UP Newsletter July 2012

Page 2

2 U.P. Newsletter Komentaryo

Judy Taguiwalo

Pagpupugay kay Maita Gomez Photo from http://diversityhuman.com/hollywood/media/blogs/Friend-Blogs/maita-gomez/ maita-gomez-activist-beauty-dies-2.JPG?mtime=1342160727

Sa pagkakatanda ko, sa isang artikulo sa Philippine Free Press na nabasa ko sa Bacolod, una kong nakilala si Maita Gomez. Si Quijano de Manila, ang ginamit na pangalan ni Nick Joaquin sa kanyang mga isinusulat sa Free Press, ang sumulat ng artikulo tungkol kay Maita pagkatapos siyang mahirang na Miss Philippines. Bukod sa maganda (isa siya sa Manila’s Five Prettiest noon na featured din sa Free Press), lumitaw na matalas at matalino si Maita. Maalam sa mga nangyayari sa pulitika ng bansa. Beauty and brains, ika nga. Nang tinanong siya ano ang pusibleng kinabukasan para sa kanya, ang naging sagot niya ay Pangulo ng Pilipinas! Sa UP Diliman, isa sa mga campus beauties si Maita—matangkad, balingkinitan at napakaganda ng mukha. Madalas sa bandang Pavilion 1 ko siya nakikita dahil pre-med yata ang kanyang kurso. Siyempre, hindi kami tuwirang nagkakilala noon. Altasosyedad ang kinabilangan ni Maita—hindi lang dahil sa angking ganda, modelo ni Pitoy Moreno, laman ng “society pages” (ngayon ay Lifestyle pages na kuno) kundi galing sa pamilyang hacendero na taga-Pangasinan. Kung napukaw man siya ng kaganapan ng First Quarter Storm ng 1970 o ng UP Commune ng 1971, hindi siya naging bahagi ng aking nilanguyan na organisasyon. Aletheia yata ang una niyang sinalihang makabayang organisasyon. Panahon na ng batas militar nang nagkasama kami ng mga ilang araw sa kanayunan. Alamat na si Maita—ang beauty queen na niyakap ang pambansang demokratikong kilusan at piniling magunderground para labanan ang diktadurang Marcos. Sa kanayunan, kung saan ang parachute na itim na ginawang pantalon ang unisex na gamit, designer pants ang dating ng mga ito kapag si Maita ang may suot. Ka Dolor ang pagkakakilala kay Maita ng mga magsasaka sa isang baryong matagaltagal na kanyang tinigilan. Nang napunta ako roon, may katagalan nang nailipat si Maita sa ibang larangan. Pero maraming kwento ang mga tagaroon sa kanya. Inalagaan siyang mabuti ng samahan ng magsasaka at ng

July 2012

samahan ng kababaihan dahil mahusay ang kanyang pakikisalamuha sa kanila. Mabilis siyang ikinukubli kapag may dumarating na hindi tagaroon dahil pansinin nga ang kanyang anyo. Ang misteryo ng katauhan ni Ka Dolor ay nadiskubre nang sa pamimili ng mga tagabaryo sa poblacion, ang nakabalot sa biniling tuyo na dilis ay cover ng isang lumang magasin na si Maita ang nakalarawan. Pagkatapos ng martial law, nang magkasama kami ni Maita sa GABRIELA at sa pagtatayo ng KAIBA (Kababaihan para sa Inang Bayan) bilang partidong pampulitika na puro kababaihan, nakwento ko sa kanya ang magiliw na paggunita sa kanya ng mga kasama sa baryong yaon. Tandang-tanda niya ang naturang baryo dahil dito raw siya dinalaw ng kanyang anak na si Melissa na sa panahon ng pagtigil roon ay sumulat sa kanyang Lola. Ibinahagi ni Melissa ang masasaya niyang karanasan at ang iba’t ibang putahe na natikman niya— ulang (fresh water shrimps), labuyo (wild chicken), at sawa! Di ko ma-imagine kung ano ang naging reaksyon ng ina ni Maita sa ganitong sulat ng apo pero malinaw sa kwentong ito ang tindig ni Maita kaugnay ng kahalagahan na maintindihan ng kanyang anak ang kilusang kanyang niyakap.

Sa pagkakulong ko sa Crame noong 1984, ang WOMB, ang Women for the Ouster of Marcos and Boycott, ang isa sa masugid na nangampanya para sa aking paglaya. Isa si Maita sa mga palaban at militanteng kababaihang bumuo ng WOMB. At sa panahon ng EDSA 1, makakatanggap ako ng maiksing sulat mula kina Maita, Irene at Gigi at sa iba pang kababaihan ng WOMB –“huwag kayong mag-alaala sa inyong kaligtasan sa loob ng bilangguan, narito kami sa labas, kasama ang libu-libong mamamayan.” Pagkatapos nang mapatalsik si Marcos noong 1986, magsasama kami ni Maita sa GABRIELA, sa KAIBA, sa Institute of Women’s Studies ni Sister Mary John. Dito, makikilala ko ang kanyang selfdeprecating humor. Sabi niya, sa mga papeles na kailangang ilagay niya ang kanyang civil status—single, married, widowed, separated, etcetera—gusto niyang ilagay ang all of the above! Di matatawaran ang generosity ni Maita. Bukas ang kanyang apartment sa Malate sa mga aktibistang naliligaw sa banda roon pagkatapos ng mga habulan sa US Embassy o kaya sa rali sa Lawton. Noong dadalo ako sa ika-25 anibersaryo ng kasal ng isa sa aking mga kapatid na gagawin sa California at

Mga estudyante, nanawagang itaas ang badyet sa mga batayang serbisyo Arbeen Acuña

Naglunsad naman ng walkout ang mga estudyante ng UPD noong Hulyo 13. Nagtipon ang mga ito sa Palma Hall at naglunsad ng snake rally sa loob ng nasabing gusali. Matapos ang maikling programa, limang jeep na puno ng mga estudyante ang bumiyahe papuntang Mendiola upang makiisa sa ang iba pang

pribado at publikong pamantasan. Noong Hulyo 19, nagkaroon rin ng street painting sa harap ng Palma Hall ang mga estudyante na nanghimok ng mga kapwa estudyante na irehistro ang panawagan para sa mas mataas na badyet sa edukasyon sa State of the Nation Address ni Benigno Aguino III sa Hulyo 23. Kuha ni El Bacani

Naglunsad ng kilos-protesta noong Hunyo 21 ang mga estudyante ng UP Diliman (UPD) at UP Manila (UPM) sa opisina ng Department of Budget and Management (DBM) upang manawagan ng mas mataas na badyet sa edukasyon. Ang mga estudyante ng UPD ay nagtipon muna sa Palma Hall at nagtungong Morayta, at mula rito ay nagmartsa patungong DBM. May katulad ding mga pagkilos sa pinakamalapit na mga opisina ng DBM sa ibang UP unit. Ayon kay Student Regent Cleve Arguelles, nangako ang DBM ng mas mataas na badyet sa edukasyon sa taong ito, pero dapat maging mapagbantay kung tutuparin ang pangakong ito. Nilinaw rin niyang hindi nakikipag-agawan ng badyet ang state universities and colleges (SUCs) sa batayang edukasyon. “Ang hinihingan natin ng budget ay yung mga hindi naaappropriate sa mamamayan tulad ng debt servicing at military spending.” Dagdag pa ni Arguelles, “Higit limang taon na tayong kinakaltasan. Ibig sabihin mao-offset lang kung sakali (ng dagdag na budget) yung kinaltas for the past years.”

Nagtipon ang mga estudyante ng UP Diliman sa AS Steps sa itinakdang araw ng walkout, bago bumiyahe patungong Mendiola.

ako’y nangangailangan ng pormal na damit, nilapitan ko si Maita. Ibinukas niya sa akin ang kanyang closet ng mga damit. Hindi ito siksik ng kung anu-anong kasuotan. Iilan lang ang laman nito pero de kalidad, simple at elegante ang mga ito. At may napili nga ako na kumasya sa akin at ito ang nagamit ko sa bonggang silver wedding anniversary ng aking kapatid. Noong unang bahagi ng 1990s, nagdesisyun si Maita na ituloy ang kanyang naudlot na pag-aaral. Pumasok siya sa non-formal education program ng PUP kung saan nabigyan ng credit ang kanyang mga isinulat (kabilang na ang talambuhay ni Lorie Barros, ang isang mahusay na pagsalaysay sa kasaysayan ng kilusan ng kababaihan sa Pilipinas na bahagi ng dokumentasyon ng kanyang presentasyon sa isang kongreso ng GABRIELA). Kagyat siya na nag-enrol sa School of Economics ng UP kung saan natapos niya ang kanyang masterado—Master in Development Economics. Magtuturo siya ng ilang panahon sa UP Manila. Maging bahagi ng IBON at bandang huli ay magpokus sa pananaliksik laluna sa isyu ng mining. Patuloy ang kanyang pakikisangkot sa kilusan. Regular siyang kalahok ng martsa sa paggunita sa araw ng kababaihan tuwing Marso 8. Nahalal siyang kagawad ng National Council ng SELDA, ang samahan ng mga ex-political detainees. At co-chair siya ng Makabayan, ang koalisyon ng mga progresibong party list. Nagbigay si Maita ng espesyal na pagkalinga sa mga kabataang aktibista. Ang kanyang apartment sa Malate, na malapit sa UP Manila, ay lalaging bukas sa mga kasamahan at kaibigan ng kanyang mga anak, partikular si Pog at si Michael. Ipinagmalaki niya ang napiling oryentasyong sekswal ng kanyang anak; at ang pagiging aktibista ng isa pa habang estudyante pa lamang sa high school. Kaya nga di nakapagtataka na ganito ang isa sa mga naging post ni Michael sa Facebook sa araw ng pagkamatay ng kanyang ina: “2005, hindi ako pumasok sa letran hs para pumunta sa isang pagkilos sa US embassy. Kinabukasan lumabas ang larawan na ito sa dyaryo, pag-uwi ko nakita kong ginupit na ito ng nanay ko at inilagay sa aming ref. bumisita ang kapitbahay agad niyang tinuro ang larawan sa ref: ‘anak ko yan!’” Makulay ang buhay at pakikibaka ni Maita, ang bagong Gabriela, isang buhay na umaayon sa pagsalarawan ni Laurie Barros noong 1971: “The new woman, the new Filipina, is first and foremost a militant…She is a woman who has discovered the exalting realm of responsibility, a woman fully engaged in the making of history…” (Ma. Lorena Barros, “Liberated Women II” in Pugad Lawin, Taon 18 Blg 3, Enero-Pebrero 1971: 32) Tulad ni Lorie Barros, malinaw kay Maita ang bukal ng ganitong paninindigang maging bahagi sa paglikha ng kasaysayan. Sa pagkaalaala ng isa sa mga kasamahan ni Maita sa pinakahuling National Executive Council meeting ng Makabayan kung saan pinag-uusapan ang tagline sa posibleng pagkandidato ni Teddy Casiño sa pagka Senador, inihapag ni Maita ang ganito: “Walang masama sa kaliwa; mabuti ang kaliwa.” Angkop na angkop ito na maging epitaph ni Maita, mahal na kasama, kabaro’t kaibigan! Maita, sa puso ng sambayanan, itatayo ang iyong bantayog!!


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
UP Newsletter July 2012 by University of the Philippines - Issuu