Skip to main content

August 2016 Newspaper - Volume 61 Number 5

Page 9

FILIPINO / THESPECTRUM

AUGUST 2016

Lihim ng Kabihasnan Ni Ma. Lore Prado| Dibuho ni Sophia Inez A. Bilbao

“Anak! Maraming itim na langgam, huwag mo silang walisin at baka mawala rin ang swerte.” Pamilyar na ito sa mga Pilipino, isang simbolo ng swerte ay ang itim na langgam. Sa pagkatagal-tagal ng kulturang Pilipino, hindi mawawala ang ating paniniwala sa mga hindi maipaliwanag na mga bagay. Sa ilalim ng nakatirik na araw ay mistulang walang gumagalaw na segundo, tulad din ng ating kultura, naabutan man tayo sa panahon ng teknolohiya ay hindi parin nabubura ang ating nakaraan. Patuloy tayo na umuunlad at maraming pinagkakaabalahan ang ating lipunan. Tanong na bumabara sa ating mga isip, saan nga ba ito umuugat at mabuti ba na maraming kabataan ngayon ay kapos na sa kaalamang ito? “Ang mga Pilipino ay mapagmahal sa kultura , lalong-lalo na sa mga matatanda. Dagdag pa dito, ang mga paniniwala ay may matinding impluwensya sa kanilang pamumuhay araw-araw. Maraming tao ay patuloy paring naniniwala na makakatulong ito sa pag-unlad ng buhay. Ngunit maraming mga bagong sibol ang hindi na masyadong binibigyan-pansin tungkol dito dahil para sa kanila ay bahagi nalang ito ng nakaraan,” pahayag ni Lisa Daskeo, isang guro ng Sibika sa isang pampublikong paaralan. Siya mismo ay naniniwala dito dahil hindi naman daw ito kawalan at wala namang masama sa pagsunod dahil ito ay bahagi na ng kinabihasnan. Ang mga lumalaganap na pamahiin o mas kilala na tawaging mga paniniwala o aral ng mga matatanda ay bahagi na ng buhay kung ikaw ay isang totoong Pilipino. Sa lahat ng mga gawain ay hindi ito mawawala. Mga halimbawa ay sa pagkakasal, paghahanap ng trabaho, paglilipat ng bahay, at iba pa. Kahit

na kung ikaw ay buntis, ito’y may kalakip na pangyayari. Hindi mo mamamalayan na minsan ikaw mismo ay naniniwala din dito. Kung bigla mong kinagat ang iyong dila ng aksidente lamang, ibig sabihin nito ay may umiisip sayo. Ang ating nakaraang Presidente ng Pilipinas na si Joseph Estrada ay nagmamay-ari sa kanyang tahanan ng wasak na salamin sa paniniwala na tinataboy nito ang mga masasamang espirito at mga masasamang pangyayari. Hindi importante ang antas mo sa lipunan, kahit mayaman ka man o mahirap ay nasa dugo na natin ang mga paniniwalang nito at hindi maiiwasan na ikaw mismo ay gumagawa din nito. Kung ikaw ay isang ordinaryong Pilipino, nakasanayan mo na sumali sa mga superstitious thinking na hindi mo namamalayan. Kailan na nga ba ang huling pagkatok mo sa kahoy, pag-iwas sa itim na pusa o pagbasa ng iyong horoscope? Ito ay tinatawag na magical thinking dahil walang katumbas na paliwanag ang makakapagsabi ng katotohanan tungkol sa paniniwala. Halos kalahati ng mga Pilipino ang naniniwala sa mga bagay na ito. Karagdagan dito, kung ikaw ay nakatira sa mga bukid na malayo sa syudad, siguradong naniniwala ka sa mga mangkukulam, kaluluwa at mga simbolo ng kamatayan. Ngunit ano nga ba ang papel ng magical thinking sa ating paniniwala? Nakakatulong kaya ito? O ‘di kaya ay sumosobra na tayo? Ayon sa pagsasaliksik, hindi lahat ng ritual ay paniniwala. Halimbawa, kung ang isang estudyante ay nagriritwal para sa isang pagsusulit, maaari itong makatulong na kumalma at maka-pocus ang isip sa oras ng pagsusulit at ito a hindi superstitions lamang dahil wala kang sinusunod na tagubilin at kusa mo itong ginagawa na nagbunga din ng kabutihan sa iyo. Sa kabilang dako,

kung ang mag-aaral ay naglalagay o gumagamit ng mga charm o mga bagay na pinapaniwalaang nagdadala ng swerte, ito ay maaring isang karamdaman ng Obsessive Compulsive Disorder (OCD), ayon sa AnxietyBC. Mga taong may OCD ay karanasang ginagawa ang bagay ng ulit-ulit, na minsan ay nakakadisturbo na sa ating araw-araw na kagawian. Ang isang tao na umiiwas sa mga sira ng daan o ‘di kaya ay kumakain sa lugar na palaging pinupuntahan, pwesto na nakagawian na kapag kumakain bunga ng nakasanayan. Kung sila ay hindi makaangkop sa ano mang pagbabago sa nakagawian ibig sabihin ay may OCD sila, ito ay ayon sa pananaliksik ng National Institute of Mental Health. Marahil hindi makikita ang koneksyon ng dalawa, ngunit dahil dito ay hindi maunawaan ng normal na tao kung bakit nga ba nakasanayan na ang gawaing ito. Ang anxiety disorder o mas kilala sa tawag OCD ay hindi nabibilang sa superstitious thinking, dahil ito ay ang irasyonal na pag-iisip. Ang tunay na kasagutan ay bigyan ng tamang atensyon ang sariling pagiisip, lalong-lalo na kung nakaranas ka na ng anxiety at hirap sa pagtulog o sobrang pag-iisip na nagbubunga

ng pagod at depresyon. Hindi lahat ng bagay na nakasanayan ay dahil sa kultura, minsan dahil ito ay dulot ng karamdaman na hindi masyadong halata. Pakiramdam na ikaw ay protektado dahil sa sekuridad ay isa sa mga pinakapositibong biyaya ng superstitious thinking, sa pagdala ng isang bagay na nagpapaswerte sa iyo. Ito ay tinatawag na placebo effect– kung iniisip mo na itong bagay ay makatulong sa iyo, baka nga ito ay magkakatotoo. Kung ang kinalabasan ay dahil sa swerte, ang paniniwala ay hindi na importante, samantalang ito ay dahil sa iyong pagsasagawa ng mga gawain ito’y magdudulot ng positibong pag-iisip at hindi ka na aasa sa swerte-swerte lamang. Mahirap lamang kung mayroon kang matinding pangangailangan sa iyong mga maswerteng bagay dahil kapag nawala ito ay magdudulot ng depresyon at kalungkutan na magdadala sayo pabalik sa superstitious beliefs na negatibo. Ang phobic superstitious ay nakakadulot ng matinding takot sa ating buhay na nagdadala ng anxiety. Ang Friday the 13th ay isang sikat na paniniwala, kung saan ang karamihan ay umiiwas na lumabas ng bahay dahil malas at punong-puno ng panganib ang araw na ito. Kulturang kinalakihan at sinubaybayan, mga kwento ng karanasan na nagbunga ng positibo o negatibong pangyayari. Sa tagal na ng panahon ay maraming naghahanap ng kasagutan sa ating nakasanayan. Hindi na maikukubli na ngayon ay marami nang maaaring kasagutan. Tama man o mali ay hindi importante dahil ang paniniwala ay bahagi ng ating kultura, at sa pagsikat ng araw ay hindi na ito mabubura. Mahalin at unawain ng mabuti ang ating nakaraan at marahil ang kasagutan sa lahat ng katanungan ay nananatiling tulog at hindi pa nabibigyan ng angkop na kahulugan.

Lumilisang mga Utak: Ang Paglagas sa Kaalaman ng Bayan

Ni Lyle John L. Balana | Dibuho ni Keanu Joseph P. Rafil

Kung tatanungin ang isang tao kung ano ang isang tunay na kayamanan, maririnig ang mga sagot tulad ng pera, pagkain, kaligayahan, o lupa. Ang lahat ng ito’y tama at kailangan ng isang tao, at kung ano ang kailangan ng isang tao ay kailangan din ng kanyang bansa. Pero merong kayamanang mas mahalaga pa sa mga nabanggit—ang tao mismo at ang kanyang kaalaman. At sa paglipas ng panahon, ang mga dalubhasa ay nagsisialisan para mangibangbansa. Ito ay tinatawag na brain drain – isang proseso kung saan ang mga taong nakakuha ng sapat na edukasyon at kasanayan ay naeenganyong gamitin ang

mga ito malayo sa inang bayan. Ang pinakamalaking dahilan ay ang malaking salaping ipapalit sa kanilang hirap na halatang hindi matutumbasan ng mga trabahong naghihintay dito sa Pilipinas. Dahil sa kakulangan ng magandang pundasyon, mas magiging mahirap ang pag-ahon ng bansa mula sa nga problema nito. Merong mga nagsasabing ang mga taong nakukuha ng brain drain ay nagpapadala naman ng pera. Ngunit ang iba sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na ito ay gumagawa ng paraan para makapundar ng sapat na halaga upang makalisan ang buong pamilya mula sa Pilipinas patungo sa tinatrabahuhan nilang bansa. Ang mga napadalang pera dito sa bansa ay gagawin nilang kapital para makapagsimula ng

bagong buhay sa malayo, at lalabas pa rin ang perang ito mula sa ekonomiya ng bansa. At kahit na sa mga hindi nagbabalak na magretiro o magtrabaho ng permanente sa ibang lugar, malaking kakulangan ang nagpapasara sa mga ospital, eskwelahan, at mga negosyo dito sa bansa. Ang pagkawala ng mga espesyalista ay masakit para sa mga industriyang nakadepende dito, kaya nama’y mabagal ang paglago at pagdagdag ng modernisasyon sa ibang aspeto ng bansa. Ang mga nagsisialisang nars at doktor ay mas marami sa mga papalit sa mga ospital sa Pilipinas, kaya nama’y babagal ang proseso sa mga pampublikong pagamutan. At dahil kulang ang mga doktor, ang pagbibigay at pagbibili ng mga gamot at iba pang pangangailangan ay mababawasan din kaya’t ang industriya at supply ng mga gamot na ito ay liliit at mapapalitan ng mga generik na bersyon o tuluyang mawawala mula sa sirkulasyon. Lahat ng ito ay magreresulta sa mga pasyenteng di nalalapatan ng agaran at epektibong lunas. Merong ding negatibong epekto ang brain drain sa edukasyon at mentalidad ng isang komunidad. Ang lahat ng mga tinuturo ngayon ay pinupundar patungo sa globalisasyon, kaya’t ang mga lokal na trabaho at pangangailangan ay hindi na napapakinabangan o nadadagdagan ng mga

empleyado na makakapatay ng ibang mga tradisyonal na gawain tulad ng paghabi mula sa mga tradisyonal na mga habla. Ang nasyonalismo ay mawawalan ng saysay dahil ang pagka-Pilipino ng isang tao ay mahirap ipairal sa lupang pinagtatrabahuan. Dahil pumupunta ang mga Pinoy doon bilang mga menial worker, dapat nilang respetuhin at sundin ang kultura doon. Ang mga napupulot na aral doon ay nagpapabago sa paningin at kilos ng mga bumabalik na mga nag-abroad, kaya’t nagiging malabnaw na ang kulturang Pilipino at kung ano talaga ang ibig sabihin nito. Nawawala na ang respeto sa bansa at sa mga kaya ng mga mamamayang ito para sa kanilang sarili. Hindi namin minamasama ang pagiging OFW, at lalong di masama ang pagtatrabaho sa ibang bansa o ang pagkuha ng aspekto ng kultura nilang nakagiliwan na. Ngunit masamang talikuran ang pangangailangan ng bansang sinilangan at kinalakihan. Kailangang may magsimula sa pagbibigay halaga sa Pilipinas sa paraang makakatulong sa mga nais ng kanyang mga anak. Isang malaking sakripisyo ang napipinti para sa mga susunod na henerasyon, isang sakripisyong mas malaki ang buwis sa pawis kaysa sa dugo, ngunit ito’y isa pa ring kagalanggalang na paggunita sa pagmamahal sa bansa.

9

Ang Huling Palakpak

Ni Hezron G. Pios | Dibuho ni Karen D. Panganiban

Naging ganap ka nang manghuhula dahil sa mga sirang-plakang linyang binibigkas, mapa-bida man o kontrabida. Alam mo na rin kung kailan lalabas ang panggulat sa katatakutan, o kaya’y hahantong na naman sa sampalan ‘pag natuklasan ng asawa ang kabit sa isang love story, o kaya’y ang bidang naging lugmok sa kahirapan ay ang nawawala palang anak ng isang mayamang negosyante. Anu-ano pa nga ba ang patuloy na nananatiling paulit-ulit sa industriya ng midya? Sa telebisyon, lalonglalo na ‘pag teleserye, kung pangit ka, talagang lugmok sa kapangitan ang anyo mo: tigyawat, itim na balat, pawisin. ‘Pag kontrabida ka naman, gawi mo na ang tumawa sabay bulong (pero naririnig naman ng lahat) sa sarili ang masama mong balak. Marahil ang plano na nama’y may maitim na van na biglang dadamput sa bida, tatakpan ang bibig nito ng panyo, at tsaka haharurot paalis. Tandaan mo rin na halos lahat ng programa ay dapat may halong romansa, kaya ‘wag ka nang magulat kung ang plot twist ay isang malaking biglaang halikan. Mula cartoons hanggang usapang-pulitika at talk shows papuntang K-drama, minsan ka na lang makakawala sa usapang kiligan at hugot lines. Tanging pambansang elemento na nga ito upang pampaganyak sa mga manonood. Ang mga sikat na mga personalidad nama’y nangangailangan din ng patuloy na publicity stunt upang hindi sila malaos nang basta-basta, kung kaya’t parati silang ginagawang guest actors sa mga sinusubaybayang teleserye o programa, halimbawa ay mga bagong labas sa Bahay ni Kuya (Pinoy Big Brother), mga bagong panalo sa mga kumpetisyon (The Voice, Star Struck, Talentadong Pinoy) at iba pa. Kung sa tambalan naman, nangungana rito ang KathNiel, JaDine at LizQuen—kailangan kasi may chemistry o medyo pabebe o may tagos ang mga linyang

Official Student Media Corps of the University of St. La Salle - USLS Student Activity Center, La Salle Ave., Bacolod City, Negros Occidental 6100 - August 2016

binibitawan para makuha ang atensyon ng mga manonood lalong-lalo na sa kabataan. Paano ba manamit ang mga karakter sa istorya? Syempre kung isa kang kontrabida, dapat itim na leather jacket, itim na shades, itim na sombrero: basta itim para madaling sabihing, “Ah kontrabida ‘yan. Naka-itim eh.” Kung mahirap na bida naman, dapat napakapayak ng istilo’t kulay ng damit, minsan may disenyo pero kadalasan mismong pangalan o logo na ng sponsors ng damit ang nilalagay. Kung matalino, dapat nakacheckered at glasses; kung siga, dapat nakabaliktad na ball cap. Kahit sa pananamit pa lang, alam mo na kung anong klaseng tao ang ginagampanan ng aktor, ‘di ka na rin magtataka ng lubusan. Bakit nga ba parati na lang nahuhuli sa barilan o awayan ang mga pulis (hindi tayo nakarinig ng katanggap-tangap na dahilan kahit kailan)? At bakit nasa paliparan palagi ang mga “Mahal pa rin kita” moments? Bakit kung laki sa ibang bansa naman ang isang babae, wild o liberated na agad-agad? Kung namatayan naman ng minamahal ang bida dahil sa planadong pagpatay, bakit pa ba iiyak muna at sisigaw ng paghihiganti (malamang magpapayaman muna) bago humingi na saklolo o tulong? Bakit kung malungkot ang eksena, dapat umuulan ng malakas o nasa malayong tingin? At ang pinakamalaking tanong: Bakit ba lahat may halong romansa? Nakakasawa na nakakaaliw ‘di ba? Kung ang huling halaklak ay nauuwi parati sa bida, ang huling palakpak nama’y angkin ng midya. Kung wala ito, mawawala ang kamalayang hinggil sa mga tumatatak sa ating puso, isipan at maging sa ating kasaysayan bilang tao at bilang sambayanang Pilipino. Maaari ngang paulit-ulit na lang ang paglitaw nito sapagkat nangangahulugang naging bahagi na rin sila ng ating pagkakakilanlan. Sa huli, tanging tao rin lang naman ang tumatanda, hindi ang kanyang gawa.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
August 2016 Newspaper - Volume 61 Number 5 by TheSpectrum-USLS - Issuu