Family Matters June-August 2016

Page 5

Ang pamilya ay likas na mabuti at punung-puno ng kabaitan at pagmamahal dahil ito ay nagmumula sa kabutihan at kabaitan ng lumikha nito— ang Diyos. Ang tao ay likas na mabuti at mabait dahil ang tao ay nilikha ng isang mabait at mabuting Diyos. Likas sa tao ang pagiging mapagmahal, magalang, matulungin, maasikaso, at higit sa lahat ay kumikilala sa isang makapangyarihang lumikha ng lahat na kilala niya bilang Diyos. Walang taong pinanganak na masama. Ang tunay na angking katangian ng tao ay kabutihan at kabaitan. Sa paligid ng tao ay maraming bagay-bagay na susubukin ang kanyang angking katangian. Kung maipaglalaban niya ang kanyang angking katangian, mas lalong magiging matibay ang kanyang pagkatao. Kung pinayagan

naman niyang matalo siya, maaari siyang maging masamang tao. Subalit, kahit siya ay naging masama hindi ito ibig sabihin na ito na ang kanyang katangian bilang tao. Nabahiran lang ng dumi ang kanyang angking katangian. Marahil siya ay nagbago sa panlabas na pag-uugali at asal subalit di kailan man mawawala ang mabuti at mabait na katangian na nasa kanyang kalooban. At ang mga angking katangiang ito ang makatutulong sa kanya upang linisin at ayusin niyang muli ang kanyang sarili. Katulad ng tao, ang pamilya ay likas na mabuti at punung-puno ng kabaitan at pagmamahal dahil ito ay nagmumula sa kabutihan at kabaitan

ng lumikha nito—ang Diyos. Patunay dito ang mga pamilya na namuhay na malayo sa sibilisasyon. Makikita natin sa mga pamilyang ito na nakatira sa mga kagubatan at mga liblib na lugar ang tunay at likas na katangian ng isang pamilya. Dahil walang impluwensya ng makabagong pamumuhay, ang pamilyang ito ay buo, payak, at totoo. Ang tatay ang naghahanap-buhay. Ang nanay ang nag-aalaga sa mga anak at ng tirahan. Ang mga anak ay gumagalang sa mga magulang. Sama-samang nagdarasal, kumakain, naglalaro, nagpapahinga… Subalit kung ang pamilya, pamilyang Pilipino man o ng ibang lahi, ay napaliligiran ng maka-mundong kompetisyon, konsumerismo, materialismo, at mga iba’t-ibang ideolohiya na nagpapanggap ng pagiging makabago, ito ay maaaring madungisan at masira kung hahayaan ng mga miyembro ng pamilya na magpadala at magpaimpluwensiya sa mga ito. Maaari rin naman maging mas matibay ang pamilya kung magkakaisa ang mga miyembro nito na ipaglaban ang angking katangian ng tunay na pamilya.

ISANG PAGHAMON

Ano ang ginagawa natin upang maitaguyod ang isang tunay na pamilya at mapangalagaan ang mga angking katangian ng isang tunay na pamilyang Pilipino? Bilang homework, inaanyayahan ko kayo na suriin ang mga pinapahalagahan ninyo sa inyong pamilya. Ayusin ninyo ang mga ito mula sa pinakamahalaga hanggang sa hindi gaanong mahalaga. Ang inyong batayan sa pag-ayos ay ang sa ikabubuti at sa ikapagpapatibay ng mga angking katangian ng bawat pamilya. Ano man ang salungat dito ay hindi dapat kasama sa inyong listahan. Ito ang tunay na pamilya…tinatag ng Diyos ng pag-ibig upang ipadama sa sangkatauhan ang Kanyang pag-ibig. Mula sa katotohanang ito, nawa’y ang bawat pamilyang Pilipino ay magsikap na maging matatag sa pag-ibig ng Diyos kung saan nagmumula ang tunay na pagmamahalan at respeto ng bawat miyembro sa isa’t isa. ■ June-August 2016 • FamilyMatters 3


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.