
2 minute read
BAYBAYIN AY BUHAYIN
from Seasons

SULAT NI JOE ARNEL CELESTIAL JR. GRAPIKS NI LOURDES ANGELINE SENDICO
Advertisement

Alam mo bang hango sa giant shells o Taklobo ang sariling panulat na ginagamit ng mga sinaunang Pilipino?
Bago pa man dumating sa Pilipinas ang mga banyagang mananakop, mayroon nang sariling salitang panulat na ginagamit ang mga katutubo – ang Alibata o, sa pagkakaalam ng karamihan, ang Baybayin. Ngunit masasabing unti-unting nawawala ito nang dahil sa hindi na ito ginagamit.
Hindi ka ba nagtataka kung ano at paano tayo namumuhay kung ginagamit ito hanggang ngayon?
Marahil maraming bagay ang maaaring magbago kung magiging bahagi na ito ng pang araw-araw na gawain ng mga Pilipino. Kung sa kalakalan at pang-komersyo, maaring magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang mga produktong Pinoy kung saan mas mabilis itong makikilala sa buong mundo at makakatulong sa pagpapa-angat ng ekonomiya ng bansa.
Maaaring mas mapapabilis din ang komunikasyon sa buong bansa kung iisang panulat lamang ang ginagamit ng mga Pilipino. Kung sa paaralan, marahil ay hindi na mahihirapan pang intindihin ang mga samu’t saring banyagang alpabeto at magkakaroon lamang ng isang panulat sa buong bansa na tiyak makakatulong din sa pagpapaunlad at pagpapakilala ng panitikang Pilipino. At, siyempre, hindi na rin matatawag na ‘gaya-gaya’ sa kahit anong aspeto ang mga Pilipino dahil magkakaroon na ng sariling salitang panulat na papahalagahan, gagamitin, at magpapakilala sa orihinal na mga Pilipino.
Ngunit, kahit na ang pagsabuhay sa Baybayin ay mayroong maraming pakinabang, mas mainam nang ibaon na lang sa kasaysayan ang paggamit sa magagandang titik bilang tanging paraan para

maipakita nating kaya nating makipagsabayan sa mga mauunlad na bansa o kaya nating maging maparaan sa sining ng komunikasyon.
Ang paggamit ng alpabetong Filipino na may impluwensya ng alpabetong Ingles ay hindi rin masama. Hindi ibig nitong sabihin na nalilimutan na natin ang sariling atin. Ito ay patunay na kaya nating makipag-usap sa banyaga na nananatiling Pilipino pa rin.
Sa kabila nito, mahalaga pa rin na isapuso natin ang yaman na idinulot ng Baybayin sa salitang panulat ng Pilipino. Marahil na isang pangarap na lamang ang maibalik ang yaman at pamana ng ating salinlahi. Katulad ng pagkakaroon ng computer font na baybayin, untiunti itong nabubuhay sa kasalukuyan sa pamamagitan ng paggamit nito bilang disenyo sa iba’t ibang mga produkto at pagkakaroon ng mga maliliit na kilusang nagsisikap panatilihing buhayin ito.
Kung may Kanji, Katakana, at Hiragana ang bansang Hapon, Han na mga karakter ang bansang Tsina, at Hangul ang bansang Korea, mayroon ding pagkatao ang Pilipinas - ang yaman ng samu’t saring paraan ng wika. Katulad sa mga bansang nabanggit, magagawa rin ng mga Pilipino na patuloy na mahalin ang sariling nating pagkatao.
