
3 minute read
LGU: HINDI PWEDENG MEMA LANG // OPINYON
APRIL 2022 // OPINION 9 LGU: HINDI PWEDENG MEMA LANG
OPINYON // Marcus Mugol
Advertisement
Noong 2018, pinagtibay ng Korte Suprema ang petisyon ni Batangas Governor Hermilando Mandanas, dating Bataan Governor Enrique Garcia Jr., kasama ang ibang lokal na opisyal na magkaroon ng makatarungang hati sa lahat ng national taxes at sa mga buwis na hindi sakop ng Bureau of Internal Revenue (BIR), na magiging epektibo ngayong 2022. Ayon kay Odilon Pasaraba, Assistant Secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang mga lokal na pamahalaan o LGUs ay nakakakuha ng 40% ng national internal revenue taxes galing BIR. Sa pagpapatupad ng MandanasGarcia Ruling, ang Internal Revenue Allotment (IRA) sa mga LGUs ay inaasahang tataas ng 27.61%.
Dagdag pa ni Asec. Pasaraba, naglabas din si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order No. 138 na may layuning ibaba ang ilang tungkulin ng ehekutibo sa mga lokal na pamahalaan. Samakatuwid, mas maisasagawa nila ang kanilang mga proyekto sa kanilang nasasakupan dahil sa mas malayang hurisdiksyon at mas malaking pondo.
Bagamat sa aking pagsang-ayon sa Mandanas-Garcia, ang dinastiya at unopposed candidates ay nanatili pa ring talamak hanggang ngayon sa bawat LGUs, na masasabi kong nakababahala. Ayon kasi sa inilabas na datos ng Commission on Elections (COMELEC), 845 na lokal na kandidato ang siguradong makakaupo sa pwesto. Ito ay binubuo ng 39 na kandidato sa pagka-kongresista, 9 na gobernador, 11 na bise gobernador, 45 na bokal, 203 na alkalde, 254 na bise alkalde, at 284 na konsehal. Kung bibigyang-tuon ang ating lalawigan, halos lahat ng kandidato sa mga lungsod at bayan ay siguradong pasok na sa pwesto.
Dahil sa pagtaas ng pondo at paglawak ng hurisdiksyon, mas tataas ang responsibilidad at pananagutan ng mga lokal na opisyal. At kung titignan natin ang kasalukuyang lagay ng kampanya, ang mata ng mga Pilipino ay nakatingin lamang sa national positions at wala sa lokal. Labis itong nakadagdag sa aking pangamba dahil hindi rin tayo nakasisigurado na ang lahat ng unopposed candidates ngayong halalan ay talagang may nagawa at hindi MEMA lang.
Ang aking punto, kailangan din nating magsunog ng kilay upang makilatis mabuti ang mga tumatakbong kandidato sa lokal na antas. Suriin natin mabuti ang kanilang track record, kasanayan sa paglilingkod-bayan, paninindigan sa mga isyu, at mga plataporma. Hindi tayo pu-pwedeng magpadala sa mga kanta, tarpaulin, at libreng kendi. Kung ano ang ating pamantayan sa nasyonal na antas ay siya ring dapat sa lokal na antas.
Sa kabilang banda, dahil wala namang pagpipilian, kilatisin at iboto natin ang mga lider na nagsusulong ng pagbabago o reporma sa sistema ng eleksyon o ng konstitusyon.
Pare-parehas pa ring mga personalidad ang ating makikita sa balota kung mananatili pa ring bulok ang sistema ng ating eleksyon.
Sa pulitika, hindi pwedeng MEMA LANG ang mauupo sa pwesto. Ayon sa ating Konstitusyon, ang ehekutibo na kinabibilangan ng pangulo, ikalawang pangulo, gobernador, bise-gobernador, alkalde, at bise-alkalde ay ang sangay na nagpapalaganap ng batas. Samantalang ang lehislatura na binubuo ng mga senador, kongresista, bokal o board member, at mga konsehal ay ang sangay na nakatuon sa pag-gawa ng batas. Ang mga tungkuling ito ay ang simple ngunit mabigat kung titignan. Kaya kung ikaw ang tatanungin, gusto nyo ba ng batas o ordinansa na wala namang saysay? Gusto nyo ba ng programa na pili lamang ang makikinabang? Masyadong naging malalim ang sugat ng nakaraan sa ating bayan kaya huwag na sana tayong maging dagdag pa sa pagtaghoy ng ating inang-bayan.
Kung tayo ay boboto ng tama sa nasyonal at sumablay sa lokal, walang din itong patutunguhan. Kung maganda ang plataporma ng pangulo at patapon naman ang ordinansa ng konsehal, dederetso pa rin tayo sa kangkungan. Kailangan nating bumoto ng kandidatong may nagawa at may magagawa pa, hindi dahil ang kandidatong ito ay naniniwala at ini-endorso ang napupusuan mong pangulo at ikalawang pangulo.
Ilang araw na lamang ang nalalabi bago ang eleksyon. Boboto ba tayo ng tama o magpapalaki nanaman tayo ng tiyan sa loob ng tatlong taon? [R]