DAPITAN
PAUNANG SALITA Ang Teorya ng Malapit Madalas na kung ano o sino ang malapit sa atin ay siya nating nababalewala, hindi naidodokumento, hindi naitatampok. Nitong mga nakaraang taon, napansin kong bihira ang mga akdang tungkol sa pagiging nanay. Di ko alam kung bakit. Dahil ba kakaunti ang manunulat na babae? At mas kakaunti ang manunulat na ina? Weird kung tutuusin, dahil ang mga nanay, kilala sa pagiging matalak, masalita. Pero bibihira ang akda na sila mismo ang nagsulat. Kung bibigyan ng pagkakataong magsulat, ano nga ba ang isusulat nila? Anak, asawa, tahanan, bahay, paghuhugas ng plato, paghihiwalay ng puting damit sa de kolor, pagliligpit ng kalat, pagwawalis ng sala, bayad sa upa, pagde-defrost ng ref, pagpili ng pinakamakintab na dalandan sa palengke, pagtaas ng presyo ng carrot at patatas, paghihiwa ng sibuyas. In short, ang isusulat nila ay lahat ng malapit. At hindi tayo fan ng mga bagay na ito. Araw-araw na nga nating nakakasalamuha, ay, bakit pa natin iha-highlight, bakit pa nga ba isusulat, bakit pa natin babasahin? Parang hindi natin ito ikatatalino. Araw-araw na nga, ang lapit-lapit pa. Walang bago riyan. Walang matututuhan. Siguro, ito rin ang dahilan kung bakit di tayo masyadong nagsusulat tungkol sa sarili nating kalye, komunidad, bayan. Sa isang writing workshop na dinaluhan ko bilang tagapagsalita ilang taon na ang nakakaraan, ang napagkasunduang paksa ay trapik. Out of 14 writers, isa lang ang nagbanggit ng pangalan ng kalye sa kanyang akda. Takang-taka ako. Bakit ayaw idokumento ang pangalan ng mga kalye? Kasi naman, ano bang meron sa kalye, komunidad, bayan natin
4