8 Filipino
Patnugot: Jolau V. Ocampo
IKA-4 NG MAYO, 2018
Kasaysayan, hugpungan ng kaalaman sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata HINIKAYAT ng isang dalubguro ang paglalangkap ng kasaysayan ng Filipinas sa pagsusulat ng mga kuwentong pambata sa idinaos na (AUTHOR)ities: The 9th Philippine International Literary Festival noong ika-19 ng Abril sa Cultural Center of the Philippines. “Bawat kuwentong pambata ay isang pagsulyap sa kalagayan at karapatan ng mga bata noong mga nasabing panahon at paglingon sa makulay na kasaysayan ng ating bansa. Higit sa lahat, ang mga aral at halagang ibinabahagi sa mga kuwentong ito ay inaasahang makatutulong upang mahubog ang mga batang mambabasa sa kanilang bayan at kasaysayan,” wika ni Nelson Joseph Fabre, dalubguro sa Armed Forces of the Philippines at dating guro sa asignaturang Filipino sa Xavier School. “Nakitang epektibong pamamaraan sa pagtuturo hindi lamang sa kasaysayan ngunit gayundin sa panitikan upang ipaabot sa mga mambabasa at mag-aaral ang hangarin at layunin ng kuwentong pambata,” dagdag pa niya. Natukoy din ni Fabre na nahihirapan ang mga edukador na ilapit ang kasaysayan lalo na sa mga batang mag-aaral dahil nauunahan sila sa maling paniniwala na kailangan lang nila memoryahin ang mga detalye tulad ng petsa, lugar, pangyayari at batas na nangyari sa mahahabang salaysay. “Maganda siyang [kasaysayan] maging device para mailapit ito sa mga bata na hindi
sila natatakot. Aminin na natin, hindi tayo mahilig magkabisado pero dahil ito ay parehong kasaysayan at panitikan nagiging mas enticing sa atin,” pagdidiin niya. Ibinahagi at ginawang halimbawa ni Fabre ang seryeng Batang Historyador na binubuo ng limang kuwentong pambata na pinamagatang “Si Diwayen Noong Bago Dumating ang mga Espanyol,” “Si Segunda Noong Panahon ng mga Espanyol,” “Si Juanito Noong Panahon ng mga Amerikano,” “Si Pitong Noong Panahon ng mga Hapon” at ”Si Jhun-jhun Noong bago Ideklara ang Batas Militar.” Inilathala ang serye ng Adarna House sa pakikipagtulungan ng United Nations International Children’s Fund (UNICEF) na kilalang nagtataguyod ng mga karapatang pambata sa iba’t ibang bansa. Napahalagahan sa serye ang gampanin ng mga bata na hindi lamang sila laging naglalaro o tagasunod sa mga itinatagubilin ng mga nakatatanda ngunit maaari rin silang sundan at sundin ng iba. Mayroon din silang kanikanilang dalahin at ideolohiya sa mga kuwento na sumasalamin sa lipunan na kanilang ginagalawan sa iba’t ibang panahon. Bukod sa kasaysayan, nailangkap din sa serye ang kalagayan at karapatan ng batang Filipino. “Mahalaga ring gamitin ang mga elemento
ng kuwento upang suriin at bigyang-lalim ang mga kuwentong nakaangkla sa kasaysayan ng Filipinas. Bukod pa rito, mahalaga na maipakita na ‘yong kontekstong panlipunan ang nagpapagana sa mismong kuwento dahil kung wala ito ay maaring kulang ang kabuuan ng kuwento,” wika ni Fabre. Ibinahagi rin ni Fabre na mahalaga ang pormula ng masayang pagtatapos sa mga kuwentong pambata. “Ang kuwentong pambata ay hindi lamang para sa mga bata dahil nag-iiba rin ang epekto ng kuwentong pambata sa atin. Hindi na lamang basta ito nagbibigay ng masayang pakiramdam kundi mas nabibigyan tayo ng mas bagong pagtanaw sa kasaysayan,” sabi ni Fabre. “Bilang kritikal na mga mambabasa, ‘yan ang magiging hamon sa atin ng panitikan: maipakita natin sa ibang tao, sa iba pang mambabasa na tingnan natin sa ibang lente o pananaw ang mga nabasa natin nang sa gayon hindi lamang tayo nakakahon sa kahulugan ng panitikan,” wika niya. Ayon pa kay Fabre, isang naratibo ang kuwentong pambata na maaring nasa anyong realismo, pantasya, o kombinasyon ng dalawa upang maging higit na kaaya-aya sa mga bata. Karaniwang nag-iiwan ito ng kakintalan sa mga mambabasa. Ilang halimbawa ng mga kuwentong pambata ang mga alamat, pabula at kuwentong
bayan na may kapanapanabik na paglalarawan at paglalahad ng kilos. Bisa ng mga kuwentong pambata sa kasalukuyan Iginiit ni Fabre na mahalaga ang pagtatanim ng impormasiyon sa murang isipan ng mga bata. “Makatutulong ang mga kuwentong pambata sa pagpapaliwanag sa mga bata sa mahalagang pangyayari sa kasaysayan nang hindi sila nalilito. Kapag kinuwento natin sa kanila ‘yong mga pangyayari sa kasaysayan sa paraang nauunawaan nila mas nakatutulong iyon para mahubog sila na maging mabuting mamamayan,” dagdag pa niya. Naniniwala rin si Fabre na mahalagang katangian ng kuwentong pambata ang pananaw nito sa kultura ng batang mambabasa. “May kultura sa bawat panahon which can also create social awareness dahil nalalaman ng bata kung ano ang nangyayari sa mga bata noon na maari nilang makita sa future na ganoon pa rin ang buhay noon na maari pa rin nating makita ngayon that’s why may impact pa rin ang mga kuwentong ‘yan,” sabi ni Fabre. Bahagi ang pagtitipon na ito sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Panitikang Filipino na pinangunahan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining sa pakikipagtulungan ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Book Development Board. ERMA R. EDERA
Panukalang batas sa pagbisita sa mga makasaysayang lugar, isinulong
ISINULONG sa Kongreso ang panukalangbatas ukol sa pagbisita ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa iba’t ibang makasaysayang lugar, bantayog at museo sa Filipinas. Pinangunahan ni Lito Atienza, dating alkalde ng Maynila at isa sa mga tumatayong kinatawan ng BUHAY partylist, ang pagpapanukala ng Resolusyon Blg. 1757 na inaprubahan ng Kongreso noong ika-3 ng Abril. Sinang-ayunan naman ito ng punongguro ng UST Education High School (EHS) na si Leonila Wilhelmina Baltazar at nagwikang tulay ang mga gawaing kagaya ng lakbay-aral sa paghubog ng pagiging makabayan ng mga mag-aaral. “At EHS, we recognize the importance of inculcating a sense of nationalism among students through exposure trip activites. In fact, a visit to historical sites and museums has always been part of the itinerary in our annual fieldtrips,” wika ni Baltazar sa isang panayam sa Varsitarian. Dagdag pa niya, “The educational trips conducted serve to deepen the students’ understanding and appreciation of particular topics discussed in the classroom across subject areas, being one of their many learning experiences.” Sinang-ayunan din ni Baltazar ang nakasaad sa resolusiyon na magsisilbing lunsaran ang gawaing ito upang mas
maipakilala ang kabuluhan ng mga bantayog at lugar na sinubok ng panahon at kalamidad.
Pagmulat ng mga kabataan Nakasaad sa resolusiyon ang kahalagahan ng mga kabataang matutuhan, maranasan at makilahok sa likas na kasaysayan ng bansa at maipahinuha sa kanila ang pagmamalaki at responsibilidad ng paggunita at pag-alaga ng sariling kultura. Naniniwala si Katrina Tugas, dating mag-aaral ng EHS, na nakatutulong ang mga lakbay-aral sa pagbuo ng identidad bilang Filipino. “During my last year in high school, from resorts, [the school] opted for different museums... those bits of information will help a person know his/her national roots/ history that could contribute to building a sense of national identity and instill a sense of patriotism among them too,” kuwento ni Tugas. Dagdag pa niya, hindi kasiyahan ang pangunahing layunin ng mga gawaing ito bagkus kung may nakuha o natutuhan ba ang mga mag-aaral. Sang-ayon dito si Kristienne Magsanoc, ang pangulo ng konseho ng EHS sa susunod na panuruang taon, na nagsabing mas lalawak at lalalim ang kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa kultura, heritage, at tradisiyon ng Filipinas. Paliwanag pa ni Magsanoc,
“Nagpapabugso ito sa ating damdaming pagka-Filipino at mas maiintindihan natin kung ano ang humubog sa ating kasalukuyan…It’s also a way of preserving, promoting and appreciating our history at saka ‘yong mga matututuhan pong aral dito ay puwedeng ma-i-apply ngayon at sa future.” Para naman kay Christine Francisco, dating mag-aaral ng JHS, kapakipakinabang ang lakbay-aral dahil mas napahahalagahan nito ang pag-aaralan sa loob ng silid-aralan. “I think, it’s worth it considering na hindi na lang ito yung nababasa ko sa books. It’s actually here and I got to see it on my own…you get to appreciate what you’re learning outside of the classroom,” paglalahad ni Francisco. “As a Filipino student you appreciate those things kasi you realize how rich your culture is and it goes beyond yung malaman mo lang ‘yong facts. Later you’ll realize why things happen in certain ways sa society and by knowing history you have answers,” dagdag pa niya. Ibinatay din ang resolusiyon sa Artikulo XIV, Seksiyon 18 (2) ng Konstitusyon kung saan hinihikayat ang paghimok at pagsuporta sa mga pananaliksik at pag-aaral na may kaugnayan sa sining at kultura. ERMA R. EDERA at CHRIS V. GAMOSO