DAPITAN 2020: Ina

Page 118

DAPITAN hindi binubuksan ng matagal nang panahon. At sa ‘di matinag na pangangatog ng binti, malalaman nilang hindi na nila kaya pang manganak at magparami. Bago pa man matanto ang ganitong katotohanan, mapapansin ng isa sa mga Nakatatanda ang pilay na inahin. Dadaan ito sa harap ng bahay ng pilay at bubuksan ang pinto nito. Pagtapos, hindi na muli namin makikita ang kapitbahay. Mabuti na rin siguro na may sumusuporta sa mga nanay kahit mahirap ang kanilang buhay. Ang mga Nakatatanda ay hindi namin kamukha at sa ami’y ibang-iba maliban sa kanilang dalawang pirasong mata. Palagi na silang nandiyan: araw-araw silang nagbibigay ng pagkain sa amin at tubig na pampatid sa mga uhaw naming lalamunan. ‘Yon nga lang, may sabi sabi rito sa amin na sila raw ang nangunguha ng mga bagong panganak na supling sa aming lugar. Iilang nanay na nagsabing nakita nila ang ilang Nakatatanda na kinukupit ang mga anak nilang kaluluwal pa lamang. Ang iba ay sinubukang itago ang mga supling, ngunit makalipas ang ilang araw ay matatagpuan rin ang mga ito’t kukunin. Hindi na ito bago, maraming nawawalan ng mga anak dito sa amin. Kung hindi na mabilang ang panganganak ng mga inahin rito, ay ‘di na rin mabilang kung ilang anak ang nawala at kinuha ng mga Nakatatanda. Masuwerte na nga raw ako at nabuhay ako, sabi ng mga nakatatandang inahin, dahil hindi na estranghero ang kamatayan ng mga bagong panganak. ‘Yong ibang kinayang mabuhay tulad ko, kung saan saan na raw napadpad. Walang kasiguraduhan bukod sa ibinenta silang lahat at pinagkakitaan. Marami ang pinahiran raw ng koloreteng bughaw, pula, at luntian, at pinaglaruan bago iwan sa kalsada para tapak-tapakan. Karamihan ay namatay matapos busugin. Hindi ko alam ang pakiramdam ng mabusog, o siguro hindi ko lang maalala, basta. Mabuti na sigurong hindi ko malaman. Malayo sa kuwento-kuwento ang kinahinatnan ng mga ate at kuya ko. Akala ko noong una, sabi sabi lang. May mga kasama raw ang ilang Nakatatanda na pumupunta dito sa may sa’min na naghahanap ng mga bagong panganak. Sa hirap ng buhay at sa kawalangkakayahan, ipinagbenta ang mga supling na wala pang muwang. Syempre, walang magawa ang mga nanay kundi ipagparaya sa kamay ng mga may kaya ang buhay ng mga supling, dahil ang mga natira ay dapat ring buhayin at itawid sa pang-araw araw. Isang kayod, isang tuka. Mapalad na ako na kasama ko’t nasisilayan ko pa ang Mama ko ngayon kahit masikip at maingay rito. Dumarami ang mga kapitbahay. Araw-araw ay pasikip nang pasikip ang aming kinalalagyan. Mahal na mahal ako ng Mama ko. Hindi lang dugo at pawis ang ibinuhos niya para lang madala ako sa mundo, kundi takot at hinagpis. Dito na mismo ako ipinanganak, kasabay ang mga kapatid kong matagal nang binawian ng buhay. Pinaliligiran ng alambre at bakal ang lugar namin. Isang tingkayad ko lang ay maabot ko na ang bubong ng bahay ko. Tabi-tabi ang mga masisipag ngunit pagod na nanay, laging may panibagong supling na iniluluwal sa bawat sulok ng aming buhay. Ang pagkahulog nila sa malamig na yero ang sasalubong sa bawat patintero ng araw at gabi. Tirik at nanlalaki ang mata ng mga nanay na hindi na alam kung paano pagkakasyahin ang puso sa mga anak na ‘di na kaya pang mahalin tulad ng mga nauna. Sa pagsikip ng bawat bahay ay pagsuko ng mga inahin para

118


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.