04 NEWS
Volume 29 Number 20 July 21, 2016 | Thursday
Paglalahad
Pagsuri sa mga plano ng bagong administrasyon ARTHUR GERALD BANTILAN QUIRANTE AT LEAH ROSE FIGUEROA PARAS DIBUHO NI JOSE PAOLO BERMUDEZ REYES AT JAZMINE CLAIRE MABANSAG
Kasabay ng mga unang araw niya sa puwesto bilang panlabing-anim na Pangulo ng Pilipinas, tila inaabangan na ng taong-bayan na nagluklok kay dating Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte ang mga pagbabagong kanyang inihain at ipinangako sa kanila na maaaring sumagot sa matagal nang mga sigalot sa ating bansa.
K ahirapan Nananatiling pinakamalaking problema ng Pilipinas ang kahirapan. Ayon sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS) noong 2015, pinapalagay ng isa sa dalawang pamilyang Pilipino na sila ay mahirap. Sa pag-upo ni Duterte, prayoridad niya ang pagpapatupad ng mga programa kontra kahirapan. Aniya, hindi dapat natatapos sa ‘doleouts’ ang pagtulong sa mahihirap, kinakailangang magkaloob ng trabaho at pangmatagalang kabuhayan. Layunin din niyang repasuhin ang Ancestral Domain Sustainable Development Protection Plans upang mapabuti ang kalagayan ng mga maralitang rural, partikular na ang Indigenous Peoples (IPs). Ito ay upang mapataas ang kalidad ng produksiyon ng mga ancestral land habang pinapanatili ang kanilang kultura. Isinusulong din ni Duterte ang pagiging libre ng irigasyon sa mga bukirin na lubhang makababawas sa gastusin ng mga magsasaka. Katuwang nito ang pagrereporma ng agri-financing ng Land Bank of the Philippines upang mas mabisang makatugon sa pinansiyal na pangangailangan ng mga maralitang rural.
Trapik Itinuturing ng bagong administrasyon na pinakakritikal na problema ang trapik, sapagkat tinatayang P3 bilyon kada araw ang lugi ng bansa dulot nito sa mga sentrong urban. Ayon kay Duterte, dapat pag-aralang mabuti ang mga hakbang upang ibsan ito. Sa kalakhang Maynila, hindi lamang volume reduction at number coding schemes ang dapat ipatupad, kinakailangan din umano ang abot-kaya at mabisang
ISKOTISTIKS
‘mass transport system’ upang mahikayat ang mga tao na iwasan ang paggamit ng pribadong sasakyan. Lilinangin din umano ng bagong administrasyon ang ferry system sa Ilog Pasig at Marikina. Mamumuhunan ang administrasyong Duterte sa mga rail system sa iba’t ibang rehiyon. Plano rin ni Duterte na ilipat ang bagsakan ng kalakal mula sa pantalan ng Maynila patungong Batangas at isinusulong niya ang paggamit ng Clark International Airport sa halip na Ninoy Aquino International Airport. Higit pa rito, ang pangmatagalang solusyon ng bagong administrasyon ay ang paglikha ng mga oportunidad sa labas ng mga sentrong urban upang hindi na magsiksikan sa kalunsuran. Korapsyon Sa malawakang usapin ng korapsyon, nais ni Pangulong Duterte na magsilbing ehemplo sa kaniyang mga nasasakupan bilang pangunahing instrumento sa pag-iwas sa kurapsyon. Nais ipatupad ng Presidente ang simpleng pamumuhay sa lahat ng mga nagseserbisyo sa gobyerno kabilang na ang Pangulo. Maliban dito, binibigyang-prayoridad din ng administrasyon ang pagpapasa ng Freedom of Information Bill (FOI Bill).
K apayapaan at K aayusan Kaugnay naman ng pagsasaayos ng seguridad sa lipunan, kabilang sa plataporma ni Duterte ang pakikipag-ayos sa mga rebelde sa pamamagitan ng peace process o usaping pangkapayapaan. Nais niyang gawing mas angkop at tiyak ang nilalaman ng usaping pangkapayapaan sa Mindanao dahil sa pagkakaroon ng iba’tibang kultura sa iba’t-ibang lugar sa rehiyon. Plano din ng bagong administrasyon na palakasin ang koordinasyon ng pulis at puwersa ng militar sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga ‘joint task force’ sa mga lugar kung saan talamak ang krimen
sa bansa. Sa kabilang dako naman, nais niyang ibalik ang parusang kamatayan para sa mga mapapatunayang nagkasala sa mga kasong may kaugnay sa droga at kasuklam-suklam na krimen. Makikita na nga ito sa sunodsunod na pagsuko ng mga ‘drug pusher’ at ‘drug user’ matapos hikayatin ng mga kapulisan na lumantad at sumuko na sa kanila. K alusugan Isa sa mga ibinabandera ng administrasyong Duterte ang mithiin nito na gawing 100% ang coverage ng PhilHealth sa lahat ng mga Pilipino. Kaugnay nito, layunin din nila na magkaroon ng tertiary hospital ang bawat lalawigan sa bansa. Dagdag pa rito, nais ng gobyerno na magkaroon ng karampatang implementasyon ng Reproductive Health Law at makapaglunsad ng pang-araw-araw na programang pang-ehersisyo sa buong bansa. Muli namang pag-aaralan ng kaniyang administrasyon ang lahat ng ordinansa na may kinalaman sa anti-smoking upang siguruhin na ito ay nakaayon sa isinasaad ng batas. Agrikultura Maghahain ang administrasyong Duterte ng mga planong pang-agrikultura na angkop sa topograpiya ng bansa upang maging mabisa ang produksiyon at pagluluwas ng produkto. Tutukuyin umano ang mga rehiyon at probinsiya sa Pilipinas na akmang gumawa ng mga batayang pagkain upang maiwasan ang labis-labis na importasyon. Magsasagawa rin ng mga pag-aaral ang administrasyon na tutulong sa mga magsasakang matiyak ang mga kapakipakinabang na pananim sa kanilang lugar. Kaugnay nito, prayoridad ni Duterte ang
pagpapatayo ng mga food terminals at imprastraktura tulad ng Mindanao Railway na magpapadali sa pagbibiyahe ng pagkain at produktong agrikultural mula sa mga pangunahing sentro ng produksiyon. Dagdag pa ay ang paglikha ng Department of Fisheries and Marine Resource Management na hiwalay sa Kagawaran ng Agrikultura o Department of Agriculture. Inaasahang mapapaunlad ng aksiyong ito ang kabuhayan ng mga mangingisda at masisigurong abot-kaya ang presyo ng pagkain sa buong bansa. Imprastraktura Kagaya nang nauna nang nabanggit, prayoridad ng administrasyon ang paggamit ng iba pang paliparan sa bansa gaya ng sa Clark, Cebu, Laoag, at Davao. Ito ay upang bigyan ng kaluwagan ang kasikipan sa Ninoy Aquino International Airport. Kinokonsidera din ni Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng night-scheduling at radar facilities sa ibang mga paliparan sa bansa. Isa rin sa nakikitang solusyon ng administrasyon ang pagbibigay-halaga sa masusing pag-aaral at pagpapatupad ng mga bagong pangangailangan para sa mga international airports upang maibsan ang labis na air traffic. Nais din ni Duterte na magkaroon ng koneksyon ang lahat ng daan sa mga lalawigan sa mga pangunahing highway o daanan sa bansa.
Paggawa at Ekonomiya Sa usapin naman ng paggawa, nais nang tuldukan ng administrasyon ang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa. Nais ding bigyang-pansin ng Pangulo ang industriya ng agrikultura na palakasin ito upang makapagbigay ng trabaho at oportunidad sa mga nasa nayon. Inihahain din ng administrasyon bilang alternatibo ang paggamit ng solar power IPAGPATULOY SA PAHINA 10