Jak en Poy:
Pagsipat sa kultura ng trapiko at commuter Gemma Alkuino Esteban at Thalia Real Villela Gjhit ni gerald miranda goco
ato... Bato... Pick! B Kung sino matalo, siyang sanhi ng trapik. Ang paggamot sa sakit ng lipunang nabanggit ay hindi makukuha sa isang kisapmata. Kung gaano kabigat ang trapik araw-araw ay ganon din ang karampatang solusyon upang masugpo ito—kinakailangan ang kooperasyon ng lahat ng mamamayan. Isang mahirap at mabagal na proseso, ngunit kung hindi sisimulan ay lalo lang walang mangyayari. Papel, gunting o bato. Ano man ang itira ay talo. Mabagal pa rin ang usad. Sapagkat ang totoo, ang bawat isa sa lipunan ay nakabara.
Tumabi ka riyan, dadaan ako. Sa araw-araw na pagbiyahe, pikit-mata nilang pinanonood ang mga sasakyang naggigirian at nag-uunahan sa masikip man o malawak na kalye. Ang mga mababangis na sasakyan sa mga kalsada ng Maynila ay hindi nagpapadaig sa isa’t isa. Sa simpleng pagsingit ay makatatanggap ng matinding pagmumura, masasakit na titig at nakabibinging mga busina ang lahat ng nasa lansangan. Maging ang mga pribadong sasakyan ay walang pakundangan sa pagharurot. Anumang mangyari, kailangang makarating sa destinasyon nang hindi nahuhuli. Pakiramdam ng marami, ang pagka-late ng 30 minuto ay nagbibigay ng karapatan upang kumaripas at labagin ang lahat ng batas pantrapiko mahabol lang ang oras ng pasok o meeting. Ganito tumakbo ang isip ng Pinoy sa kalsada. Karamihan ay nakalilimot sa maaaring maging epekto ng bawat kilos sa ibang sasakyang kahati sa kalsada sapagkat ang tanging pokus ay nakatuon na lamang sa kahalagahan ng sariling oras. Ang tsuper ng isang pampasaherong sasakyan ay gagawin ang lahat huwag lamang masayang ang oras. Ang oras kasi ay nakakaapekto maging sa karaniwang tsuper na walang hinahabol na meeting o pasok. Mas mabilis kasi, mas maraming biyahe. Mas maraming biyahe, mas maraming pasahero. Mas maraming pasahero, mas maraming kita. At ang maraming kita ang kailangan nila upang mabuhay ang pamilyang sila lang inaasahan. Pero, hindi lang naman ang mga taong nakasakay sa kanilang mga sasakyan ang nagpapakita ng likas na kaungasan sa mga kalsada natin. Pati rin ang mga commuter nakikigulo. Kapag hindi siksikan, talamak ang unahan at singitan. Ngunit mas malupit iyong siksikan na nga, nakukuha pa ring mag-unahan at magsingitan. Lahat ay may hinahabol na oras. Lahat kailangang mauna, anumang init, sikip at tulakan ang kailangang suungin dahil kahit tayong mga mismong commuter ay nagmamadali rin. Dahil dito, walang traffic light ang makapipigil sa kanila — tatawid at tatawid sila kung saan malapit, kung saan komportable. Natural silang madiskarte. Hindi nga naman praktikal at papagurin lang nila ang kanilang mga sarili kung lalakad pa ng kalahating kilometro para maghanap ng pedestrian crossing o umakyat sa overpass. Sa pagiging praktikal siguro lumalabas ang iba’t ibang pagtingin sa konsepto ng oras. Ayaw nilang mag-aksaya ng oras sa paglalakad, dahil kailangan nga naman nilang magmukhang desente, at mahirap makamit iyon kung naglalakad sila sa mainit at mausok na mga kalsada ng Maynila. Traffic. Sira ang LRT. Ilan lamang ito sa
mga karaniwang palusot ng mga Pinoy tuwing nahuhuli sa oras ng pasok o meeting. Ang mabagal na aksyon ng ating gobyerno sa trapiko at bulok na sistema ng transportasyon sa bansa ay maaaring ituring na isa sa mga pinanggagalingan ng Filipino Time. Ang totoo, wala namang magagawa ang sinuman kung hindi pagtiyagaan ang trapikong hindi malunaslunasan ng gobyerno. Hindi kasagotan sa pagiging laging late ni Juan ang patuloy na paninisi sa mga bagay na bahagi na ng bituka ng kulturang Pinoy. Wala nga namang mali sa ganitong pananaw — kung tutuosin pagpapakita pa nga ito ng respeto sa iyong kasama. Ayaw mong masayang ang oras mo at maging ang sa kanya. Ang problema nga lang, dahil kailangan mong magmadali, kapalit naman nito ay ang perwisyo sa iba. Tila ang tanging mahalagang oras ay ang ating sariling oras. Tila, ang kahalagahan ng oras ay maipapakita sa pagmamadali at pagsingit para mauna. Hindi naman mangyayari iyon kung inaagahan natin at binibigyang importansya ang panahon.
Manong, Para! Ay... hindi pa po pala! Paurong pa ho sana nang kaunti oh. Malinaw naman ang silbi ng mga itinakdang babaan at sakayan—at ito ay maging tamang lugar sa paghinto upang maging maayos ang daloy ng trapiko. Pero, tila hindi talaga marunong magbasa ang mga motoristang Pinoy. Kung saan pa kasi may babalang “Bawal Magsakay at Magbaba Rito”, doon pa sila lalong tumitigil. Basta may pumara ay kanilang isasakay o ibababa, nasa gitna man sila ng daan. At bilang ganti sa pangunahing pinagmumulan ng kanilang mga kinikita, kinukunsinti nila ang kanilang mga kamahalan – mga pasaherong gusto magpahatid sa mismong tapat ng kanilang mga palasyo. Tila gustong ituring na espesyal at importante ang mga pasahero. Hindi rin naman magiging ganon kasuwail ang mga tsuper kung walang pasaway na mga pasahero— mga pasaherong gustong itigil ang lahat ng sasakyan sa kalsada para lamang makasakay o makababa sa mismong tapat ng kanilang destinasyon. Palibhasa, masyadong isinasabuhay nating mga Pilipino ang kasabihang “Bawat piso ay mahalaga.” Literal na literal. Aabot hanggang sa puntong wala nang anumang traffic sign ang makapipigil sa atin masulit lamang ang bawat sentimong inilaan sa pamasahe o gasolina. Ito kadalasan ang ugat ng kaguluhan— ang paglubos ng tao sa halaga ng isang bagay habang hindi inaalintana ang ibang aspekto sa lipunan na maaaring maapektuhan. Tingnan ang mga mauunlad na bansa, lalo na yung mga kapitbahay natin sa Asya. Binubuo ang kanilang mga daanan ng mga hintuan na sinusunod ng lahat. Ang mga tao, mayaman man o mahirap, ay marunong maglakad patungo sa kanilang destinasyon. Repleksyon iyon ng kultura at pangkalahatang ugali ng isang bansa. Dito na rin papasok ang pagtingin natin sa tunay na kaunlaran pagdating sa mga daanan at kalsada. Para sa maraming Pinoy, maunlad at nakatataas ka sa lipunan kung may sarili kang sasakyan. Kaya naman ang mga pribadong sasakyan na pumupuno sa ating mga kalsada ay nagkakaroroon ng sariling bersyon ng pagsasawalang bahala sa batas. Dahil pribado ang sasakyan nila, pakiramdam nila, mayroon rin silang karapatang magkaroon ng sariling babaan at sakayan. Napapansin ito, kaya naman gagayahin ng bawat isa, maging ng mga drayber at pasahero nito. May punto nga
naman sila, kung ginagawa ng iba, pwede rin naming gawin. Hindi lang nga naman sila ang may karapatang maging hari at reyna sa kalsada. Pantay ang kalsada, ika nga. Lahat may karapatan, kaya ang lahat, inaabuso ito.
Ped Xing Ahead “Bawal tumawid, nakamamatay.” Pero tatawid pa rin. Naglipana ang ganyang mga babala sa malalaking kalsada ng Maynila. Ganito na ata talaga katigas ang ulo ng mga Pilipino para maglagay pa ng ganyang mga panakot sa mga motorista at mga mamamayan. Sila at ang maling takbo ng kanilang mga pag-iisip ang mismong ugat ng problema. Walang pakundangan kung may malabag man na batas dahil kampante sila na madadaan naman sa suhol ang kung sino mang makahuli sa kanilang hindi pagsunod. Wala na silang takot. Pwede rin namang badtrip lang talaga sila sa kanilang gobyerno. Ang gobyerno kasi ang nagpapatupad ng mga batas trapiko na syang sumisimbolo sa kanilang bulok na pamamahala kaya bilang ganti, ay hindi ito sinusunod ng publiko. Maaaring naiinis ang mga mamamayan sapagkat ang pondo ng gobyerno na binubuo ng ating mga buwis na binabayaran ay hindi nagagamit nang maayos. Wala silang makitang pangmatagalang pinaglalaanan ng pera, panay panandaliang mga solusyon o proyekto lang ang kanilang mga naiisip. Pero nakapagtataka kung bakit kailangan pa nga naman ng pamahalaan maglagay ng mga ganoong babala. Kailangan pa nitong sindakin ang mga mamamayan nila na may namatay na sa lugar na iyon. Isang balintunay ito sa lipunan — ang mga simbolo ng pagkakaayos, ay nagpapakita rin ng isang lipunang magulo at walang sinasanto. Pwede rin naman silang bumalik sa konseptong pantay-pantay sila. Kung may hindi sumusunod, bakit nga naman kailangan sundin ng lahat? Malulugi nga naman sila, lalo na’t sa kalsada, hindi naman sinusuklian ng pamahalaan ang pagiging masunurin. Ni mga daan nga na sira na isa pang sanhi ng trapik, hindi ipinapaayos agad. Pero, sa ganong pagiisip nagmumula ang problema. Hindi giginhawa ang agos ng trapik hanggat hindi nila inilulugar ang sarili sa ayos. Wala talagang usad na mangyayari kung hindi sila matututong luminya sa pila at magbigayan. Kapag ipinagpatuloy lang ang gitgitan at unahan, mas lalo lang walang makakaungos. Nawa’y lahat ay sumunod sa batas trapiko. Agahan at bilisan na rin ang pagkilos upang hindi na magmamadali. Huwag nang sumingit, mga manong drayber. Ang mga commuter naman, pumara na sa tamang lugar at matutong maglakad. Para naman sa gobyernong inaasahan ng lahat, gamitin na sa tama ang ating pondo nang sa gayo’y maibalik na ang tiwala ng sambayanan at magkaroon sila ng inspirasyon upang simulan ang pagbabago tungo sa ikabubuti ng lahat. Lahat man ng sangkot sa barang ito’y talo sa Jak en Poy, hindi nangangahulugang wala na silang magagawa. Ipinahihiwatig lamang nito na ang bawat isa ay may kailangan lang gawing kilos upang manalo. Ito’y sapagkat kahit sila ang sanhi, sila pa rin ang tanging susi sa kalutasan nito.