
3 minute read
LITERARY| AGOS
AGOS
Vayne
Advertisement
Tumatanda na yata ako. Ewan, bawat pahayag ng kung sino, problema ng bansa—ah, basta, nababagabag ako. Ramdam kong hindi na ako ‘yong bata na sunod lang sa agos ng buhay sa paligid. Hindi na ako ‘yong batang tumatakbo salungat sa hangin na tumatama sa mukha ko. Na humahagalpak mula sa tawa, kahit pawis, madumi, at sinermonan ng magulang dahil baka kung ano ang mangyari sa akin. Tanda ko pa ang mga katagang, “halika’t punasan natin ang likod mo!” o ‘di kaya’y, “bibilangan kita, kung hindi ka pa uuwi rito, itatapon ko ang mga gamit mo sa labas!” Noon, nakakainis pakinggan, pero ngayon, parang gusto ko na bumalik na lang sa partikular na mga oras na ‘yon.
Ngayon kasi, ni hindi ko alam ang patutunguhan ng buhay ko. Hindi ko mahanap kung saan ba talaga ako nababagay. Siguro itong mga problema ko ang talagang problema ng henerasyon ko—ang bigat na pasan namin dulot ng hindi natatapos na siklo ng ideyang "ikaw ang pag-asa". Pero tumatanda na nga ba tayo? Dati, kapag sumasabat ako sa mga usapan ng mga matatanda, ang sabi nila’y ‘wag daw akong sumali dahil hindi ko nauunawaan ang mga konteksto ng pag-uusap nila. Pero bakit ngayon na nasa wastong edad na ako, hindi niyo pa rin pinapakinggan ang kahit anong hinaing at saloobin ko? Kikimkimin ko na lang ba ang lahat ng ito?
Siguro rin, ang mga ito ang mitsa ng mga pinaniniwalaan ko ngayon. Na hindi masama ang tumaliwas sa nakasanayan, hindi masama ang pagpapakita ng hindi pagsang-ayon. Habang tumatanda ako, mas lalo lang nagiging malinaw sa akin na ang mundo ay punong-puno ng kapitalismo, karahasan, at inhustisya. Na tayo mismo, ay nagiging produkto nito nang walang kamalay-malay. Pero ang mga henerasyong dumaan, alam na ito, ngunit pinili na lang manahimik dahil takot basagin ang "status quo".
Sa nakikita ko, marami na ang tulad ko ngayon. Ang henerasyon ko nga raw ang pinakabukas ang kaisipan sa mga isyu. Nakikinig, nanunuri, at sumasangguni. Tumitindig—lalo na ngayon sa panahon ng disimpormasyon at pagmamanipula sa kasaysayan.
Hindi na ako bata. Hindi na lang ako basta sumusunod sa agos ng panahon. Siguro ang pagsusulat ang resulta ng pagkimkim ko sa mga emosyong matagal ko nang gustong ipahayag.
Hindi na ako takot sa hinaharap, dahil alam ko nandito na ako sa umpisa. Lahat ay parte ng mahabang lakbayin tungo sa pangarap. Oo nga't tumatanda na ako, kasabay magtatanda sa akin ang turo ng kasaysayan—lahat dahil at para sa hinaharap na bukas, at oo, para na rin sa bayan.