SIMBUYO: Mga Tula at Kwento ng Damdaming Dumadaluyong

Page 74

Aplaya ni VELUTHA

“’Wag kang magmadali! Masusugat ‘yang mga paa mo!” Nagising ako sa kung anong matinis na boses, pumapaimbabaw sa tikatik ng ulang tila maliliit na mga butil ng batong nahuhulog sa aming yerong bubungan. Hindi kalayuan sa aking kama, naaninag ko si Sari—nakapusod ang mahaba niyang buhok, nakatayo sa gawing kanan ng study table, tulad ng dati’y hanggang tuhod ang dilaw niyang bestida. Naroon si Sari, nakatanaw sa may bintana, nakatulala sa kawalan na tila binibilang ang mga patak ng ulan. Nag-aabang ng kung ano, ng pagtila ng ulan, marahil, at paglantad sa wakas ng mahaba at puting baybayin ng aplaya. Kinusot ko ang mga mata ko at saka dahan-dahang iminulat. Nang ibaling kong muli ang tingin sa may study table, tanging makulimlim na langit na lamang ang aking natanaw, at tanging mga patak ng ulan na lamang ang tunog na umaalingawngaw sa kwarto. *** Hilig namin ni Sari ang maglakad-lakad sa aplaya. Noong mga bata pa kami, madalas kaming magbabad at mangolekta ng mga kabibe at makikinis na bato sa dalampasigan lalo tuwing umaga. Mga anak nga raw kami ng dagat; maaga kaming natutong lumangoy kaya’t napakaitim naming mga bata. Mga anak ng dagat, sapagkat wala rin kaming kinagisnang ama. Madalas kaming tuksuhin noon ngunit si Sari ang laging sumasagot—si Sari ang laging humaharap sa mga mangangaway na bata kahit na sa mas malalaki pa sa kanya. Minsan pa, nagpapalitan kami ng damit para lituhin sila. Magsusuot ako ng bestida na palaging suot ni Sari, at saka magpupusod ng buhok tulad ng ginagawa niya. Dahil takot sila kay Sari, ako ang madalas nilang lapitan at awayin. Ngunit magpapalitan kami at si Sari, suot ang paborito kong malaking t-shirt, ay aakalain nilang ako, kaya agad silang tatakbuhin at hahabulin ni Sari pagkalapit pa lamang nila. 64

l Simbuyo


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.