Isinulat ni: Riorose A. Santos
Iginuhit ni: Monalyn C. Dugay
Paunang Salita
Ang akdang ito ay nilikha upang imulat ang kaisipan ng bawat kabataang Pilipino tungkol sa kahalagahan ng pagiging masipag at maparaan sa buhay. Makatutulong rin ito sa mga kabataan na maging palabasa at mauunawaan ang aral na nais ipabatid ng kwentong binabasa.
Bunga ng mabilis na paglago ng teknolohiya ang unti-unting pagbabago sa ugali ng mga kabataang Pilipino. Ayon sa isang magulang, ang pinaka-nagiging problema nila sa kanilang mga anak ay ang pagiging tamad dahil sila ay tutok sa paglalaro ng "mobile games".
Ang suliraning ito ang naging inspirasyon upang ipamulat sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagiging masipag at maparaan sa buhay.
Sa pabulang ito ay matututunan ng mga kabataan na sa buhay kailangan mo ang sipag at tiyaga upang makaraos. Matatalakay din sa akdang ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng buo at masayang pamilya.
Tayong mga pilipino ay kilala sa buong mundo sa pagiging masipag at matiyaga. Nawa'y maging instrumento ang kwentong ito sa paghubog sa mga kabataan na maging matiyaga at maparaan sa buhay. Gamitin ang lakas at talino sa mga mas kapakipakinabang na mga gawain na maaring makatulong sa pagpapaunlad sa kanilang mga buhay. Laging tatandaan na ang mga katangiang mayroon tayong mga Pilipino ay huwag sayangin bagkus ipagmalaki at gamitin sa tamang paraan.
Sa Barangay Masipag, may isang bata na nag-ngangalang Bong Kuneho. Siya ay nagmula sa mahirap na pamilya. Si Bong kuneho ay hindi nag-aaral dahil sila ay salat sa pera. Ang kanyang ama ay nagkukumpuni ng mga sirang kagamitan at ang kanyang ina naman ay isang labandera.
Si Bong Kuneho ang panganay sa apat na magkakapatid. Kulang na kulang ang kinikita ng kanyang mga magulang para sa pang araw-araw nilang pangangailangan. Kaya ito ang nagtulak kay Bong kuneho para subukan ang pangangalakal ng basura.
Isang araw, kinausap ni Bong Kuneho ang kanyang ina upang magpaalam, “Inay nais ko po sanang sumama kila Don Matsing at Tusong Aso sa pangangalakal ng basura.”
“Anak delikado roon. Dito ka na lang sa bahay at bantayan mo ang iyong mga kapatid.” Sagot ng kanyang ina.
“Gusto ko po sanang makatulong sa inyo ni itay, ‘nay.” Saad ni Bong Pagong.
“Sundin mo na lang ako anak.” Sambit ng kanyang ina.
At hindi na muling sumagot si Bong Kuneho sa kanyang ina. Ngunit sa loob loob neto ay gusto niyang ituloy ang kanyang plano.
Pagdating ng kanyang ina, siya ay nagpaalam na makikipaglaro sa mga kapwa nya bata sa kanilang barangay.
“Inay makikipaglaro lang po ako sa labas.” Ani Bong Kuneho.
“Sige anak, huwag kang magpapagabi.” Sagot ng kanyang ina.
Dali-daling lumabas si Bong Kuneho sa kanilang bahay at nagtungo sa tambakan ng mga basura kasama sila Don Matsing at Tusong Aso.
“Mga kaibigan, maraming salamat dahil ako’y inyong isinama gusto ko lang sanang tulungan ang aking mga magulang sa paghahanap-buhay.” Saad ni Bong Pagong.
“Walang anuman kaibigan.” Sagot nina Don Matsing at Tusong Aso.
At nag-umpisa na ngang maghalukay ng basura ang magkakakibigan. Inumpisahan ni Bong Kuneho ang paghahanap ng mga sirang kagamitan na maari pang maayos.
Pinulot ni Bong Kuneho ang sirang radyo, TV, bentilador at iba pa. Habang si Don Matsing naman ay pinulot ang bawat bote ng inumin na kanyang madaraanan. Mga karton naman ang kay Tusong Aso.
Masayang umuwi ang magkakaibigan ngunit ‘di maiwasang matakot ni Bong Kuneho dahil kabilin bilinan ng kanyang ina na huwag siyang magpapagabi.
Dahan dahang ibinaba ni Bong Kuneho ang kanyang mga
nakalakal.
“Bakit ngayon ka lang, anak? Saan ka nanggaling?” tanong ng inang Kuneho.
“Diyan lang sa labas inay, nakipaglaro sa aking mga kaibigan.” Sagot ni Bong Kuneho.
“Hala sige, maghugas kana ng katawan at tayo’y kakain na.” Utos ng kanyang ina.
Sumunod na araw, bumalik ulit sa tambakan ng mga basura ang magkakaibigang sina Bong Kuneho, Don Matsing at Tusong Aso. Masayang masaya ang magkakaibigan dahil kahit inabot sila ng dilim sa pamamasura ay mas marami silang naiuwi kaysa noong una.
Kinaumagahan, nagulat ang mga magulang ni Bong Kuneho dahil sa dami ng mga sirang kagamitan na nakatambak sa kanilang likod bahay. Agad siyang tinawag ng kanyang mga magulang upang tanungin kung paanong nagkaroon ng ganoong karaming kagamitan sa kanilang bakuran.
“Ikaw ba ang kumuha ng mga ito anak?” tanong ni Inang Kuneho kay Bong Kuneho.
“Opo inay, gusto ko lang po sanang makatulong sa inyo ni itay. Maaari po natin itong pagkakitaan, kaunting ayos lang po ito ni itay ay maaring na natin itong ibenta sa mas mababang halaga, nang sa ganoon po ay may maibibili po tayo ng mga kailangan natin sa araw araw.” Paliwanag ni Bong Kuneho.
“Anak delikado ito para sayo, hindi mo ito kailangan gawin hayaan mo kami ng iyong itay na gawin ang aming obligasyon. Gayun pa man ay salamat, anak, dahil sa murang edad ay natutulungan mo na kami ng iyong itay. Huwag mo na itong ulitin.” Sagot ng kanyang ina.
Inayos ng kanyang ama ang mga sirang kagamitan at kanila itong ibinenta. Dahilan upang sila ay makapagtayo ng maliit na tindahan sa kanilang barangay. Simula noon ay unti-unting gumanda ang buhay ng pamilya ni Bong Kuneho.
PAG-UNAWA SA BINASA: Sagutin nang mabuti ang mga sumuaunod na tanong.
1. Sino-sino ang mga kaibigan ni Bong Kuneho?
2. Pang ilan sa magkakapatid si Bong Kuneho?
3. Ano ang hanap buhay ng kanyang ama?
4. Ano ang mga pinulot ni Bong Kuneho at bakit ito ang kanyang napili?
5. Ano ang nagtulak kay Bong Kuneho para mamasura?
Lay-out Artist: MONALYN C. DUGAY Teacher
Language Editor: EVENCIO T. TAGUINOD
Content Editors: LOLITA L. TAGUINOD
Validated by: LOLITA T. TAGUINOD