12 Filipino
DECEMBER 15, 2018
Usapang Uste
Pasko kontramateryalismo PALASAK na ang komersiyalismo sa Kapaskuhan noon pa kung kayat laging pinapaala ng liderato ng Santo Tomas, hinirang ng Vaticano biling “Katolikong Pamantasan ng Pilipinas,” na hindi dapat makaligtaan na ito ang araw ng kapanganakan ni Hesus. Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 1973, binigyang-diin ni P. Leonardo Legaspi, O.P., dating rektor ng Unibersidad, na makikita ang tunay na kahulugan ng Pasko sa pagbibigyang-halaga kay Hesus. “If we view Christmas as the coming of the Child who would redeem us and grant us eternal life, if we remember that the gates of His Heavenly Kingdom will be open to us all the wider if we have childlike faith, then that truth becomes clearly evident,” wika ni Legaspi sa kaniyang mensahe para sa mga Tomasino. Wika ni Legaspi, sa paraang ito, mailalayo ang kaisipan ng mga tao sa materyalismo na hadlang sa tunay na diwa ng pagdiriwang. “[T]hey will be stripped of the veneer of materialism that has coated them, and the birth of Christ will indeed be the harbinger of great news, the news of our redemption,” sabi niya. Dagdag pa niya, sa pag-angkop ng pananampalataya at katangian ng pagiging inosente ng isang musmos maisasakatuparan ang tunay na kahulugan ng pasko. “’Suffer the little children to come unto me,’ Christ said, ‘for theirs is the Kingdom of Heaven’,” wika niya.
Jose Rizal: Dakilang ugnay ng nakaraan, kasalukuyan MAKALIPAS ang isang siglo mula nang ibuwis ni Dr. Jose Rizal ang kaniyang sariling buhay para sa Filipinas, patuloy pa rin sa kasalukuyan ang kanyang impluwensiya sa pagbuo ng nasyonalismo. Siya ay isang magandang ehemplo para sa mamamayang Filipino dahil sa kaniyang “critical engagement” o malalim na pangunawa tungkol sa iba’t ibang paksa, ayon sa isang historyador. “Kung nabubuhay si Dr. Rizal ngayon, unang-una siya sa mga magkokomento ukol sa mga isyu sa ating lipunan. Bago niya gawin ‘yon nakapagsaliksik na siya at inalam na niya ang kabuuan ng mga
isyung ito, kagaya ng ginawa niya noong ikalabinsiyam na siglo,” ani Eloisa de Castro, propesor mula sa Unibersidad, sa isang panayam sa Varsitarian. Iginiit ni de Castro na makatutulong ang makabuluhang kamalayan sa pagtugon sa bawat isyu, lalo na sa pagkilates ng tama at mali. “Kung wala kang malalim na kaalaman o pagkakaintindi ng konteksto, wala ka ring karapatan na magbigay ng opinyon, kasi nagdaragdag ka lang ng mas maraming kalituhan at hindi lang kalituhan kung hindi, you are a purveyor of fake news,” giit ni de Castro.
Tomasino Siya Kinilala si Penk Tan-Ching bilang natatanging Tomasino dahil sa kaniyang angking kahusayan sa cake decorating na binigyang-puri sa loob at labas ng Filipinas. Nagtapos si Ching ng kursong B.S. Business Administration sa UST College of Commerce noong 1979. Taong 1984 naman nang makamit niya ang kaniyang Master of Science in management degree sa Arthur D. Little Education Institute sa Massachusetts at ang kaniyang post graduate studies in Economics sa Columbia University. Noong 2008 Beijing Olympics, si Ching ang naatasang magdisenyo ng Beijing Olympic Bird’s Nest Cake na kinilala ng Coca-Cola China Olympic Group. Kilala rin si Ching sa pagdisenyo ng inaugural cake ni dating pangulong Benigno Aquino III noong 2010. Siya rin nagdisenyo ng 400th anniversary cake ng Unibersidad noong 2011. Iginawad sa kaniya ang Outstanding Small & Medium Scale Entrepreneur Award mula sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce & Industry dahil sa pagpapakita niya ng talento ng Filipino sa cake decorating sa ibang bansa noong 2000. Nagwagi rin si Ching sa Wedding Cake top category sa British Sugarcraft Competition sa parehong taon. Kilala rin si Ching sa tanyag na Pastry Bin, isang pastry shop na sikat sa pagdidisenyo ng mga cake sa mga pagdiriwang ng mga kilalang personalidad sa Filipinas, tulad ng life-size piano wedding cake ni Gerard Salonga. Umabot na rin ang kanilang mga produkto sa Dubai, Hongkong at Estados Unidos. Kinilala rin siya sa pag-aayos ng mga business reports ng mga proyekto ng United Nations Financing System for Science and Technology ng iba’t ibang bansa. Nakapaglimbag na rin siya ng libro na pinamagatang, “Caked in Sugar,” kung saan inilathala niya ang kaniyang paglalakbay mula sa pagpasok sa mundo ng korporasyon hanggang sa makilala siya sa larang ng cake decorating. Ginawaran siya ng The Outstanding Thomasian Alumni Award (Total) noong 2009 sa kategorya na Entrepreneurship. JOSELLE CZARINA S. DE LA CRUZ AT V. A. P. ANGELES Tomasalitaan Karidad kawanggawa
(pangngalan)
-
Charity,
Hindi lamang sa panahon ng pasko ang pagbibigayan at pagmamalasakit bagkus dapat nating ituring ang bawat araw nang may karidad para sa kapuwa. Mga Sanggunian: Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban Total Awards 2009 The Varsitarian, Tomo LXX, Blg. 8, December 4 1998, 1998-2002, p. 2
Ayon pa sa kaniya, nakapaloob din sa critical engagement ang malalim na kaalaman sa kasaysayan ng bansa. “Kung mababaw ang pagkakakilanlan mo sa iyong sarili, mababaw ang kaalaman mo sa kasaysayan. Pinag-iiwanan tayo ng kasaysayan dahilan sa hindi natin siya pinapansin,” wika ni de Castro. Wika ni de Castro, kung nabubuhay si Rizal ngayon, siguradong may opinyon siya mga napapanahong isyu sa bansa tulad ng extrajudicial killings, isyu sa South China Sea, estado ng politika at sa mga taong ginagawang biro ang kasaysayan. Pinuna rin ni De Castro ang mga taong ginagamit si Rizal sa mga uri ng pagbibiro sa social media. “Ang ginagawa nila ay paglapastangan even if it is in modern day context. Kalapastangan pa rin ‘yon para sa akin. Ang taong ginagamit nila ay isang tao na excellent at napakagandang halimbawa bilang isang tao at Filipino,” giit niya. Nilinaw ni de Castro na nagampanan ni Rizal ang kaniyang mga tungkulin para sa bayan noon na dapat mabigyang ng pansin ng sambayanang Filipino. “Hindi mo masasabing nagpabaya si Dr. Jose Rizal sa responsibilidad niya bilang isang Filipino noong ika-labinsiyam na siglo. Sa katunayan, ano ba ang irereklamo mo sa buhay niya, ibinigay niya ang kaisa-isa niyang buhay para sa sambayanang Filipino,” wika niya. Ipagdiriwang ang ika-122 na anibersaryo ng pagkamatay ng pambansang bayani ng bansa na si Jose Rizal sa ika-30 ng Disyembre. Si Rizal ang may akda sa likod ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na kumakatawan sa kaniyang critical engagement noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Gamit ang panulat, patuloy siyang tinitingala dahil sa kaniyang taglay na tapang at talinong sumasalamin sa isang intelihenteng Filipino. JOSELLE CZARINA S. DE LA CRUZ AT M.V. COTONGAN
Itim raw ang kulay ng Pasko Kumukutikutitap, bumubusibusilak, ganiyan ang indak ng mga bumbilya, Ganoon na lamang ang pananabik ko nang marinig ito sa aming radyo. Iba talaga kapag panahon ng kapaskuhan, palaging nasa isip ko ang dating mga matatamis na tsokolate, malalambot na unan, pabango at ‘di umano’y bagong labas na modelo ng headset na iniregalo sa akin nina inay at itay noong nakaraang taon. Hindi na rin ako makapaghintay sa mga kuwento ng aking mga pinsan sa kung gaano kahigante at kaganda ang mga parol na pinalilibutan ng mga Christmas lights sa kanilang probinsiya. “Nay! Ano ba ang kulay ng mga parol sa kanila? Katulad din ba ito ng sa atin,” tanong ko kay inay na nasa kusina. Dinig na dinig ang pagsisiritsit at amoy na amoy ang nakatatakam na ginisang kaniyang niluluto. “Oo. Itim din daw ang Christmas lights sa kanila katulad sa atin,” sagot niya sabay tanong ko ulit kung anong pagkakaiba nito. Ipinaliwanag naman niya sa akin na walang espesyal sa mga pailaw nila. Ang itim daw kasi ay kumbinasyon lang ng napakaraming kulay tulad ng natutuhan ko sa asignaturang Arts. Ngumisi na lang ako. Nakapagtataka lang talaga kung bakit kailangang taon-taon pang ipinagyayabang ng mga pinsan ko ang mga parol nila kung singkulay at singganda rin lang naman ‘yon ng sa amin? Kinabukasan, sobrang natutuwa akong pumasok at ibalita sa mga kaklase ko na kaparehas lang ng aming Christmas lights ang mga nasa probinsiya. Ikinuwento ko ito kagaya ng paglalarawan sa akin ng mga pinsan ko. Malaki at madalas kinukuhaan ng litrato ng mga tao rito. Manghang-mangha ang mga kaibigan ko, gusto rin nilang makita ang mga ito tulad ko. Ngunit, sumingit ang isa kong kaklase: “Hindi naman ‘yan totoo eh! Narinig ko ang tatay ko na ipinapasama ang itim niyang polo shirt sa kaniyang bagahe upang gamitin sa pagburol ng kaniyang namatay na kaibigan, pangmalungkot naman na kulay ‘yan!” “Oo, nasabi nga rin sa akin ng lola ko na ‘yan daw ang pinakanakakatakot na kulay. Madalas daw kasing iugnay ito sa mga masasamang elemento.” sabi pa ng isa na ikinatakot naming lahat. “Hindi, mali kayo. Itim ang pinakamagandang kulay. Kumbinasyon daw ito ng lahat ng kulay sabi ng inay ko.” sagot ko
naman. Ibinahagi naman ng pinakamatalino naming kaklase, “Kuwento ng nanay ko, kawalan daw ang ibig sabihin ng itim. Blangko, parang mundo noong unang-una.” Natigil lamang ang diskusyon nang dumating na ang aming guro. Tumatak sa isipan ko ang mga pinagsasabi ng aking mga kaklase. Paano kung totoo ‘yon? Wala akong ibang inintindi hanggang pag-uwi kundi ang mga iyon lamang. Hanggang sa nakarating ako ng bahay at kating-kating tanungin sa aking inay ang totoo. “Alam mo anak, tama naman lahat ng mga kaklase mo. Ang iba sa sinabi nila ay mga pamahiin na nakaugalian na nating sundin. Ang iba naman ay representasyon lamang ng mga kathang-isip na bagay-bagay,” sagot ng aking inay.
Totoo rin daw na kawalan ang ibig sabihin ng itim. Nariyan ang kawalan upang tayo ay makalikha. Tinutulungan tayo mismo ng kawalan na umisip ng paraan, paganahin ang ating imahinasyon, at patingkarin ang ating mga ninanais sa buhay upang ito ay magkalaman. “Kagaya rin ng sinabi ko sa’yo noon, ang itim ay kumbinasyon ng napakaraming kulay. Hindi mo lang ito nakikita.” dagdag ng aking inay. Natigil lamang ang kaniyang pagpapaliwanag nang tumunog ang telepono. Halos mangiyak-iyak ang tono ng boses ni inay sabay yakap sa akin. “Sa wakas, hindi mo na ngayon kailangang mangarap upang mamangha. Makakakita ka na anak,” ang sabi niya. CHRIS V. GAMOSO