The Manila Collegian Volume 28 Number 15 | Pre-Election Issue

Page 7

CULTURE 07

Volume 28 Number 15 Thursday | April 16, 2015

\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\\

Hanggang saan aabot ang boto mo, Isko? Pagtanaw sa Kultura ng Eleksyon sa UPM SEKSYON NG KULTURA

It’s that time of the year again. Hindi mo alam kung sa Divisoria ka nagpunta o sa UP Manila sa dami nang nagsilitawan na mga taong buong giting na bumabati at nagduldol sa mukha mo ng kanilang mga tinda – ah este, plataporma. Samu't-saring personalidad na naman ang naglilitawan ngayong panahon na ito — may ilang balatsibuyas na makanti lang ay gagawin na itong malaking isyu, habang ang iba naman ay walang ginawa kung hindi maghanap o magtakip ng butas ng mga kandidatong manok nila. May ilan namang tila naglilibot lang – nagkikibit-balikat, nanonood lang, at walang pakialam. Ang kulturang dala ng halalan ay ang dahilan kung bakit hinihintay ito buong taon. Madalas, ang pagsunod sa kulturang ito rin nagdidikta kung sino ang mananalo. UP Manila, maghanda na sa batuhan ng putik. “Spiel at Pubmat” Buksan ang bintana at pakinggan ang iyong mga manliligaw; eleksyon na naman. Hindi pa naman Halloween pero kay tindi na nilang magparamdam. Isang pikit lang ay lunod na agad ang newsfeed mo ng kanilang mga photoshopped na mukha, mga nagbabanguhang credentials, mga platapormang hitik sa adjectives, at iba’t ibang pubmat mula sa mukhang Word Art hanggang sa pinakamalupit. Hindi tayo naglolokohan kapag sinabi nating iba’t iba ang pakulo tuwing pangangampanya. Ganoon kadesperado ang mga kandidato sa iyong matamis na boto. Maglalalaan sila ng oras para puntahan ka sa klase, nasa Pedro Gil ka man o Faura, at iabot ang kanilang kamay para iyong hawakan. May makikipagkamay kahit kakagaling lang sa ilong nila ang daliri, mayroong kumakanta, at mayroong magtatawag pa ng estudyante sa mga RTR. Sa panahon ng pangangampanya sa unibersidad, hindi rin nawawala sa eksena ang mga black propaganda. Kaya't kung tatakbo ka naman sa eleksyon, at kung sa tingin mo’y hindi ka naman kagandahan o kagwapuhan, ihanda mo na ang iyong sarili – ang iyong mga “pagkukulang” ang sasamantalahin upang ikaw ay siraan sa eleksyon. Gagawin

nila ang lahat upang patunayan na ang mga “pagkukulang” mo ay nangangahulugang “kulang” din at baluktot ang iyong mga plataporma. Sa eleksyon, requirement din ang pagkakaroon ng mala-anghel na ugali. Nakakalungkot man isipin, bagama’t kritikal dapat ang mga estudyante ng UPM, may ilan pa ring lubos na naiimpluwensiyahan ng mga ganitong uri ng black propaganda. Ngunit sabi nga nila, huwag magpapadala sa kilig mula sa dulas ng bibig. Katulad na lamang ng iyong pagkain ng prinitong manok, ang iyong pagkilatis sa kandidato ay hindi lamang dapat hanggang sa “balat.” Kailangan mong himayin ang “laman” ng isang kandidato – ang kanyang mga prinsipyo at paninindigan. At sa pamamagitan nito, malalaman mo kung hilaw o hinog ang isang kandidato o partidong iboboto mo. Sa huli, ang katotohanan na iyong makakamit mula sa kritikal na pagsusuri ang siyang magpapalaya sa iyong kaisipan at sa mga kandidatong biktima ng mapanirang mga propaganda, at sa mga botanteng biktima ng matatamis na taglines.

“Top three text messages” Sa ilang linggong pagkukumahog ng mga botante sa paghagilap ng konkretong impormasyon, madalas na ang one stop shop ng mga sariwang tsismis, tungkol sa mga kandidatong kanilang napupusuan ay ang mga entidad na humuhubog sa pagpapatakbo, at kultura ng eleksyon sa unibersidad. Bago pa man magsimula ang mainit na campaign season, inaabangan ng lahat ang paglabas ng opisyal na listahan ng mga kandidato na magmumula sa University Electoral Board (UEB), at College Electoral Board (CEB). Lahat ng batas na sinusunod ninoman sa eleksyon ay kanilang hawak, at sa kamay din ng mga batas na ito maglalaro ang bawat partido. Ngunit katuwang nito, ay ang kanilang responsibilidad na maging aktibong tagamasid at tagapagtupad ng mga batas na ito. Kaya't madalas hindi lamang ang mga kandidato ang minamatyagan tuwing eleksyon, kundi pati na rin ang kahandaan ng UEB at CEB na maaayos at mahigpit na gampanan ang kanilang trabaho, Ang eleksyon rin ang tilaok ng manok na hudyat ng pagkabuhay ng pinaka-

notorious na kritiko ng mga kandidato: si UPM Heckler. Ihanda ang sarili sa “top three text messages”, na may tamang timpla ng insulto, hugot, at kritisismo sa credentials ng mga kandidatong tumatakbo. Sa pagpatok ng ganitong uri ng pagpapatamis ng eleksyon, may iba na ring naglitawang sumusubaybay sa bawat galaw ng eleksyon tulad na lamang ng Factcheck UPM at Newsroom UPM. Ang mga personalidad na ito ang hinihintay ng mga tao dahil na rin gusto nilang makita ang mga baho ng mga malaanghel sa kampanya. Manalo, matalo, boring, magulo man ang eleksyon, nariyan ang The Manila Collegian. Hawak ng MKule ang mga impormasyong galing mismo sa bibig ng mga kandidato, at mga impormasyong hinahabi mula sa pulso ng mga estudyante, upang makaggawa ng mga artikulong magpapamulat sa mga botante. Sa paglabas ng institusyon ng mga artikulong nagbibigay daan sa pagkatuto ng mga botante sa kritikal na pagboto ay siya ring paglabas ng panawagang maging mas matalas rito. Ang bawat kritisismo ng mga institusyon at entidad na ito, ang bawat pagpuna, ang bawat paglalahad at pamamahala ng eleksyon, ay ang pagpapabigat ng timbang ng kahalagahan ng matalas na pagsusuring kinakailangan ng bawat isa sa sensitibong bahagi ng taong akademiko – isang bagay na ‘di matutumbasan ng kahit anong kalidad ng pakikinig lamang sa makukulay na RTR, at panonood sa mga campaign videos sa Internet.

“Glitches” Nakaka-excite isiping matapos ang naging maiinit na Miting de Avance at Meet the Press, ay dumating na ang araw kung saan masasalin na sa mga boto ang panghuhusga sa mga kandidato batay sa kani-kanilang mga plataporma at paninindigan. Ngunit ang pagiging kritikal, kung saan kilala ang mga Isko ay parang kilig – passing feeling lang din pala. Aminin man o hindi, ang tingin sa mga taga-UP ay mas matalino o kritikal mamili ng mga lider na iboboto. Pero ang totoo, kahit nakalatag na sa harap lahat ng mga panig at kanilang mga plataporma upang tasahin, ay nahuhulog pa rin ang mga Isko at Iska sa bitag ng personality-based na pagboto imbes na platform-based.

Malaki ang impluwensya sa mga Isko ng katanyagan ng pangalan at/o partido ng mga kandidato, maging ang kani-kanilang mga panlabas na anyo. Minsan, mukha lamang ang puhunan ay mananalo pa rin; nasasantabi ang mga batayang credentials o kakayahang maglingkod ng isang kandidato. Makikita rin ang sistema ng padrino sa UPM Eleksyon. Nariyan ang blockvoting ng mga fraternity, sorority at iba-iba pang mga organisasyon ng mga estudyante na ikinakampanya ang kanilang mga manok. Maging ‘yung ibang mga kolehiyo, full-support sa mga kandidatong ka-kolehiyo nila. Kahit mismong ang voters’ turn-out ng eleksyon sa pamantasan ay malaki ang sinasabi. Gaya ng sa national elections, namamalas rito na marami pa ring ang mga ‘di nakakaboto o ‘di talaga bumuboto. Marami ang hindi nakakaensayo o hindi talaga nag-eensayo ng kanilang mga karapatan sa pagboto, marahil dahil sa wala ring pagtitiwala sa kasalukuyang sistema ng halalan. Sa huli, ang isa sana sa pinakaepektibong armas ng mga estudyante para magkaroon ng kapangyarihan sa konseho ay nawawalan ng saysay sa iba’t ibang salik na kakabig sa landas ng kanilang mga kandidato.

“Delicadeza” Tapos na ang mahigit isang linggong mala-karnabal na eleksyon sa unibersidad. Ngunit, brace yourselves, dahil ngayon pa lang magsisimula ang tunay na palabas – hanggang saan nga ba ang mararating ng boto ng UP Manila sa konsehong kanilang iniluklok sa puwesto? May mga botong hanggang magagandang tagline lang ang inaabot – ito 'yung mga tipong nagtratransform sa panibagong ugali 'yung kandidatong inihalal mo. Kung noong panahon ng eleksyon ay daig pa niya ang manliligaw na may pitumpu'tpitong kasalanan kung makalambing at maka-suyo, ngayon e halos hindi mo na siya mabati o malapitan man lang. Nang maluklok sa puwesto, tila ba nakalimutan na niyang utang niya sa mga estudyante ang kanyang pagkaluklok, at obligasyon niyang paglingkuran ang mga ito at ang taumbayan – hindi ang interes lamang ng kanyang partido. IPAGPATULOY SA PAHINA 09


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
The Manila Collegian Volume 28 Number 15 | Pre-Election Issue by The Manila Collegian - Issuu