
1 minute read
TALUMPATI
from E-Portfolio(Honda)
by Kyoko Honda
Langit-lupa, Sino ang Taya?
Handa ka na bang makipag taya-tayaan? Sa mundong may konsepto ng langit at lupa na higit na sumasakop sa mentalidad ng lipunan, ang pakikipag laro ng langit-lupa ay hindi kaaya-aya dahil hindi na tayo mga bata; hindi na tayo ang mga mangmang na naka angkla sa kasiyahan na naibibigay ng larong taya-tayaan Tanggalin ang mga piring, mag bilang nang malakas, at kumaripas ng takbo tungo sa kalangitan. Ngunit tandaan, huwag magpahuli dahil ang muling pag-angat ay walang kasiguraduhan.
Advertisement
Naririndi na ang aking mga tenga sa kada salita na lumalabas sa bibig ng nagbabalita. Sa bawat pagbuka ng kanyang bibig, mamumulat ang iyong isipan sa kalunos-lunos na mga pangyayari dahil sa higanteng pagitan sa gitna ng mga mahihirap at mayayaman Muli, mayroong ordinaryong mamamayan ang binawian ng pangarap at buhay dahil sa maling hinala. Ang mga hinalang tila ba’y sa mahihirap lang naipagpapasya, samantalang ang mga taong napupuno ng ginto ang bulsa ay nananatili sa langit nang hindi binibilangan ang kanilang bawat hakbang kahit na ay ito ay napupuno ng dugo at karahasan Pare-pareho tayong naglalaro sa mundong ibabaw, ngunit hindi lahat ay maaaring maka apak sa ginhawa ng kalangitan.
Isa sa mga halimbawa ay ang pribilehiyo ng mga mayayaman sa batas Isang bigkas ng isang kilalang pangalan, ang mga posas sa kanilang kamay ay nawalan na ng silbi at ang kanilang kasalanan ay biglang naglaho na parang bula. Ngunit kapag hinatulan ang isang ordinaryong mamamayan, sila ay halos magkandarapa para makamit lamang ang kanilang karapatan Matagal nang hindi patas ang laro ng langit-lupa, ngunit dapat nalang ba natin itong hayaan? Sabi nga nila, kasalanan na ang muling pumikit kapag ikaw ay dumilat na sa katotohanan.
Isa pang halimbawa ay ang higit na lamang ng mga nakapag-aral sa kilala at mamahaling paaralan kumpara sa mga nag-aral sa mga pampublikong paaralan sa paghahanap ng trabaho Hindi ibig-sabihin ay mahusay na magagampanan ng isang indibidwal ang kanyang trabaho dahil lang siya ay nakapag-aral sa kilalang eskwelahan. Ngunit, aminin man natin o hindi, mas mataas ang tsansa na makamit ang pwesto kung daladala mo ang pangalan ng isang sikat na unibersidad sa iyong mga balikat. Sa pananatili ng ganitong pananaw sa ating lipunan, masasabi nating totoo ang linyang “Mas yumayaman lang ang mga mayayaman at mas humihirap lang ang mga mahihirap”.
Bakit pa nga ba mayroong langit at lupa sa mundong ibabaw? Bakit pa natin kailangan pumili ng magiging taya kung tayo ay nabubuhay sa mundo na puno ng kadayaan? Simula’t sapul, hindi naging patas ang labanan, kaya’t muli nating pag-isipan ang daloy ng ating lupang ginagalawan. Hindi na tayo bata, gulpihin ang ideya ng langit at lupa, at ibaon sa hukay ang katagang “Langit-lupa, sino ang taya?”.