Tomas F. Agulto
Bakas ng Tsinelas 84
Pumapasok kami nang nakayapak At walang takot: Si Ricardo, si Antonio, si Rosendo. Apat yata kaming sakit ng ulo ng malaking-brasong si Mrs. Lopez; Mga batang amoy-kaliskis kundi man amoy-lumot. Nauubusan kami ng hiya sa harap ng klase Kung pinipitpit sa desk ang sampung daliring nakadidiri. Kaya siguro magkakatunog ang aming katwian at sagot : Wala po kaming pambili ng tsinelas, Titser!” Mga suti na pag-irap iyon at makikirot na pagsimangot Kaya natatakot na kaming pagtawanan ng first honor Na apo ng Prinsipal. Paulit-ulit ang dahilan ng aming pagbabalik-balik Sa silid-aralan kahit walang baon kundi nangingipalpal Na alikabok sa tuhod at lakas ng loob. Gayon katigas ang aming paghahangad na matuto Di katulad ni Emilito Manlogon na kahit may-ulo’y Kumbakit tulala at laging lulugulugo. Greydtri na siya nang sitahin ng titser: “Bakit parehong saliwa ang suot mo sa paa.” Tanong iyong nagtulak sa kanyang magpaalam umihi Sa Titser na nabastusan nang ang bata’y biglaang umuwi. Mahirap kalimutan ang pares ng tsinelas Na kalakaladkad niya palabas sa lansangan Upang di na muling tumapak sa bakuran ng paaralan. Pulot na tsinelas iyong tila ba tunay na magkapaa Dahil ang sukat, tabas ay parehong kaliwa’t kulay-pula.