Veritas Literary and Arts Folio 2017: Transitions

Page 29

Pagpukaw by Melrein Viado

Mahinahong nakahimalay Sa gitna ng mga along Iniwan mong mamuo magdamag sa ‘yong kama.

Ng mga mensahe niyang naglayag pa sa kalawakan Para lang ipaalam sa’yo Na ikaw at tanging ikaw lamang Ang s’yang laman ng kanyang isipan Bago pa man nagpalunod sa liwanag ng araw ang buwan.

Ang unan mo: tuyo.

Hindi ka sanay.

Walang kahit anumang bakas na pagkamuhi mo Sa lamig ng gabi, Sa katahimikan ng dilim, O sa hindi pagiging patas ng mundo.

Hindi ka sanay bumangon Nang hindi dahil sa kanya Kundi para naman sa’yo

Isang araw, Magigising ka na lang nang maayos.

Mamamangha ka. Mas gugustuhin mong ubusin Ang kapeng iniinom mo Kaysa sa mga saloobin niyang Iniwang nakabuklat sa Twitter. Susubukan mong hanapin ang pait Na dating nakakabit Sa dalawang nabanggit Kaso wala kang makikita. Bagkus, matatagpuan mo Ang sarili mong abala sa kakahanap Ng ibang bigat na pwedeng dalhin, Ibang patalim Na pwedeng ipangtarak sa dibdib, Ibang sakit ng ulo, Ibang kirot na dulot ng pagsablay Kasi sa totoo lang talaga, Hindi ka pa sanay. Hindi ka sanay mamulat Nang banayad Na buong pagsukong nakayakap Sa katotohanang hindi na ang cellphone mo Ang napiling pantalan

Hindi para isisi o iasa na naman sa kanya Ang dahilan ng pakiramdam Na kulang ang gabing nagdaan At ang pagkakumpleto Ng araw mo ngayon, o ng kinabukasan. Hindi ka sanay. Hindi ka sanay mapahikab O kahit mapabuntonghininga Na walang nararamdamang hapdi Nang hindi nayayanig ang mga bakanteng loteng Nasasakupan ng iyong tiyan Na siyang dating tinitirhan Ng mga paruparong bigla na lang nagsulputan No’ng unang beses ka niyang nginitian. Kaya naman ngayon, Kahit ayos na ang lahat, Kahit namahinga ka man nang sapat, Tila ‘di ka makahanap ng direksyon. Matatagpuan mo ang sarili mong Nag-iisa, naliligaw, Giniginaw; Na tila nakaligtaang Hindi sa paglisan natatapos ang pananatili At iba ang paglayo sa pagbitaw.

25 “Pagpukaw” was previously published at Bukambibig Poetry Folio of Spoken Word Philippines.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.