Arts III. Kasaysayan: Kung Kukulayan ang Bayan May sariling kamandag ang malulumot na naratibo ng ating pagkalahi. Nag-uudyok sa alaala na iguhit muli nakabalabal na aglahi, tulad ng pagkabayubay ng Manunubos sa krus, iniisa-isa ang litanya ng mga silahis at guhit, sa ugoy ng hinagpis at kinipkip na anyaya. Maabo ang paligid, nakapulapol ang burak sa barko ng mga berdugo, hawak ang sandata, baril na makinis at espadang makintab na tila pilak. Saanman idako ng nakasaksing katutubo yaring matang dilat at gulat, mestiso ang lumukob sa tahimik na baybaying nagpupuyos, nangingilabot.
Pintado:
Inuukit sa Kulay ang Hibla ng Hininga Leodivico C. Lacsamana, PhD Chair, Department of Filipino I. Pasakalye: Dalumat at Gahum ng Kulay Ang pagbibinyag sa bisa ng kulay ay tahas na pag-ukit ng mga salaysay; isang pag-aantada sa ngalan ng haraya na di maiiwasang isaysay. Tinatatakan ng ibayong kakintalan ang pinagkaingatang kairalan, bilangguang ginto na nangunguyapit sa di matigatig na katotohanan. Ayon sa alamat ng sandaigdigan, lumuwal ang kulay sa pisngi ng langit; mapupusyaw na liwanag na biglang kumislap sa sulok at sa rurok ng isip. Kamay ng Lumikha’y nagpaubayang abutin, kaloob na biyayang inangkin; ang karaniwang tao, kahit na hungkag, tumanggap mandin ng sagradong bituin. Sipatin ang daigdig at pagkasuriin ang kinagisnang misteryo ng kulay. Gumigiyagis ang hiwaga sa sapin-sapin na sinag ng isang pagbubunyag. Bawat bagay, bawat diwa, bawat likha ay nangangalisag sa taglay na liyab ng nag-uumapaw na kulay at sanga-sangang dahas ng pagpapakahulugan. Sa kulay, kung gayon, hinuhugot ang tuwirang pagtuklas sa disenyo ng buhay; ganap na kawil ng isip sa diwa, ng diwa sa titik, ng salita sa likha. Ang dambuhalang telon ng tabularasa, umuukit ng isang tapestriya, Nagdingas na dalumat ng sansinukubang nahubog, nabuhay karaka-raka. II. Katutubong Panahon: Matimyas ang Kulay ng Pagsasarili Lupang kayumanggi. Kayumangging lupa, kulay ng gunita, kupas na simula ; Kulay ng kahapon at lantay na rangya, kasaganahang payak bagamat sadya. Wala na ang lumipas, mabilis itong sumagitsit sa hangi’t himpapawirin; dumikit sa ulan, sinalo ng buwan, agad na sumanib sa mga bituin. May iniwang pilat ang silip ng nagdaan na malalim ang tahip kaysa dibdib. Ipinaaalala ang kakahuyang hitik sa kuliglig at mayuming awit; bulawang alaala ng malinaw na batis, burok na langit, dilaw na pipit, daigdig na sinauna na hitik sa asul na dagat at kahel na tag-init. Bagamat higit diyan, may iginigiit na bugtong ang mainit na hininga ng basal na tagistis ng hamog sa sariwang dalisdis at masamyong talampas; bulong na dumadaloy sa kalawakan ng luntiang parang, na tulad sa ilaw, agad tumagos sa kasuluk-sulukan ng isip at lirip, ng ibig at nais Bahaghari ang pamayanan, iba’t iba ang kulay at anyo ng kasarinlan. Pira-pirasong telang tinahi ng talinghaga, ng sistema at kabuhayang ang taglay na sinag ay puti’t busilak, maiigting na metapora ng isang ugnayang mabunyi at magalang, binubusog sa awit ng kaluwalhatian. Dilaw at puti, lunti at bughaw, mapusyaw na byoleta at banayad na pula, matingkad na kahel at abuhing sisidlan na lantay na ginto, pilak at tanso. Anuman ang kulay, anuman ang anyo, mababanaag ang matwid at totoo. Noong unang panahon, inukit ang kulay sa mata at dugo ng katutubo.
50
UNIVERSITAS September 2010
Lagablab naman ang sa Rizal at Bonifacio, apoy na gumuhit sa dibuho ng pagtutol, sa pananalanta ng mga mananakop at mga huwad na d’yos. Lalaging may sunog sa buong kapuluan, parating liliyab ang bawat bayan; walang-katapusang pamumula ng sagupaan ng salita at agam-agam. Makapal na usok at malalangis na kamao, magkasunod na pananakop ng madilaw na Hapones at maputing Amerikano na agad nagpalalo: maigting na panunupil, mabangis na pagtrato, madilubyong pananagano. Sa pagsasalikop ng impyerno’t imperyalismo, nagiging lila ang estado Yumanig ang apoy sa Plaza Miranda, gumuhit ang talim ng Batas Militar. Nangitim ang bayan, nagmistulang pulbura ang sulok at gilid ng bawat lugar. Pinaslang si Ninoy, nag-snap eleksyon, nagluksa ang bayan, isang kadiliman ang kumubabaw sa mapait na tanaw at balintataw ng bawat mamamayan. Parada ng kulay at ligwak ng ingay ang umilanlang sa EDSA uno at dos. Umulan ng dilaw, namulaklak ng pula, nakisingit ang asul, naglitawan pauli-ulit na pagtanghal sa reta-retasong kulay ng pagkakakilanlan; ritwal na minamaniobra ng iba’t ibang mithiin sa iisang tanghalan. Kung may kulay ang dahas, di na ito pula, at lalong hindi rin itim ni dilim. Hunyango na ang panahon, doble-kara ang sistema, naghuhudas ang alipin. Sa ganitong pagtuturing, ang adviento ay kwaresma, ang kwaresma ay adviento, walang tiyak na kulay sa isang layon, kung asan ang kislap, andoon ang ayon. IV. Paglulunoy: Eskarlata ang Ngayon, Pusali ang Panahon May bangis na patuloy na gumagala sa panahong itong iba na ang digma. Deliryong ayaw paawat, sungayang d’yablo na laging balisa at naninila. Nangangamoy ang masangsang na pandaraya sa kanayunan at sa buong bansa. Dapat bang pagtakhan kung bakit may tigmak ng pangingilala ang iyong kasama? May mga sandaling namimilit ibalik ang dating gunita at paniwala; batas na inukit sa hibla ng hininga, talim ng dalumat na humihiwa. Ginigipit ang diwa na siliping muli ang kinagisnang kulay sa paligid kahit pa wasak at lubusang nagiba ang pagkatahi ng titik sa sinulid. Ay! ayoko mang isiping tiwali ang lahat sa panahong ito ng marangyang pagbabago, ng balighong landasin, ng kutad na bayang marurupok ang suhay, natanto ko rin ang gumapang na lisya sa kaloob-loban ng kabuhayang tadtad ng sugat, tadtad ng pangamba, pati na pangarap nagmistulang mabuway. Ay! hindi ko man titigan ang kulay ng basura sa mga estero, bangketa’t pusalian, lirip ko rin, itim na nasa na dumarapurak sa bawat isa. May lasong sumusulak sa pupas na pangako ng mga palalong palamara, punebreng lumulunod sa umuusling silahis ng umuusbong na umaga. Pintado ang bayan ko, pintado ang kapwa ko, pintado ang bawat Pilipino. Bukas kaya, anong kulay ba ang iyong ipipinta sa tela ng kasaysayan?
This poem won 3rd place in the national Talaang Ginto sa Tula organized by the Komisyon sa Wikang Filipino.