Bukambibig Volume 1, Issue 1: Crowds

Page 45

Dayalogo ng mga Damdamin Rick Jay Cabillo [Halakhak] Lahat ay nasa isip lamang Kaya kinalimutan ko silang lahat Ang natira lamang, ako, akong nahihibang Kinalimutan ko ang trabahong pumapatay sa aking kaluluwa, kinalimutan ko ang babaeng lumalapastangan sa aking puso, kinalimutan ko ang pamilyang arawaraw kong pasanin, kinalimutan ko ang mga kaibigang may silbi lamang kapag ika’y kakailanganin [Hinga nang malalim] Ha! Hinga nang malalim Tara’t isawsaw sa kape ang kaluluwa upang mahimasmasan Ipagdiwang natin ang tugatog ng kasiyahan Napakasarap sa pakiramdam kasiping ang kalawakan, wala na sila! Magsasayaw ako nang magsasayaw hangga’t gusto kong sumayaw Magsasawa akong kumanta lumawit man ang dila ko: Lala-lalala-lalalala [The hills are alive with the sound of music] lalamasin ko ang sarili’t huhubuin ang salawal at magsasalsalasalabad ang salansan ng mga ibig kong gawin ngayo’t kapiling ko na lamang ang sarili Walang kahalili Walang kahulilip, walang kapalit ang pagkakataong matagpuan ang sariling walang mapagsidlan ng tuwa Iisa ang mukha ng taong masaya, ang mukha ng buhay, ang mukha ng kawalan ng pakialam sa lahat Hayaan na natin sila, ang mahalaga masaya ka! Magshower na lang tayo sa dilim [Hush-hush-hush] [Singhot, hagulhol] O, bakit ka sumisinghot? Wala, nalungkot lang ako bigla. Kasi kung iisipin mong lahat ng bagay pansamantala, hindi ka na sasaya [Hikbi] Hindi masaya ang aking pag-amin sa katotohanang hindi talaga ako masaya. At wala naman ding ibang nag-iisip na sila’y talagang masaya Pumipitik-pitik ang mga hinanakit na nagpapasakit sa aking tikas Habang nahuhulog at nagmumumog ng mga gamugamong binabangungot Bawat hulas ng bawat taludtod pagpingol sa dibdib ang kapalit Hindi naman kami naglalaro ng pitik-bulag Hindi ako bulag. Sadyang malabo lang ang aking paningin Para sa kanya ang bulaklak na nalanta at hindi sa bintana ko Ang mga alaala sa paglipas ng panahon, nagiging mga panaginip. At sa paggising malilimutan na rin Malungkot ako dahil ayokong lumimot Malungkot ako dahil hindi ako makalimot Malungkot ako dahil hindi mo ako naririnig Malungkot ako dahil ayaw mo akong marinig Malungkot ako dahil masaya ka Malungkot ako dahil hindi ako ang dahilan

Rick Jay Cabillo • 28


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.