LATHALAIN
Shereen Nicole B. Rivera Patnugot ng Lathalain
Agosto 2013
5
Ni Christelle Ann S. Jimenez
Kung mayroong Republic Act of Love no. 143 na magbibigay anyo sa Batas ng isang tunay na pag-ibig, marahil marami na ang nagdurusa sa mga bilangguan dahil sa salang bawal na pag-ibig.
Sa mundong nababalot ng batas, nasusulat man o hindi, nagkaroon ang tao ng batayan sa pagitan ng tama at mali. At sa laban ng pag-ibig, hindi nakaligtas ang Far Eastern University sa mga magigiting na taong ipinaglalaban ang puso sa kabila ng mapanghusgang lipunan. Mga nasasakdal Maraming tipo ang bawal na pag-ibig. Ang isa ay ang premarital sex, o ang pagkikipagtalik ng mga taong hindi pa kasal. Ayon kay St. Thomas Aquinas, ang pagtatalik raw ay ginagawa lamang dapat ng tao para magpakarami. Ngunit sa panahon ngayon, tila ang mga kabataan ay nae-engganyo sa prinsipyong ito na ibinabalot na lamang nila sa mga ibang pangangatwiran. Tulad ng 3rd year Tourism Management student na si *Bebs (‘di niya tunay na pangalan), na maagang namulat sa mundo ng pre-marital sex. “At the age of (sa edad na) 17, sa ganung edad, mainit talaga ang katawan,” pagsasalarawan n’ya sa una n’yang naging karanasan. Ngunit ang tila pagpuno sa tawag ng laman ay nagkaroon ng hindi inaasahang bunga. “ Sembreak kasi noon, so inom dito, inom diyan. Nagsusuka ako sa tuwing iinom ako at tuwing gabi. Eh ‘di ba, ‘pag buntis, may morning sickness ? So pinabayaan ko na lang. Days passed by, napansin ko na two months na ako ‘di nagkakaroon, So sinabi ko du’n sa friend ko na open ako tapos nagpabili ako ng PT (pregnancy test) kasama ‘yung pinsan ko. Tapos ayun, nag- positive ako,” aniya. Sa kabila ng pagsubok, pinanindigan nina Bebs at ng kanyang kasintahan ang bunga ng kanilang mapusok na pag-ibig. Subalit hindi lamang ang pagtatalik nang hindi kasal ang hinuhusgahan ng marami, isa pa ang pakikipagrelasyon sa kapwa babae o lalake. Kagaya na lamang ng kwentong pag-ibig ng 3rd year Mass Communication student na si Jhanzel Villarojas. “Noong debut ko, may part kasi doon na 18 roses, pero ako ‘yung magbibigay sa babae. Tapos siya ‘yung last dance ko, siya lang ‘yung naiiba ‘yung kanta sa lahat. Habang sumasayaw kame, tinanong ko siya, ‘Girlfriend na ba kita?’ Tapos sabi niya, ‘I love you.’ Tapos sabi ko, ‘I love you too.’ Tapos tinanong ko siya ‘Will you be my girl?’ Tapos she said yes that night. Sobrang saya ko lang.” Para kay Jhanzel, “There is no such thing as bawal na pagibig, as long as pinaninindigan niyo ang isa’t isa at mahal niyo ang isa’t isa.” Marahil sa tingin ng madla, ang kanilang pag-iibigan ay lumalagpas sa linya ng katanggap-tanggap, ngunit para sa kanila, ang salitang ‘bawal’ ay hindi angkop na depinisyon ng kanilang pagmamahalan. Sa kabilang banda, maraming haka-haka sa bawat institusyon ukol sa student-professor relationship. Subalit paano nga ba nabubuhay ang mga taong napapaloob sa realidad na ito? Halos lahat ng pag-iibigan ay nagsisimula sa unang tinginan, sa mga patagong sulyap at mahinahong pag-uusap, “High school pa lang ako noong magkakilala kami. High school
teacher ko siya. Kasi ganito ‘yan ha? Crush ko kasi ‘yun. Actually madaming may crush sa kanya. Tapos ako ‘yung inaasar, kasi tulala lang ako ‘pag ‘andyan na siya sa harap namin. Cool niya kasi. There is this time na gagawa kami ng play , so isa ako sa mga leader , kahit anong gawin ko, sasabihin niya, ‘Sipag mo, gusto ko ng ganyang girlfriend ’,” ibinihagi ni Chari, 2 nd year Communication. Ayon kay Chari, magkahalong takot at kilig ang idinulot ng mga mapanuksong pag-uusap, “One time, sabay kami na palabas ng gate, then he approached me and asked, ‘Gusto mo bang maging girlfriend ko?’ and I was frozen.” Talagang ‘di ko alam kung kikiligin ako eh. Ang nasabi ko na lang, ‘Sir bawal ‘yun’. And you know what he said? ‘Walang bawal-bawal ‘pag nagmamahal ka’. ‘Di ko alam kung nagjo-joke siya o ano. So kahit kinikilig ako, sinet aside ko ‘yun. And then he kept on asking na ganun. Wala akong sinagot. Pero malinaw na sa aming dalawa na yes ‘yun.” Sa relasyong binuo ni Chari at ng kanyang guro, maraming suliranin at pagsubok ang tila pumipilit na buwagin ang kanilang pagmamahalan. Isinilid nila sa kanilang mga sarili ang pagsasamang mali sa mata ng lipunan, “In fact, we did everything to work things out. Nag-resign siya sa school namin, tapos nag-work siya sa iba. Para kahit papaano maging tama.” “He told me na ‘’Yung akala naming tama, magiging mali din pala kung mali ‘yung nag ing ugat,’ and we decided to end things,” dagdag pa ni Chari. Hindi maiiwasan ang mga pagsubok sa isang relasyon, ngunit kung ang buong lipunan ang sumusubok at naglalayo, marahil isang aral ang nais iparating sa mga ganitong karanasan. Marami nga ang nagsasabi na ang pag-ibig ay tama ngunit ang lipunan ay may sariling batas ukol sa pag-ibig na hindi man pormal na nakatatag sa Saligang Batas, ang mata ng bawat isa ay tinititigan ang bawat paglabag sa Batas ng Pag-ibig. Mga saksi Sa mundo kung saan hindi maiiwasan ang pagtitig sa kumpas ng kamalian, sinasalamin ng iba’t ibang tao ang mga tulad nina Bebs, Jhanzel at Chari. Mayroong mga tao na pilit silang iintindihan at bibigyan ng pagkakataon na ikatwiran ang labang nasimulan, ngunit mayroon din namang pilit na mamatahin ang paraiso na kanilang natagpuan. “Tingin ko ‘yung mga taong nage-engage sa pre-marital sex is nadadala sila ng bandwagon ng society kase parang ‘yung society ngayon, ginagawa nilang acceptable ‘yung sex na nangyayari before ng marriage,” ika ni April Oviedo, 3rd year BS Psychology. Ngunit sa kabilang banda, mayroon din naming mga nakakaintindi. “Sa aking pananaw, okay lang siya kaso hindi siya tama. Dati taboo lang siya, pero ngayon naging acceptable na siya, kasi parang mainstream na tapos naaapektuhan pa tayo ng multimedia, siyempre nababasa natin, nadidinig, napapanuod, multimedia greatly affects our perception of love,” Itutuloy sa...pahina 13
Pamagat: She’s Dating the Gangster May akda: Bianca B. Bernardino Nailimbag sa: Summit Books “Hindi man ito ang pinakamagandang ideya para mahulog ang loob ko sa kanya, pero sabi nga nila ang pag-ibig, nakikita ang di-perpektong tao sa perpektong paraan.” –Bianca B. Bernardino, ‘She’s Dating the Gangster’
Ang pag-ibig ay salitang mabilis makita sa diksyunaryo, ngunit kung ano ang ikinadali sa paghanap nito ay siya namang ikinahirap ng pagpapakahulugan. Kabalintunaan man kung uunawain, mayroong aral na nakapaloob sa bawat kwentong nakatiklop sa isip at puso ng dalawang taong nagmamahalan—aral na sila ang may pinaka-kakayanang magbunyag sa kanilang mga sarili. Nailimbag na obra Nagtapos ng BS Psychology sa Southville International School and Colleges at nakatira sa Maynila ang may akda ng libro na si Bianca B.Bernardino o mas kilala rin sa mundo ng internet bilang “SGwannabe.” Nagsimula ang kanyang hilig sa pagsulat bilang isang libangan hanggang sa hindi na niya namalayan na mayroon na siyang kakaibang dedikasyon para rito. Nagmula sa pansariling karanasan ang naging takbo at agos ng istorya. Ayon sa librong nailimbag, naging paraan ng manunulat ang pagsulat ng She’s Dating the Gangster sa pagpapagaan ng kanyang mga problema at pagpapalaya ng kanyang mga kabiguan sa buhay. Samantala, nagsimula ang aklat sa mundo ng Wattpad, isang klase ng online application na nada-download at nababawa ng libre sa mga cellphones ang mga aklat na nailathala. Dahil sa
angking kakayahan nitong bigyan ng kurot sa puso ang mga mambabasa, kinalauna’y nilimbag rin ito bilang isang libro na patuloy na tinatangkilik ng madla. Sa katunayan nga, ito ay nagging numero unong bestselling book nitong nakaraang Abril ayon sa National Bookstore at Powerbooks sa kategoryang Best-sellers for Philippine Publication. Pagbuklat ng pahina Umiikot ang istorya sa dalawang pangunahing karakter na si Kenji at Athena. Si Kenji ay naturingan bilang isang “gangster” – basagulero, mabisyo, madalang pumasok sa iskwela at tila walang direksyon ang buhay. Si Athena naman, sa kabilang dako, ay 17 taong gulang, isang simpleng Pilipina na nagmula sa Korea at pinagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Pilipinas. Nagsimula ang kwentong pag-ibig ng dalawa nang magpanggap si Athena bilang kasintahan ni Kenji (na may naunang kasintahan na nagkataong Athena Abigail din ang pangalan o “Bee” bilang kanilang tawagan) upang pagselosin si “Bee”. Tila walang makapipigil kay Kenji na gumawa ng paraan upang magkabalikan silang muli at handa niyang tahakin ano mang kapamahakan ang idulot nito. Tila isang Marian Rivera-Richard Gutierrez sa kanilang 2008 na pelikula na My Bestfriend’s Girlfriend na kung saan sila rin ay nagpanggap bilang magkasintahan upang pagselosin ang naunang nobya ni Richard at sa dulo’y nahulog din ang loob nila para sa isa’t-isa at inamin ito sa kinalaunan. Buong pusong iniwasan ni Kenji ang kanyang mga dating masamang naka-ugalian para kay Athena. Ang magandang pagbabago na ipinakita ni Kenji ay nagbigay daan para mahulog din ang loob ni Athena sa binata. Naging isang malaking dagok para kay Kenji ang hindi sinasadyang sabay na pagkakaospital ng dalawang taong hindi maikakailang
mahalaga sa kanyang buhay. Si Athena na may hypertrophic cardiomyopathy o sakit sa puso at si Bee na may kanser ang nag-iwan kay Kenji ng malaking kaguluhan sa kanyang isip at puso kung sino nga ba ang mas matimbang – si Bee na kanyang una ng minahal o si Athena na kasulukuyang nagbibigay kurot sa kanyang puso? Sa kaninong katauhan nga ba mahahanap ni Kenji ang tunay na magpapaligaya sa kanya? Kinapulutang aral Ika nga ng may-akda, sa kabila ng lahat ng kamalian at kapintasan na mayroon sa pagkatao ng isang indibidwal, ang pag-ibig ay may kakayahan na tagos sa pusong maiparamdam at maipakita sa ang pagiging perpekto ng dalawang taong tunay na nagmamahalan para sa isa’t isa. Humantong ang mensaheng gustong iparating ng libro sa mambabasa sa importansya ng buong pusong pagtanggap sa pagkatao ng bawat isa upang mahanap ang tunay na kaligayahan na sa sarili lang mahahanap, sa pagtahak maging sa matitinik na daan at pagsasakripisyo para sa taong minamahal. Ngunit hindi lahat ng inaasahang pangyayari ay maaring mangyari at hindi lahat ng ginusto ay makukuha – ang pag-ibig, tulad ng isang laro na kung saan ay walang kasiguraduhan ang pagkapanalo sa kabila ng hindi mabilang na sakripisyo at walang katapusang pagtitiis. Masakit man isipin ngunit may katotohanan sa kasabihan na hindi lahat ng kwentong pag-ibig ay “happy ending” ang kinahihinatnan. Ngunit sa bawat kwentong ating naririnig ay nakapaloob ang sariling kaligayahan na hatid ng pakiramdam ng isang taong umiibig. -Katrina C. Surla
Mga dibuho ni Ralph Michael R. Nochete; Kuha nina Marione Paul G. Infantado at Monica Gail Gallardo Latag nina Johanna Alexandria Marie G. De Jesus at Kimberly M. Bondoc