1 minute read

Pagkadating, Agad na Umalis, at Siya Naman ang Maghihintay

Next Article
CONTRIBUTORS

CONTRIBUTORS

ni Andrei Johahn I. Gregorio

Pagkabighani sa mga bagay na matatanaw at pakikinig sa huni ng mga ibon habang nakaupo sa lilom ng puno ng Akasya sa tapat ng kalsada. Ito ang naging libangan habang ang iyong pagdating ay inaabangan sa lugar na siyang napagkasunduan. Madalas mang ganito ang pangyayari ay 'di naiinip, sapagkat sa bawat segundong wala ka pa, lalo lang nadaragdagan ang pagkasabik na muling makita ka.

Advertisement

Isang dyip ang huminto, at sa wakas, nasa kabilang bahagi ka na ng kalsada, tatawid ka na lamang at ang ating kamay ay muling magiisa. Sa galak ay dali dali kang tumakbo papunta sa akin, ngunit hindi lang pala ikaw ang nagmamadali.

Sa harap ng aking mga mata, isang sasakyang rumaragasa ang humagip sa inaabangan kong diwata. Wala akong nagawa.

Akala ko ba ako ang naghihintay? Bakit bigla ka pang nauna?

Naisipan kong agad na sumunod, ngunit wari ko’y ‘di ka masasabik sapagkat saglit pa lamang tayo nagkahiwalay. Kaya’t pilit nilabanan ang dalamhati’t sinubukang tumayo muli. Magpapatuloy hanggang makamit ang mga mithi, ‘di lang akin kundi pati iyo nang sa gayon ay mahaharap ka sa muling pagkikita nang may maipagmamalaki. At araw-araw kahit hindi ka na darating, patuloy na mabibighani sa mga tanaw, makikinig sa huni ng mga ibon, aantabayanan ka habang nakaupo sa lilom ng punong Akasya. Dahil alam kong hindi lang ako ang naghihintay. Isa pa, ika nga nila, hindi ito paalam ngunit hanggang sa muli, aking sinta. F

POETRY

This article is from: