Philippine Collegian Issue 28

Page 4

“CON LOS TERORISTAS!” sigaw ng tugtugin sa pagbubukas ng video. Magsisimula ang eksena sa isang pamilyar na klasrum na pinagdadausan ng GE classes sa College of Arts and Letters kung saan mag-isang nagsasayaw ang isang estudyanteng nakahelmet habang tila hindi siya pinapansin ng kanyang mga kaklase. Matapos ang ilang segundo, biglang bababa ang bass sa tugtog at kasabay ng autotuned na boses na nagsasabing “Do the Harlem Shake,” magjajump cut ang video sa parehong klasrum, ngunit sa pagkakataong ito, lahat ng estudyante’y hataw na sa pagkandirit sa iba’t ibang paraan habang suot ang sari-saring damit at costume. Isa ang nasabing video sa mga bersyon ng Harlem Shake, na nagkalat na sa Youtube at iba pang pahina sa Internet. Mula Pebrero, libo-libo nang bersyon ng nasabing sayaw ang naka-upload sa Internet, at masasabing ito na nga ang pinakapatok na meme sa kasalukuyan. Maliban sa pagiging porma ng katuwaan, may kabuluhan nga ba ang nasabing dance craze sa usapin ng pagpapalawig ng pulitikal na pagkamulat o manipestasyon lamang ito ng tumitinding pag-iral ng dekadenteng kulturang popular na naglilihis ng atensyon ng madla sa higit na mabigat

na mga isyung panlipunan? DO THE HARLEM SHAKE Ayon sa website na knowyourmeme.com, ang Harlem Shake meme ay nagsimula sa isang video na nilikha ng vlogger na may palayaw na “Filthy_Frank.” Ang orihinal na video ay nagpapakita ng apat na lalaking naka-costume at sumasayaw sa saliw ng tugtog n American electronic musician na si Baauer na pinamagatang “Harlem Shake.” Mula sa nasabing video, lumikha naman ang isang grupo ng mga binatilyo mula sa Queensland, Australia ng isang bersyon na nagsisimula sa solong pagsayaw ng isang taong nakamaskara o helmet, na kanilang inupload sa Youtube noong unang linggo ng Pebrero at naging batayan para sa libo-libo pang bersyon ng sayaw. Sa saglit na panahon lamang, agad na kumalat ang Harlem Shake, at bago pa matapos ang Pebrero, mahigit 25,000 bersyon na ng nasabing video ang uploaded sa Youtube samantalang umabot na sa mahigit 44 milyon ang nakapanood sa mga ito. JAPEYK NA SHAKE? Gayunman, may ilang kritikong mabilis na naalarma sa pagkalat ng bagong sayaw, na sa katunayan ay isang parody o katawa-tawang imitasyon ng orihinal na Harlem Shake, isang uri ng hip-hop dance na nagmula sa Harlem, New York. Unang nakilala bilang “albee dance” dahil kay “Al B” na

sinasabing unang nagpauso ng sayaw noong 1981 sa Rucker at Harlem, bahagi ng orihinal na sayaw ang paggalaw sa mga balikat at katawan na tila ba nakabalot ang katawan na gaya umano sa mga mummy ng Ehipto. Ayon kay Tamara Palmer ng African-American online site na The Root, ang bagong Internet meme ay maaaring ituring na isang lantarang pambabastos sa black culture ng Harlem ang bagong Internet meme, lalo pa at pinasikat ito bilang isang parody ng mga Amerikanong puti. Gayundin, ibinabaon nito sa limot ang historikal na kahalagahan ng tunay na Harlem Shake, na malaking bahagi ng pag-unlad ng hip-hop culture sa black communities sa Estados Unidos. Bagaman may punto ang mga kritiko sa pagsasabing hindi maihihiwalay sa usapin ng Harlem Shake ang mga isyung kaugnay ng race at black culture, nararapat din namang sipatin ang progresibong potensyal na taglay ng bagong dance craze na ito.

RADIKAL NA POTENSYAL Mula sa pagiging isang panlalait sa kulturang African-American, maaaring baguhin ang oryentasyon ng Harlem Shake upang magsilbi bilang bagong progresibong lunsaran. Mayroon malaking progresibong potensyal ang pagsasayaw bilang porma ng pagkilos sapagkat nagtataglay ito ng parehong simbolikong lakas ng masa na mayroon ang iba pang porma ng pagkilos gaya ng pagrarali at pagdaraos ng mga demonstrasyon. Gaya ng inilahad ng kilusang “One Billion Rising” nitong Pebrero, na naglayong magpakilos ng kababaihan sa buong mundo laban sa karahasan, may kakayahan ang pagsasayaw

na maabot, magpapaliwanagan, at mapakilos ang libo-libong masa para sa mga partikular na isyu. Kung susuriing mabuti, nagtataglay ng likas na demokratikong karakter ang Harlem Shake sa magkabilang panig – kapwa sa usapin ng paglikha at pagkonsumo. Dahil madali lamang gayahin ang Harlem Shake at hindi ito komplikado, kahit sinong may videocam, webcam o cellphone ay maaaring gumawa ng kanilang bersyon ng Harlem Shake, at sinumang may access sa Internet ay maaaring mapanood ang mga ito. Gayundin, ang mismong porma ng nasabing viral video ay representasyon ng sama-samang pagkilos bilang komunidad: hindi Harlem Shake kung wala ang jump cut tungo sa maramihang pagsayaw, hindi Harlem Shake kung mag-isa mong gagawin. Samakatwid, higit sa pagiging atake sa black culture, ang Harlem Shake ay maaring magsilbing malakas na pagtutsada sa kultura ng indibidwalismo. Ngunit gaya ng anumang porma ng progresibong sining, nararapat na malay ang mga tagapaglikha ng video sa radikal na potensyal ng Harlem Shake. Sapagkat gaya ng iba pang elemento ng kulturang popular, madali lamang itong mahulog sa bangin ng kawalang-katuturan kung hindi gagabayan. Halimbawa na lamang nito ang pagpili sa lugar na pagkukunan ng video. Marami sa mga bersyon ng Harlem Shake ay kinukunan sa mga opisina, high-end na establisyimento, at mga pribadong pasyalan – na kung bibigyang-pakahulugan kasama ang hindi maintidihang pagkilos sa Harlem Shake ay maaaring sabihing representasyon ng kalabisan at kawalang-katuturan ng

kapitalistang kultura. Ngunit ang malay na progresibong manlilikha ay pipiliing kunan ang video sa mga simboliko at signipikanteng lunan ng pakikibaka, gaya ng mga pabrika, bukirin, o maging mga lansangan. Sa Tunisia at Ehipto, halimbawa, nagdaos ng protesta ang mga estudyante at kabataan laban sa paninikil sa kalayaang magpahayag ng konserbatibong liderato ng kanilang mga pamahalaan, sa pamamagitan ng pagsayaw ng Harlem Shake sa mga opisina ng gobyerno suot ang mga costume na salungat sa kultura ng mga bansang Muslim. Sa Pilipinas naman, nagsayaw ang ilang militanteng estudyante ng “Dinky Shake” sa Mendiola, bilang pagkutya sa pagkakait ng Department of Social Welfare and Development sa relief goods para sa mga biktima ng Bagyong Pablo. Hindi maikakailang may progresibong potensyal ang Harlem Shake upang magmulat at magpakilos. Sa katunayan, anumang porma ng sikat na Internet meme o viral video ay may radikal na potensyal. Ngunit nararapat itong igiya sa tamang landas, upang hindi ito mauwi sa dekadenteng anarkismo na walang anumang isinusulong na pagbabago. Sa huli, nararapat ding alalahaning ang mga malikhaing porma ng pagkilos gaya ng Harlem Shake ay nauuso at nalalaos, ngunit ang mga progresibong pwersa ay hindi dapat magpakakupot at sa halip ay nararapat matutong umangkop – sapagkat hindi tulad ng viral videos at mga dance craze, hindi dapat malaos ang pagkilos tungo sa pagbabagong panlipunan.

SHAKING THE SYSTEM MULA UP HANGGANG EHIPTO, TILA BUONG MUNDO AY NAKIKISABAY SA INDAYOG NG PINAKAPATOK NA DANCE CRAZE SA KASALUKUYAN, ANG HARLEM SHAKE. NGUNIT BUKOD SA PAGIGING USO, MAY NATATAGO ITONG RADIKAL NA POTENSYAL PARA SA PAGBABAGONG PANLIPUNA.

Jan Andrei Cobey

KULTURA Miyerkules 13 Marso 2013


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
Philippine Collegian Issue 28 by Philippine Collegian - Issuu