The Manila Collegian Volume 28 Number 16-17

Page 16

BIYAHE NG BAYAN

K U LT U R A N G J E E P N E Y B I L A N G R E P L E K S Y O N N G L I P U N A N JOSE LORENZO QUEROL LANUZA AT JOSEF BERNARD SORIANO DE MESA DIBUHO NI PAULINE SANTIAGO TIOSIN “Oh kaliwa, kaliwa. Kasya pa isa. Konting usog pa, makikisuyo na!” Konting usog na lang, mamamatay na lahat ng nakasakay sa sobrang sikip at init. Pero wala ka namang magagawa kung hindi tiisin lahat ng ito lalo na’t kung huli ka na sa klase, trabaho, o lakad. Mula noon, ang mga jeep ang ginawang pangunahing moda ng transportasyon ng mga Pilipino. Ito raw ang tatak ng pagiging Pilipino ayon sa karamihan. Ngunit kung iyong lubos na iisipin, hindi jeep ang tatak ng pagiging Pilipino, kung hindi ang kultura na makikita sa pagsakay nito.

“Bayad Po. Pakisuyo” Kanina ka pang nag-aabang ng jeep sa may kanto. Wala pang dumaraang jeep na papunta sa iyong paroroonan, at kung meron man, lagi itong puno. Pahirapan talaga ang paghagilap ng jeep. Minsan, nilalagpasan ka lang, tila ba parang hindi ka napapansin. Hulog na ng langit ang makatunton sa bakanteng jeep. Iyon nga lang, mamumuti ang mata mo sa paghihintay na mapuno ang jeep, lalo na’t kung magkakatabi ang mga jeep na nag-aabang ng pasahero. Kahit magkakadikit na halos ang mga tuhod, at magkakapalitan na kayo ng mukha ng katabi mo ay pipilitin pa rin ng barker na maka-sampu sa magkabilang bangko. Uubusin ng paghihintay ang iyong oras, at ang iyong pasensya. Buo naman ang bayad mo, pero kalahati lang ng puwit mo ang nakaupo. Katulad ng pagsiksik at paghahanap mo ng pwedeng maupuan sa loob ng jeep, ikaw rin ay naghahanap ng pwesto mo sa lipunan. Pero siyempre, kakailanganin mong magbayad— magbigay ng kontribusyon. Hindi maaaring magkaroon ka ng parte o pwesto nang hindi ka nakapagbibigay ng kahit na ano. Huwag mo na ring alalahanin kung sobra man ang iyong naibigay dahil ibabalik din naman ito sa’yo. “Barya lang po sa umaga.” Iyan ang laging paalala sa mga pasaherong sasakay ng jeep. Araw-araw, may makikita kang sign board na nagpapaalalang “barya lang sa umaga” pero nakukuha pa rin ng karamihang magabot ng isang daang piso at umaasang masusuklian nang mabilis at tama. Minsan, mapapakamot na lang si Manong Driver at hihinto sa gitna ng kalsada para humingi ng pamalit sa kasamahan niyang kapwa ring namamasada. Maaaring kasalanan ng pasahero dahil hindi siya naghanda ng barya. Maaari rin namang kasalanan ng drayber dahil wala siyang naitabing panukli. Kung iyong iisipin, walang panukli ang mga drayber sa umaga dahil ang munting

kinikita nila kada araw ay sapat lamang para sa kanilang araw-araw na gastusin. Ibig sabihin, ang konsepto ng “barya sa umaga” ay isang manipestasyon ng kahirapan. Makikita na may politikal na relasyon ang drayber at ang kanyang mga pasahero. Nakasalalay ang ikabubuhay ng drayber sa kanyang mga pasahero, at nakasalalay naman sa drayber ang buhay ng kanyang mga pasahero. Balot man sa usok ng tambutso’t sigarilyo, ang pagsakay sa jeep ay pagkakataon para matanaw sa paligid ang iba’t ibang pangyayari sa lipunang ating ginagalawan. At habang tinatahak ang mga baku-bakong mga daanan ay ang pagtakas ng mga Pilipino sa realidad sa pamamagitan ng pagnakaw ng idlip sa lipunang kailanma’y hindi natutulog.

“Saan Bababa?” Minsan ba’y naisip mo kung bakit mas nauuna ang pagbanggit ng iyong bababaan kaysa sa lugar ng iyong pinanggalingan? Sa sikolohiyang Pilipino, meron itong karampatang pakahulugan. Para sa karamihan ng mga Pilipino, ang patutunguhan mo ay mas importante kaysa sa kung saan ka nanggaling. Hindi na mahalaga kung ano ang iyong kinalakhan, basta’t mabuti ang iyong hinahangad, hindi mag-a-atubiling tulungan ka ng ibang tao lalong-lalo na’t kung ang pangarap na nais mong makamtan ay para sa ikabubuti ng iba. Iba’t ibang tao ang iyong makakatabi. Iba-iba ang nais paroonan; may kanyakanyang bitbit, at estado sa buhay. Ang katabi mo’y maaaring isang balikbayan, manggagawa, o estudyante; may kanyakanyang pangarap sa buhay. Sa loob ng jeep, magkikita-kita ang mga taong may kanya-kanyang landas, may kanyakanyang daloy sa buhay. Sa pagsakay mo ng jeep, lahat kayo ay pantay-pantay. Lahat kayo’y pasahero, umaasang hindi mahuli sa paroroonan. Inilalagay ka sa antas ng samu’t saring mga personalidad para makita mong pantaypantay kayo sa laro ng buhay. Kahit may pagkakaiba ay nakukuha niyong magkaisa maski kahit katiting lang na tulong tulad ng sa pag-abot ng bayad. Sa loob ng jeep, sa maikling panahon ay nagkakaroon ng pagkakaisa. At ang pagkakaisang ito ang magdadala sa bawat isa sa kanyang paroroonan.

“Para Ho!” Hilahin man ang lubid na magpapailaw sa bumbilya, tapikin man ang kisame, o simpleng pagsabi ng “Para na ho” ay makakawala ka na sa kinasapitan mong pagbaybay. Pasalamatan mo man ang manang katatapos lang mag-rosaryo, ang suot mong pulseras na pampasuwerte, o ang diskarte ng inyong drayber na mailayo kayo sa kapahamakan, ang importante’y nakababa ka’t nakarating ka sa dapat mong

paroonan. Dahil sa bangis ng lungsod, may mga pagkakataong nangyayari ang hindi inaasahan at hindi kanais-nais. Sa tulin minsan ng takbo ng jeep ay hindi maiiwasang mag-beat the red light o makabunggo. Pagkalapit ng pulis, nasayang lang ang oras mo sa pagkawala ng lisensya ng inyong tsuper. Kapag lumabas naman ang may-ari ng kotseng nagasgasan ng inyong jeepney, hindi maiiwasang kabahan lalo kung magtaasan sila ng ulo’t magbangayan. Ang mga jeep namang hindi agad umaalis ay mainam na pook para sa mga masasama ang loob. Gamay nila kung aling alahas ang binili mo lang sa ukay at alin ang puwedeng isangla. Pagkabenta’y maaaring ipambili lang nila ito ng rugby o shabu na kanilang pantakas sa malagim na realidad. Pero maaaring ipangkain nila at ng kanilang pamilya, hindi mo na rin malalaman ang kanyang kwento dahil kumaripas na siya ng takbo. May ilan ding mandudura o di kaya’y magtatapon ng kung anomang likido sa iyong damit. At habang abala kang nagtatanggal ng dumi ay pinupunit na pala ng katabi mo ang iyong bag. Malalaman mo lang na nanakawan ka pag-uwi mo. Kung minsan, may makakasabay kang manunutok ng ice pick at labag sa loob kang mapapasukong magbigay ng kalupi at phone. Ligtas ang hininga mo kung hindi ka materyalistiko. Lagot ka kung wala kang inabot. Ikaw na ang nawalan, ikaw pa ang gagastos kapag sinugod ka sa ospital. Silang mga nakakagawa ng masasamang gawain ay biktima rin ng isang malupit na lipunan. Hindi mahuhulihan ng lisensya ang nagmamadaling tsuper kung sa ganitong paraan lang niya nakikitang makararami siya ng kita. Hindi sila mapipilitang mangupit kung wala silang makain sa araw-araw. Hindi sila mapapakapit sa patalim kung hindi sila pinagkaitan ng karapatan. Naghahasik sila ng takot na bitbit nila buong buhay pagkat ang bigat ng inhustisya’y siyang nagpamanhid sa kanila. Kung nagiging normal lang itong tagpo sa paligid ay ganito rin ang magiging mentalidad ng mga sumasakay sa jeepney. Na mas pipiliin na lamang ng pasaherong ingatan ang sarili kaysa sa silipin kung ano ba talaga ang tunay na dahilan kung bakit naitulak ang mga hindi mabigyang-boses sa ganitong klaseng pamamalakad. Ang pagsakay ng jeep ay pagsabak ng Pilipino sa lipunan. Gaano man kalubak at kahaba ang daang tatahakin, basta’t merong pagkakaisa at tiwala sa isa’t-isa, makakarating pa rin ang tao sa kanyang paroroonan. Gaano man kainit at kasikip ang jeep, basta’t marunong magtiis, lahat ay malalampasan ng Pilipino. At katulad ng isang drayber ng jeep, ang lipunan ay nangangailangan ng isang mabuting lider na dadalhin ito sa ginhawa.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.