan ay mahahati sa tatlong magkakaugnay na aspeto: • pisikal at materyal: lokasyon, likas yaman, materyales at yari ng bahay at gusali, gawaing pangkabuhayan, akses at kontrol sa lupa, kapital at iba pang kagamitan sa produksyon, mga imprastruktura at pasidad, mga panlipunang serbisyo • panlipunan at pagkaka-organisa: pormal at impormal na kaayusan ng komunidad at lipunan, mga alitan at paano ito inaayos, uri ng pulitika, mga patakaran at batas ng pamahalaan, partisipasyon sa pagdedesisyon, mga organisasyon sa komunidad • aktitud at motibasyon: paniniwala sa buhay at kakayahang baguhin ang kanilang paligid, pananampalataya, ideolohiya, pagtayo sa sarili, pagkakaisa, kooperasyon 6. Ang mga mahirap ay higit na nagkakaroon ng pinsala sa disaster kaysa mga mayaman. Nakatira sila sa ‘di ligtas na lugar, yari ang bahay nila sa mahinang materyales at mahina ang kanilang pangangatawan. Ang pagkawatak-watak o di pagiging organisado ay sagka sa pagharap sa disaster. Mas mabigat ang epekto ng disaster sa mga taong madaling mawalan ng pag-asa. Habang maraming mayaman ang walang panlipunang pananagutan, maraming mahirap naman ang nag-iisip na wala na silang magagawa para makaahon sa kanilang kalagayan. ‘Di rin nakakatulong ang mga aktitud gaya ng “bahala na”, “kapit sa patalim”, “ang buhay ay para lamang gulong - minsan nasa ibabaw minsan nasa ilalim”, at “crab mentality”. Gayundin, ang mga alitan sa komunidad o lipunan na ‘di nareresolba ay maaring pagmulan ng disaster. 7. Kahit ang mga nasalanta ng disaster ay may natitira pang mga kakayahan na maaaring magamit sa pagtugon sa disaster at makabangon. Maaring may mga mga pananim pang natitira o may mga kasanayan sila. Ang mga Pilipino ay magaling dumiskarte at nakakagawa ng mga pamamaraan para mabuhay. Likas din sa mga Pilipino ang pagtutulungan ng mga kamag-anak, damayan at bayanihan sa komunidad. Mayaman din ang karanasan ng mga mga organisasyon sa komunidad at sektor sa sama-samang pagsusulong ng kagalingan at kaunlaran. 8. Ang mga pinakabulnerable sa mga disaster sa Pilipinas ang mga mahihirap o ang mga maliliit na magsasaka, mangingisda, maralitang taga-lungsod, manggagawa, at katutubo. Bagamat marami silang kakulangan sa pisikal at material na mga risorses, magagamit naman nila ang pagtutulungan at sama-samang pagharap ng mga pamiliya, organisasyon at komunidad sa mga panganib at disaster. 9. Bigyan ng ispesyal na pansin ang mga pangangailangan ng mga bata, kababaihan, matatanda at may kapansanan. Bagamat ang pag-iwas sa disaster ay ugnay sa tungkulin ng kababaihan sa pag-alaga sa mga anak at kaayusan ng pamamahay, kailangang tiyakin na ang mga gawain sa disaster management ay nakakatulong at ‘di maging dagdag na pabigat. 10. Sa mga babasahin kaugnay ng disaster management, karaniwang makikita itong pormulang: Hazard (H) x Vulnerability (V) = Disaster (D) o kaya H + V = D. Isinasama na sa pagkabulnerable ang kawalan ng kakayahan. 11. Para idiin na ang daan sa pag-iwas sa disaster ay ang pagpapataas ng kakayahang proteksyunan ang sarili at komunidad, sinasama ang kakayahan sa pormula o HxV = D C (Capacity) 12. Para idiin na ang mga disaster ay maiiwasan, pinag-uusapan na ngayon ang disaster risk. Ito ang probabilidad na magkakaroon ng disaster sa hinaharap: DR = H + V – C o DR = H x V. C

Center for Disaster Preparedness Foundation Inc.

45


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.