Nandiyan na si Tatay

Page 1


Linggo na naman bukas. Darating na ulit siya. Makikita ko na naman si Tatay. Magiging masaya na naman ang linggo naming magkakapatid.


Tuwing linggo, inaabangan naming ang tunog ng katok sa pinto na nagsasabing andito na si Tatay. Masaya kami kapag kasama naming siya, mas lalo na kung naglalaro kami ng tagu-taguan at habuhabulan.


Parati siyang mayroong mga dalang regalo para sa aming lahat--minsan pagkain, minsan naman laruan. Pero may mga araw din na wala siyang dala. Kahit na ganoon, masaya pa rin kami dahil kasama namin ang aming tatay.


Iba’t iba ang mga nangyayari bawat araw. Maraming mga tanong ang umiikot sa aking isipan. Isa na roon ang tungkol sa tatay kong mahal. Saan kaya niya nakukuha ang mga binibigay niya sa amin? Saan kaya? Ang dami niya kasing pinapasalubungan tuwing dadalaw siya rito sa bahay—Si Ate, si Kuya, si Mark, si Jerome, Si Rainne at marami pang iba.


Tinanong ko si ate, “Ate, saan ni tatay nakukuha ang regalo natin?” Ang sagot niya parati, “Hindi ko alam.” Si kuya naman, “Malay ko.” “Siya si Santa Clause,” sabi ni Mark. Pero iba ang sinagot sa akin ni Jerome, “Bakit ayaw mo itanong kay tatay?” Napagisip-isip ko, oo nga naman, bakit nga ba hindi ko itanong kay tatay.


Hindi ako makatulog ng gabing iyon. Guto ko kasing malaman kung ano ba talaga ang trabaho ni tatay.


Siguro isang taga-hukay siya ng ginto. Ay! Hindi, hindi. Baka may may-ari siya ng isang malaking lupain na mayroon maraming puno na namumunga ng mga laruan. Ay! Teka-teka, hindi pwede iyon. Ano nga ba? Ah! Alam ko na, siguro isa siyang mayaman na nagmamay-ari ng isang pagawaan ng mga laruan at tsokolate. Ano ba yan! Ano ba talagang trabaho ni tatay. Siguro nga tama si Mark, si tatay nga siguro si Santa Clause.


Nang sumunod na araw, may kumatok na sa pinto at alam na namin na si tatay ‘yon. Lahat kami ay nagsi-takbuhan para salubungin si tatay. Pagbukas nga ng pinto, marami na naman siyang pasalubong sa aming lahat.


Mabilis na naman lumipas ang buong maghapon, malapit na naman magpaalam si tatay. Nagiisip pa ako kung itatanong ko ba kay tatay ang tanong na kagabi ko pa iniisip. Napansin ni tatay na may gumugulo sa akin. Nilapitan niya ako at tinanong kung may problem ba ako. Sinabi ko sa kanya kung ano ang iniisip ko.


“Tay, ikaw po ba si Santa Clause? Palagi po kasi kayong pasalubong para sa amin.” Tumawa lamang si tatay sa tinanong ko sa kanya.

“Naghuhukay po ba kayo ng ginto? O may-ari ba kayo ng malaking lupain?” Tumawa na naman si tatay, at kinwento niya sa akin ang kanyang trabaho

“Anak, hindi iyan ang trabaho ko. Siguro masasabi mo na naghuhukay nga rin ako ng kayamanan, pero hindi ginto yung hinuhukay ko. Hindi naman lahat ng kayamanan ay ginto, anak.”


Nalaman ko na isa palang taga-kolekta ng basura si tatay. Nakakakuha siya ng mga laruan mula sa itinatapon na ng mga tao. Marami daw siyang nakikitang mga gamit na pwede pang gamitin ngunit tinapon na nila. Sabi niya sa akin na sayang daw yung mga gamit na mapapakinabangan pa pero tinatapon na.


Napag-isip-isip ko na tama nga si tatay na maraming nasasayang na gamit na maaari pang pakinabangan. Masaya ako na kahit hindi pala mayaman si tatay, pinipilit pa rin niya kaming bigyan ng mga gamit na hindi namin makukuha kung wala siya.


Maaaring hindi nga mayaman si tatay, masaya pa rin kami na siya ang tinuring naming tatay. Hindi man namin siya tunay na tatay, minahal niya kami ng tunay na anak.


Ako nga pala si Carlos, dito kami sa bahay-ampunan nakatira. Hindi man namin kasama ang tunay naming mga magulang, mayroong naman kaming malaki at masayang pamilya.


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.