Skip to main content

(2012) Vol. 59, SF

Page 96

“Sino?” tanong niya. Naramdaman kong itinaas niya ang kaliwang kamay at ikinamot ito sa ulo. Pagkuwa’y isinuklay sa buhok ang daliri at ipinatong niya ang kamay sa tiyan, kapantay ng nakahilig kong ulo. Umalis ako sa pagkakasandal at humarap sa kanya. “Sikret.” Sabay ngiti. “Sino nga? Malalaman ko rin naman e, bakit ayaw mo pang sabihin ngayon?” Tutuksuhin ko pa sana siya pero may narinig na kaming tumatawag mula sa labas. “Elena? Tiya Marsing? Hello? Tao po!” Lumaki ang ngiti ko, binalingan ko si Mateo at buong lakas na hinila ang braso nito para makatayo siya. Narinig ko ang yabag ng aking ina pero pinangunahan ko na siya. “Ako na, ‘Nay.” Mula sa kwarto, dumiretso na kami sa sala para pagbuksan ang bisita. Sisilip pa sana si Mateo ngunit bago pa niya mahawi ang mga kurtina, nabuksan ko na ang pinto. Tumambad sa harap ko si Klara. Si Klarang mas maputi, mas mapayat at mas mahaba ang buhok. Bago ko pa makita si Klara mismo, bumaling ang mata ko sa buhok niyang nakatirintas na nakasampay sa balikat nito. Ang haba ng buhok nito’y umabot na sa may balakang. Ang ganda ng bagsak ng buhok niya, parang ‘yung mga nakikita ko sa commercial. Parang may nagiba sa mukha niya. Parang hindi na siya bagay dito sa probinsya. Hindi ko pa man siya nababati, inunahan na niya akong yakapin. Ito na nga ang kababata kong si Klara – tahimik at tipid sa salita pero idinadaan sa kilos ang saloobin. “Elena!” “Ikaw, dapat umuuwi-uwi ka dito dati. Na-miss ka tuloy namin.” Hindi ko sinasadya pero parang naringgan ko ang sarili ko ng kaunting panunumbat. “Ay, ‘nga pala! May ipapakilala ako sa’yo. Klara, eto si Mateo, boyfriend ko. Mateo, si Klara, yung madalas kong nakukwento sa’yong kababata ko. Alam mo bang halos kapatid na ang turing ko sa kanya, ultimo maliit na bagay e pinagsasaluhan pa namin.” 86 · Apple Audrey L. Noda


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
(2012) Vol. 59, SF by Heights Ateneo - Issuu