
6 minute read
OPINION| CLIMATE CRISIS: Malabo na ang Salitang Tahanan

ANEILitically Speaking
CLIMATE CRISIS: Malabo na ang Salitang Tahanan
Advertisement
Neil Mark L. Galvez
Sa maingay na sulok ng katotohanan, mukhang hindi na rin bago sa atin noong pumutok ang balita na may ilang mga Siyentista sa Los Angeles mula sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang naglungsad ng nakaaalarmang protesta laban sa mga bangko at malalaking kumpanya na nagpopondo ng fossil fuels dahil sa lumalalang kaso ng global warming at climate change sa mundo. Ayon sa report ng The Times, ipinahayag ni Peter Kalmus—isa sa mga Siyentista ng NASA climate at aktibista na nag-protesta sa tapat ng JPMorgan Chase building—na ang kanilang aktibismo ay nagmumula sa isang pakiramdam ng desperasyon na makahanap ng isang bagay na aktwal na may epekto upang baguhin ang isang sitwasyon sa isang kapansin-pansing antas. Ayon kay Kalmus, mayroon na lamang tayong nalalabing tatlo hanggang limang taon para maiwasan ang drastic climate change. Dahil sa nangyari, marami ang naalarma at agarang naging viral sa mga netizens dahil bukod sa pag-aresto sa mga mapayapang nagprotesta, gumawa ito ng ingay na nag-ugat ng usapin tungkol sa naturang krisis na hinaharap at haharapin pa ng mundo sa mga susunod pang taon. Dito nagmula ang sikat na hashtag ngayong “Let The Earth Breathe”.
CLIMATE CATASTROPHE
Sa patuloy na paglaki ng ating populasyon ay katumbas din nito ang pagliit ng mundo. Mayroon tayong maunlad at mabilis na makinarya, ngunit unti-unti namang kinakalawang ang pagmamalasakit natin sa kalikasan. Ayon sa ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) noong 2020, mayroon na lamang tayong limitadong panahon upang makahabol sa climate change deadline para bawasan nang kalahating porsyento ang heat-trapping emissions, sa taong 2030 (at sa net zero sa taong 2050), upang maiwasan ang pagbabago ng klima na parehong may mapaminsala at irreversible na epekto. Ang hangarin ng IPCC ay mapanatiling mababa sa 1.5°C average ang global temperature. Ngunit ayon naman sa pinaka-bagong tala ng IPCC ngayong taon, inaasahang tataas ang mga temperatura nang higit sa 3°C, na siyang mabilis na magdadala sa atin sa climate catastrophe, maliban na lamang kung ang mga patakaran at pagkilos ay agarang tutuldukan.
CARBON FOOTPRINT
Bukod sa mga makabago at klasikong paraan ay may porsyento rin sa benepisyo ang pagtanggal ng mga unwanted email. Ayon sa BBC Science Focus Magazine (2020), bukod pa sa carbon dioxide emission na siyang pangunahing dahilan ng krisis sa klima, ang pagse-send ng 65 emails ay halos katumbas ng pagmamaneho ng 1km sa isang kotse. Sa isang taon, ang karaniwang tao ay nagdaragdag ng 136kg ng CO2 sa kanilang carbon footprint mula sa mga email na ipinapadala at natatanggap nila. Ito ay katumbas ng dagdag na 320km na pagmamaneho sa isang kotse. Sa buong mundo, ang paggamit ng email ay bumubuo ng kasing dami ng CO2 gaya ng pagkakaroon ng dagdag na pitong milyong sasakyan sa mga kalsada. Ang pag-aalis ng mga unwanted email ay ang pinakamadaling paraan upang mabawasan ang carbon footprint sa computer o smartphone na isa sa mga nag-aambag ng greenhouse gas emissions.
Tunay ngang ang pagbabago ay nagsisimula loob ng ating tahanan. Ngunit kaya ba natin itong panindigan at ipagpatuloy sa mas malaking tahanan lalo na kung ang pinag-uusapan na natin ay ang mundo mismo? Ngayon natin maiisip ang laging bukang-bibig ng mga magulang natin na maging wais at lagi tayong magtipid. Hindi natin kailangan ng sobra dahil anumang sobra ay labis na makasasama sa atin.
Ilan sa mga klasikong paraan upang makapag-ambag tayo sa rehabilitasyon ng mundo ay ang pagtatanim ng mga puno, pagre-recycle ng basura, paggamit ng mga reusable materials gaya ng glass at metallic straws, cups, food containers, at eco bag sa pamimili, pagtitipid sa paggamit ng tubig at kuryente, o iyong labis na pagbili ng damit sa mga kilalang fast fashion brands na pangunahing sanhi ng daan-daang toneladang mga damit na itinatapon lamang sa mga disyerto (tulad ng Atacama dessert sa Chile). Magandang benepisyo rin ang paggamit ng mga bagay na nagbibigay ng alternatibong enerhiya katulad ng mga solar panels na puwede nang ma-install sa labas o bubong ng bahay. Bilang ang labis na paggamit ng carbon dioxide emission ang itinuturong pangunahing sanhi ng climate change at global warming, maaari rin itong mabawasan sa pamamagitan ng paglalakad at pagbibisikleta. Sa paraaang ito ay mababawasan natin ang paggamit ng sasakyan na siyang reliant sa enerhiya. Sa tulong naman ng Ecosia application, na libreng ma-do-download smartphone, ay puwede ka nang makapagtanim ng puno sa pamamagitan lamang ng paggamit nito—45 searches ay katumbas ng isang puno. Ang 80% ng kanilang profit ay mapupunta sa non-profit organization na naka-pokus sa reforestation.
Ngunit sa aking malawak na opinyon, hindi tao ang sasagip sa mundo kundi ang kalikasan mismo. Ang kailangan nating gawin bilang mamamayan at parte ng sistema ay tulungan natin itong muling makabangon mula sa problemang tayo ang nag-umpisa sa pamamagitan ng pagtitipid, pagbabawas, pagpapahagi ng tulong at pakikiisa sa mga kilusan at organisasyon na naglalayong mabawasan ang masyadong pagdepende sa mga produktong labis na paggamit ng plastik, papel, at fossil fuels.
Huwag nating gawing literal ang depinisyon na sa atin lang umiikot ang mundo. Hindi lamang ikaw ang may-ari ng mundo. Lahat tayo ay nakikinabang dito. Sa kapabayaan ng isa, lahat tayo ay puwedeng maapektuhan. Ngunit salungat sa mga sinabi ko ang ideyang hindi natin dapat ibigay ang buong sisi sa mga ordinaryong tao na kumukunsumo lamang sa mismong articial producers. Sa halip na tumutok lamang sa mga minorya, bakit hindi natin subukang mas kilalanin ang mga may pribilehiyong magsimula ng pagbabago tulad ng mga malalaking kumpanya na namamahagi ng mataas na porsyento kung bakit tayo naitulak sa ganitong sitwasyon— na dapat ay sila ang unang nagbibigay ng solusyon sa kabila ng bilyong-bilyong kinikita nila.
Masyado talagang masakit malaman ang katotohanan na ang lahat ng ito ay umiikot sa mga kamay ng malalaking imperyalistang korpurasyon na siyang umaabuso sa ating mga natural resources gamit ang mga daliri ng maruming sistema ng kapitalismo.
Malabo na rin ang kahulugan ng mundo na siyang ating tahanan. Ngunit bilang mga estudyante, tungkulin nating alamin at maibahagi ang mga nangyayari sa mundo sa abot ng ating saklaw. Karapatan nating mangialam sa mga isyung may kinalaman sa panahon at lipunan. Kung hindi tayo kikilos ngayon ay maaaring hindi na tayo makakilos kailanman. Seryosohin natin ang ating mga natutunan dahil hindi lamang ito iniiwan bilang requirements sa eskuwelahan—isinasabuhay ito. At kung hindi ka pa rin nababahala sa mga ingay na ito, siguro nga ay ikaw na ang may pagkukulang.
