Pingkian Volume 2 Number 2 2014

Page 179

ANG ELEKSYON SA PANAHON NG NEOLIBERALISMO Pahayag ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy-UP (CONTEND-UP) hinggil sa Halalan ng 2013 11 Mayo 2013 Nakaantabay ang buong bayan sa Mayo 13, 2013 bilang araw ng pagboto ng mamamayan sa mga susunod na pinuno na uupo sa mga lokal at pambansang posisyon sa bansa. Pinutakti ang telebisyon, radyo, dyaryo, mga social networking sites at iba’t iba pang moda ng midya at popularisasyon ng patalastas ng mga kandidato at party list na naglatag ng kani-kaniyang agenda at plataporma. Sa halos tatlong buwan na pangangampanya, inaasahang sapat na itong panahon upang tangkilikin ang mga pangako at alok na serbisyo ng mga kandidato sa ikauunlad ng bansa. Subalit ang tanong, ilang ulit na bang nagkaroon ng eleksyon sa Pilipinas? Katunayan, na-perpekto na ang sistemang ito ng dating may posisyon sa pamahalaan, mga panginoong maylupa, malalaking burgesya- komprador, at mga angkang alta-sosyedad na deka-dekada na ring humahawak ng kapangyarihan sa bansa. Ang mismong kultura ng eleksyon na nakikita natin sa kasalukuyan ay sintomas lamang ng krisis panlipunan. Humahawak sa sistemang ito ang pamamahalan na patuloy na yumuyukod sa mga regulasyon at polisiyang epekto ng neoliberalismo; ang deregularisasyon, pribatisasyon at liberalisasyon. Sa pamamagitan nito, matitiyak ang pananatili ng kaayusang panlipunan kung saan interes ng iilan at makapangyarihan ang inaalagaan. Itinuturing na araw ito ng paghusga ng taumbayan sa mga kandidato dahil maitatakda ang kagyat na hinaharap ng bansa. Handa na ba tayo sa paghahatol sa pinakahihintay na araw na ito? Marami sa kabataan ang unang pagkakataon na boboto. Mararanasan nila kung papaanong kumilatis ng mga pulitiko at magdesisyon gamit ang balota. Gagamitin nila ang karapatan at responsibilidad sa pagpili ng mga lider, at makibahagi sa pagluklok ng mga mamumuno sa bansa. Masasabing naging pamilyar na ang mga mukha at pangalan dahil sa mga politikal na patalastas ng mga tumatakbo sa Halalan 2013 dahil sa paulit-ulit nilang pangaakit sa mga botante. Alok ang edukasyon, pagkain, trabaho, kaunlaran at marami pang ibang matatamis na pangako sa madla. Lalong kapana-panabik para sa mga unang boboto ang automated election system (AES) na pagkatapos maipasok sa makina ang balotang naglalaman ng piniling mga kandidato, aasa na lang ang botante na tama ang pagkakabilang sa pinagkakaingatan niyang karapatang bumoto nang tama. Ngunit para sa mga nakaranas na ng maraming halalan, malamang ay kaiba na ang pakiramdam na ito. Sa maraming ulit nang nakatikim ng mga pangakong napako at mga pulitikong nakapang-abuso sa kapangyarihan, ang mga nakakatanda ay maraming maipapayo sa kabataang boboto sa unang pagkakataon. Hindi lamang sa pagpili ng kandidato, kundi bakit nga ba may sistema ng eleksyon sa bansa.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.
Pingkian Volume 2 Number 2 2014 by Fred Dabu - Issuu