Bitter 2.0

Page 70

Happy and Inspiring Stories by Don Vittorio C. Villasin Hindi ko alam kung naintindihan ba talaga nila ang pinili kong landas, o tulad ng tao, na tulad ko rin, ay pansariling mga kagustuhan lang din ang iniisip nila—ko—namin. Ayaw nila akong umalis, ngunit gusto kong umalis. Ngunit nang makarating na ako sa lungsod, nang magawa ko na ang gusto kong gawin, nalaman kong hindi pala buo ang desisyon ko. Sa kung saan mang parte ng puso ko, naiwan ang isang Ella: nagtaka ako na siya lang at hindi kasama si Dave, mga alaala ni Ella na sumisipa sa akin at ginigising ako tuwing umaga Ngayong nalaman ko ang pagpanaw niya, lalong lumakas ang sipa. Malakas ang sipa, ngunit hindi masakit. Tanda lamang na oras na para bumalik at humingi ng tawad na hindi ako nakabalik. At sabihin sa kanya na “Oo nga, Ella, tama ka. Hindi na nga ako nakabalik.” *** Si Ella ay mahilig magsulat. Minsan, ipinapabasa niya sa amin ni Dave ang mga nasulat niyang tula o kwento. Iyon siguro ang pinaka-hobby niya, ang pagsusulat. Kapag susunduin namin siya ni Dave sa bahay nila upang yayain na maglibot, minsan maaabutan pa namin siyang nagsusulat. Puro tungkol sa kalikasan ang mga tula ni Ella: tungkol sa punong nakikisayaw sa hangin, sa paru-parong ginto na ibig kunin ng mga tao, sa mga kabute at damo na inaapak-apakan lang, mga ganoong tema. Hindi siya nagsusulat ng tungkol sa pag-ibig dahil sabi niya, hindi pa raw siya umiibig kahit kanino man. Inibig ko si Ella, pero ni minsan ay hindi ko ito sinabi. Hindi ko rin alam, kahit kalkalin ko ang anumang alaala ang mayroon ako sa kanya, kung nakaramdam din ba siya ng kahit kaunting pag-ibig o pagtingin sa akin. Kung iisipin nga ngayon, natatawa ako kasi kahit sobrang tagal ng pinagsamahan namin, naisip kong hindi ko rin pala siya ganoon kakilala. *** Minsan, nang-magka-dengue si Ella, dinalaw namin siya ni Dave sa ospital. Bumili kami ng dalandan at lanzones at dinala ito sa ospital. Doon ikinuwento sa amin ni Ella ang kagustuhan niyang isulat ang isang kwento tungkol sa isang manananggal na umibig sa isang lalake. Hindi raw niya ito maisulat kasi nga nasa ospital. Iyon sana ang unang kwento niya na tungkol sa pag-ibig. “Kapag nagtuloy-tuloy na ang paggaling ko, isusulat ko na,” sabi niya.

70


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.