
6 minute read
Kapihan
by The Flame
ni Isabelle H. Laurente
“Pibertdei, anak!” Hinalikan ako ni Mama sa pisngi habang hinihipan ko ang kandila sa cake. Nakaupo lang si Papa sa gilid habang nilaklak ang bote ng alak. Nakita ni Mama na nakatingin ako kay Papa kaya sinigawan niya si Papa.
Advertisement
“Tony, ‘wag ka ngang uminom sa harap ng bata. Kaarawan niya ngayon, maging ama ka naman.” Hirit niya.
Sumagot naman si Papa, “Minsan na nga lang ako makapagpahinga, hindi mo pa ako hinahayaan. Linggonglinggo ganyan ka!”
At nagsagutan na silang dalawa, pataas nang pataas ang kanilang boses hanggang sa pinapasok na ako ni Mama sa kwarto. Nakatulog na rin
ako matapos ang ilang oras ng sigawan, nang pumasok si Papa sa kwarto. Hinalikan ako sa noo at binulong, “Anak, aalis muna Papa mo, anong gusto mong regalo?”
Natuwa ako dahil matagal ko na rin gusto ng Baby Alive. Tumango naman ang tatay ko at niyakap ako. Pinatay niya ang ilaw ng kwarto ko at unti-unting naglalaho ang tunog ng sapatos niya sa bahay.
Hindi na siya bumalik noong gabing iyon. O sa sumunod na linggo, sa sumunod na buwan, at sa mga sumunod na taon.
Bawat kaarawan ko, parati ko siyang inaabangan na mayroong bitbit na Baby Alive sa kaliwang kamay at cake sa kabila. Tuwing may naririnig akong sapatos na papasok sa pinto, hinahanda ko na ang sarili ko para makita siya muli. Pero ang pumapasok ay ang bagong nobyo ni Mama. Hindi naman sa ayaw ko sa kanya, pero mas gugustuhin kong makasama muli si Papa. Iniisip ko baka nahihirapan lang siyang makauwi dahil pandemya pa rin at mahirap na magkasakit. Kaya naghihintay ako. Arawaraw. Buwan-buwan. Taon-taon.

Dumating din ang araw na iyon.
Nang lumuwag-luwag na ang Pilipinas at naging Alert Level 1 na, nahiligan ko nang tumambay sa isang coffee shop malapit sa amin. Mga tatlong kanto lang galing sa bahay. Malamig kasi dito, maaliwalas ang lugar, at hindi gaano kamahal ang kape nila kaya parati akong nagbabasa dito. Ilang buwan na rin akong naririto kaya halos alam na ng mga barista ang order ko. Minsan makakakita ako ng kaibigan o kakilala ngunit ngayong araw, hindi ko inakala na makikita ko si Papa matapos niyang hindi bumalik noong anim na taon pa lang ako.
Nakapila siya sa kahera. Hawak-hawak ang kamay ng isang bata, siguro kasing-edad ko rin noong iniwan kami. May kaakbay naman siyang babae sa kabila. Nababasa kong tinatanong niya sila kung ano ang gustong kape nung babae. Naririnig ko ang tawa niya kahit naka-mask at malayo-layo sa akin. Pumuti na rin ang buhok niya, kumuba nang kaunti, at nagkalaman na siya. Sa unang tingin, hindi ko mapapansin na siya iyon, ngunit sa galaw pa lang niya, alam ko nang siya si Papa. Ngunit ngayon tumanda na at may ibang pamilya. Hindi na kami ni Mama ang hawak-hawak niya.
Gusto ko siyang lapitan, yakapin, at tanungin saan siya nagpunta, bakit may iba na siyang kasama. Ngunit parang nakadikit ang paa ko sa sahig at hindi ako makalakad papunta sa kanya. Sa tuwing titingin siya sa direksyon ko, umiiwas ang mata ko sa kanya. Sa kanilang tatlo. Hindi ko rin alam kung mamumukhaan niya pa ako o mararamdaman niyang ako ang anak niya. Gusto kong tumakbo papunta sa kanya ngunit wala akong nagawa. Para pa rin akong naghihintay sa bagay na alam kong matagal nang wala.
Nakita niya akong nakatingin sa kanya, ilang sandali rin kaming nagtititigan na parang inaamoy-amoy ng lumang aso ang bagong pusa sa bahay. Inaasahan kong lalapit siya at tanungin kung ako ba to, si Rica. Hinihintay ko siyang lumapit, kausapin ako, yakapin ako. O kung susuntok na ako sa buwan, bumalik siya sa amin.
Pero umiwas lang siya ng tingin at bumalik ang atensyon niya sa dalawa. Iniiwasan kong hindi lumuha sa harap niya at sa harap ng maraming tao kaya binalik ko na lang ang tingin ko sa libro. Nararamdaman kong lumabas na sila bitbit ang dalawang kape.
Mula noon, imbis na isa o dalawang beses na pagdalo ko sa coffee shop, araw-araw na at parehong oras din kung kailan ko siya nakita. Nagbabaka sakaling bumalik siya at lapitan ako. Nag-aalala na nga sa akin si Mama dahil araw-araw na lang daw ako nagkakape at gumagastos. Sinasabi ko na lang na maraming gawain sa kolehiyo kaya kinakailangan talaga.
May mga araw na wala siya pero may mga araw naman na nandito siya. Minsan mag-isa, minsan kasama ang bagong pamilya niya. Ngunit sa bawat araw na naririto siya, hindi niya ako nilalapitan pero parati akong tinitingnan. At sa bawat araw na iyon, naririto lang ako, kung saan ako parating nakaupo at naghihintay na lapitan niya ako.
Minsan iniisip ko kung ako na lang ang lumapit ngunit habang tumatagal, hindi ko pa rin alam ang gagawin o sasabihin ko. Yayakapin ko ba siya? Kakamustahin? Ano ang magiging reaksyon ng asawa at anak niya? Kaya nanatili na lang ako sa kinauupuan ko. Si Papa ang dapat lumapit sa akin.
Ika-dalawampu’t isang kaarawan ko na. Limang buwan na rin akong naghihintay na lumapit siya. Hindi na nga ako bumibili minsan dahil ubos na pera ko, dinadaan ko na lang sa kwento sa mga barista doon para makaupo ako. Nagsasawa na rin ako sa sulyapsulyap namin sa isa’t isa, hindi ko na rin alam kung may halaga pa ba ang paghihintay ko. Masaya na naman ako kasama si Mama, medyo natatanggap ko na rin naman ang nobyo niya, at iskolar pa ako. Wala na rin naman akong kailangan hilingin.
Kaya para sa aking kaarawan, nagpagdesisyunan kong ito na rin ang huling araw na hihintayin ko siya sa kapihan. Hindi ko na rin alam kung darating siya ngayon ngunit mayroon pa akong kakaunting pag-asa na lalapit siya. Kapiranggot na lang iyon ngunit ang pag-asa ay pag-asa gaano pa ito kaliit.
Nang ilipat ko ang pahina ng binabasa kong libro, may pumasok sa pinto at naririnig ko ang pamilyar na tapak ng sapatos. Imbis na pumila ito sa may kahera, palapit nang palapit ang tunog ng sapatos nito papunta sa akin. Nang tumango ako, nakatingin sa akin si Papa.
“Rica?”
Hindi lang limang buwan akong naghihintay para sa kanya, buong buhay ko siyang inaasam na pumasok siya sa pintuan namin at sabihing nakabalik na siya. Ilang buwan kong paulit-ulit na iniisip ang sasabihin ko. Ngayon na nasa harapan ko na siya, nawala ang sasabihin ko, hindi ko magalaw ang katawan ko, at hindi ko alam ang gagawin ko.
Ano pa ba ang punto nito? Ano ba ang mararating ng paghihintay ko?
“Hindi ko alam kung itatanong ko ba ito kasi hindi naman karaniwang tanong ‘to. Pero…” Tumigil ng pagsasalita si Papa.
“Ikaw ba ang anak ko? Pasensya na ha, hindi ko na kasi matandaan mukha niya. Parati kasi akong umiinom noon.”
Sa linyang iyon, doon ko napagtanto na hindi ko na siya ama. Handa na akong sabihin na “Pa! Opo ako po si Rica.” Ngunit hinihila ako ng isip ko na sabihing ‘wag. Wala ring magbabago. Hindi naman ito magiging mahalaga.
“A, hindi po. Nasa bahay po si Papa.” Sinabi ko sa kanya.
Bago pa siya makasalita, humawak sa kamay niya ang kanyang anak na may dala-dalang Baby Alive.
“Daddy, naghihintay na si Mommy sa labas. Marami siyang bitbit na gamit.”
Hindi ko alam kung ngumiti sa ‘kin si Papa dahil nakatago sa mask ngunit tiningnan niya lang ako sa huling pagkakataon at umalis.
Siguro iyon na ang pagpipinid ng relasyon namin ni Papa. May iba na siyang pamilya at ayokong sirain ‘yon. Kahit ilang taon pa akong naghihintay na dumating siya sa bahay at humingi ng tawad, alam kong wala ring magbabago. Sa tingin ko’y hindi sayang ang paghihintay ko sa kanya dahil binigyan niya ako ng rason para maging matatag na wala siya. Ang makita siya siguro ang regalo sa akin ng sansinukob dahil hindi ko na kailangan maghintay at malaya na ako sa pangakong babalik pa siya. F