Skip to main content

Ang Gabing Hindi Nagtapos

Page 1


Ang Gabing Hindi Nagtapos

Madilim ang gubat, at ang liwanag ng buwan ay halos lamunin ng makakapal na sanga ng mga puno. Sugatan at nanghihina, sinundan ni Basilio ang anyo ng kanyang ina hanggang sa lumang libingan sa paanan ng malaking balete.

“Nanay,” tawag niya, halos pabulong na lamang. “Ako po, ako po. Ako po ito.”

Ngunit hindi lumingon si Sisa. Patuloy ang pagtakbo na para siyang aninong tumatakas sa sariling takot. Pumanhik siya sa loob ng lumang libingan at isinara ang kahoy na pinto sa kanyang likuran. Makaraan ay itinulak ito ni Basilio, ngunit hindi mapilit ng kanyang maliit na katawan na ito ay buksan.

“Inay, buksan nyo po,” pakiusap ni Basilio. “Ako po ito. Hindi ko po ako masamang tao.”

Walang sagot ang narinig at tanging ang mabilis at putol-putol na paghinga ng kanyang ina ang narinig niya mula sa loob. Umikot si Basilio sa paligid ng pader. Nang makita niya ang isang sangang nakahilig sa ibabaw ng lumang bakod, pilit siyang umakyat. Nadudulas ang kanyang mga kamay sa lumot at balat ng puno. Sumasakit ang kanyang paa. Humahapdi ang mga sugat sa kanyang katawan. Ngunit patuloy ang kanyang pag-akyat at magkagayon ay nagpatihulog mula sa sanga at bumagsak sa lupa sa paanan ni Sisa.

Inay,” hingal ni Basilio habang pilit na tumatayo. “Ako po ito.”

Tinitigan lamang siya ni Sisa. Tinamaan ng buwan ang kanyang mukha, ngunit walang pagkilala sa kanyang mga mata. Ang naroon lamang ay na matagal nang nabulok sa kanyang kaloob-

kong sigaw niya. “Wag kang lalapit! Papatayin kita!

“Hindi po,” sabi ni Basilio habang dahan-dahang lumalapit. “Ako po si Basilio.”

Wakas sa Noli Me Tangere

Ngunit sumugod si Sisa. Sinunggaban niya ang bata at itinulak sa lupa. Bago pa makabangon si Basilio, naramdaman niya ang mga kamay ng kanyang ina sa kanyang leeg.

“Inay,” hirap niyang sabi. “Parang-awa nyo po! Ako po ito.”

Hindi siya narinig ni Sisa. Nakadagan siya sa bata, nanginginig, at ang mga mata niya ay nanlilisik sa dilim. Hindi na niya nakikita ang anak. Ang nakikita niya ay mga kamay na nang-agaw, mga boses na nanakot, mga taong matagal nang pumatay sa kanyang isip bago pa man mamatay ang kanyang katawan.

“Nasaan si Crispin?,” sabi niya. “Ibalik ninyo ang Basilio ko!”

Pinilit ni Basilio na hawakan ang kamay niya.

“Narito po ako,” bulong niya. “Inay, narito po ako!”

Ngunit lalong humigpit ang pagkakasakal, at mula sa dilim, may kumilos. Isang lalaking sugatan ang lumitaw mula sa likod ng puno. Maputla at duguan ay kumapit ito sa puno habang pilit na humahakbang.

“Babae,” sabi niya. “Bitawan mo ang bata.”

Hindi lumingon si Sisa.

Muling sinubukan ng lalaki na lumapit, ngunit napahinto siya sa tindi ng sakit ng kanyang sugat. Nakita niya ang mukha ni Basilio. Namumula na ito, hirap huminga, at ang mga kamay ay unti-unti nang humihina nang kumakapit sa lupa.

“Patawarin mo ako,” bulong niya habang patakb lumapit at hinampas si Sisa sa ulo ng isang tablang kahoy.

Biglang tumigil ang lahat.

Bumitaw si Sisa at bumagsak sa lupa. Tumama ang kanyang ulo sa giliran ng libingan at mabilis na kumalat ang dugo sa ilalim ng kanyang buhok.

Napasinghap si Basilio at napahawak sa kanyang leeg. Ilang sandali siyang nakahiga, hinahabol ang hininga. Pagkatapos, gumapang siya papunta sa kanyang ina.

“Nanay,” iyak niya. “Nanay, gumising po kayo.”

Walang sagot. Hinawakan niya ang mukha ni Sisa. Mainit pa ito, ngunit hindi na gumagalaw. Ang mga matang kanina ay puno ng takot ay nakabukas pa rin, nakatingin sa wala.

“Hindi po niya sinasadya,” sabi ni Basilio. “Hindi po niya alam.”

Hindi niya alam kung kanino niya iyon sinasabi. Sa sarili ba niya, sa sugatang lalaki, o sa katawang hindi na makakarinig. Lumuhod ang lalaki sa malayo. Binitiwan niya ang tabla na para bang biglang naging apoy iyon sa kanyang kamay.

“Bata,” mahina niyang sabi. “Kinailangan ko iyong gawin, ikaw ay papatayin na nya.”

Sa una, puro iyak lamang ang lumabas kay Basilio. Niyakap niya ang katawan ng kanyang ina at umiyak na parang bata, dahil bata pa naman talaga siya. Tinawag niya ang kanyang ina nang paulit-ulit, na para bang sapat ang pangalan upang ibalik ang hininga nito.

“Nanay,” sabi niya. “Ako po ito. Basilio po.”

Ngunit hindi na gumalaw si Sisa.

Unti-unti, nagbago ang pag-iyak ni Basilio. Hindi ito tumigil, ngunit tumigas. Ang kanyang mga luha ay naroon pa rin, ngunit sa likod ng mga iyon ay may ibang bagay na nagsimulang mabuo.

Tumingin siya sa sugatang lalaki. “Pinatay mo siya,” sabi niya.

Napayuko ang lalaki. “Iniligtas kita.”

“Pinatay mo siya,” ulit ni Basilio.

Huminga nang mabigat ang lalaki at napasandal sa puno. Nanginginig ang kanyang katawan. Halos ubos na ang lakas niya.

“Kung may ibang paraan,” sabi niya, “hindi ko iyon gagawin.”

Hindi umimik si Basilio

Nagsalita muli si Elias, ngunit mas mahina na ang kanyang tinig.

Wakas sa Noli Me Tangere

“Makinig ka, bata, sapagkat hindi ko na aabutana ng umaga. Sa ilalim ng punong ito, may nakatagong ginto. Kunin mo iyon. Gamitin mo para makaalis, para mabuhay, para makapag-aral.”

Hindi gumalaw si Basilio. “Bakit kita pakikinggan?” tanong niya. “Ikaw ang pumatay sa inay ko.”

Napapikit si Elias. May sakit sa mukha niya, ngunit hindi lamang dahil sa sugat sa katawan.

“Ako ay mamamatay na,” sabi niya. “Ngunit ikaw ay may kaya pang mabuhay.”

Nag-angat ng tingin si Basilio. “Hindi ko kailangan ng kahit na ano galing sa iyo!”

“Walang nagtatanong sa atin kung ano ang kailangan natin,” sagot ni Elias. “Ang ibinibigay lamang sa atin ay kung ano ang matitira pagkatapos ng lahat.”

Napahawak siya sa lupa. Ang kanyang tinig ay halos hangin na lamang. “Kunin mo ang ginto. Huwag mong hayaang mapunta sa kanila. Huwag mong hayaang mamatay ang lahat nang para sa wala.”

“Para saan pa?” tanong ni Basilio.

“Para sa araw na matutunan mong gamitin ang talino laban sa mga taong gumagamit ng kapangyarihan laban sa mahihina.”

Hindi sumagot si Basilio. Humina ang paghinga ni Elias. Tumingin siya sa silangan, kahit wala pang liwanag.

“Kung makita mo man ang umaga,” bulong niya, “huwag mong kalilimutan ang mga namatay sa gabi.”

Pagkatapos noon, hindi na siya nagsalita. Namatay si Elias sa ilalim ng balete, ilang hakbang lamang mula sa babaeng napatay niya upang mailigtas ang anak nito. Nanatiling nakaluhod si Basilio sa pagitan ng dalawang bangkay. Sa isang tabi, ang kanyang ina. Sa kabila, ang lalaking nagligtas sa kanya at siyang pumatay sa natitirang dahilan niya upang mabuhay.

Tumila din ang agos ng kanyang pag-iyak at bago magbukang-liwayway, nag-ipon siya ng mga tuyong sanga, lumang kahoy, at basag na tabla. Pinagpatong-patong niya ang mga iyon sa ibabaw ng dalawang katawan. Nang sindihan niya ang apoy, hindi siya nagdasal. Tahimik niyang pinanood ang usok na umakyat sa langit. Ang apoy ay lumakas, nanginain sa kahoy, nanginain sa damit, nanginain sa mga

Wakas sa Noli Me Tangere

pangalang hindi naman kailanman pinakinggan ng mundo. Sa liwanag ng apoy, ang mukha ni Basilio ay hindi na mukhang bata. Payat, duguan, at maputla, ngunit ang kanyang mga mata ay malinaw. At walang laman ang linaw na iyon kundi galit.

Nang humina ang apoy, lumapit siya sa balete at nagsimulang maghukay. Gamit ang kanyang mga kamay, kinayod niya ang lupa. Pumutok ang kanyang mga kuko. Dumugo ang kanyang mga daliri. Ngunit hindi siya tumigil. Totoo ang sinabi ng sa ilalim ng puno. Nang makita ni Basilio ang unang kislap nito, hindi siya natuwa. Hindi siya nagpasalamat. Hindi niya naisip ang paaralan, ang bagong buhay, o ang pag-asa. Kinuha niya ang kayamanan at isa-isang sinilid sa kanyang munting mga bulsa.

Ngunit sa gutom, pagod, sugat, usok, at bigat ng gabing iyon, bumigay ang kanyang lakas. Natumba siya sa tabi ng hukay at nawalan ng malay.

Nang sumikat ang araw, may mga guardia na nakakita sa usok mula sa gubat. Inakala nilang may nagsusunog ng kaingin. Subalit nang marating nila ang ilalim ng balete, tumambad sa kanila ang abo ng dalawang katawan, ang hinukay na lupa, ang ilang piraso ng ginto, at ang batang duguan at walang malay.

Susmaryosep” sabi ng isa.

“May patay,” sabi ng isa pa. “Dalawa.”

Lumapit sila kay Basilio. Hindi nila nakita ang anak na nawalan ng ina. Hindi nila nakita ang batang halos pinatay ng takot ng sariling dugo. Hindi nila nakita ang huling saksi sa isang gabing hindi kayang ipaliwanag ng batas. Ang nakita nila ay isang batang mahirap, isang hukay, ginto, at dalawang bangkay.

Nang magkamalay si Basilio, malamig na bakal na ang nasa kanyang mga pulsuhan.

“Hindi ko po sila pinatay,” mahina niyang sabi, subalit walang nakinig.

Sa bayan, mabilis kumalat ang balita. May batang natagpuan sa gubat, kasama ang sinunog na katawan ng isang babae at isang lalaki. Ang ilan ay nagsabing sya ay isa lamang tulisan. Ang ilan ay nagsabing sya umano ay sinapian ng dyablo. Ang iba ay nagsabing nabaliw siya, gaya ng kanyang ina.

Pangwakas na Bahagi

Marami sa mga taong kilala sa San Diego ang nagpatuloy sa kanikanilang buhay, na para bang walang mga gabing dumaan na dapat sana’y gumising sa kanila.

Ang ilan ay nagpalit ng tirahan. Ang ilan ay nagpalit ng tungkulin. Ang ilan ay nagpatuloy sa pagdarasal, paninigarilyo, pagsusugal, at paglimot. At ang bayan, gaya ng dati, ay marunong magluksa sa loob ng isang araw at magbulungan sa loob ng isang linggo, bago tuluyang bumalik sa dating katahimikan.

Tungkol sa batang natagpuan sa ilalim ng balete, kaunti lamang ang tiyak na nabalita. Sinasabi ng iba na siya’y ikinulong. Sabi naman ng ilan, siya’y dinala sa Maynila upang usisain. May mga nagbanggit na sa loob ng ilang taon ay may isang payat at maputlang binatang pinalaya mula sa bilangguan, tahimik, hindi palakibo, at kung tumingin ay tila hindi na nakakakita ng mga tao kundi mga utang na kailangang singilin.

Doon din sa Maynila, patuloy na nakatayo ang convento ng Santa Clara. Mataas ang pader, mabigat ang pinto, at banal ang katahimikang nakapaligid dito. Sa labas, yumuyuko ang mga tao. Sa loob, walang sinuman ang tunay na nakakaalam kung alin ang dasal at alin ang daing.

Isang gabi ng Setyembre, dumating ang isang bagyong halos punitin ang buong lungsod. Humahampas ang ulan sa bubong kasabay ang dumadagundong na mga pagkulog. Ang mga kidlat ay paulit-ulit na naglalantad sa mga lansangang walang tao. Dalawang guardia ang sumilong malapit sa pader ng kombento, basang-basa at nanginginig sa lamig.

“Bakit pa tayo andito? Walang lalabas sa ganitong gabi,” sabi ng isa. “Mas mabuti pang humanap tayo ng ibang masisilungan.”

“Hintayin muna nating humina,” sagot ng kasama niya.

Pagkaraan ay muling kumidlat. Sa isang iglap, nakita nila ang isang anyong nakatayo sa mataas na bahagi ng bubong. Napaurong ang isa.

Aba! May tao roon.”

“Imposible.”

Muling kumidlat. Sa pagkakataong iyon, mas malinaw nilang nakita ang babae. Nakasuot siya ng habito, basang-basa, at nakatayo sa gilid ng bubong. Ang kanyang mga kamay ay nakataas, at ang kanyang mukha ay nakatuon sa langit. Hindi siya mukhang multo, ngunit isa itong mukha ng taong humihingi ng tulong sa langit dahil siguro ay matagal nang naghirap sa lupa.

“Santa María,” bulong ng isang guardia.

Hindi nila narinig kung ano ang sinabi ng babae. Nilamon ng hangin at ulan ang kanyang tinig. Ngunit nakita nilang gumalaw ang kanyang labi, na para bang may huling pangalang binibigkas.

Pagkatapos, ibinuka niya ang kanyang mga kamay at kagyat na nagpatihulog siya sa dilim.

Napasigaw ang dalawang guardia. Tumakbo sila sa paanan ng convento, nadudulas sa putik at tubig-ulan. Nang marating nila ang lugar, nakita nila ang katawan ng isang mongha, nakahandusay sa lupa. Bali ang kanyang leeg. Basag ang katawan. Ngunit kahit sa gitna ng ulan at dugo, nanatili sa mukha niya ang bakas ng kagandahang matagal nang ikinulong at pinahirapan. Kinabukasan, mabilis kumalat ang balita. Ngunit mas mabilis ang kamay ng mga taong sanay magtakip. Sabi ng ilan, nadulas siya. Sabi naman ng iba, matagal na siyang baliw. May nagsabing iyon ay parusa ng Diyos. May nagsabing huwag nang usisain, sapagkat ang mga bagay na nagaganap sa loob ng banal na mga pader ng simbahan ay dapat ipaubaya sa Diyos at sa mga taong nagsasalita para sa Kanya.

Ngunit may ilang nakarinig ng ibang sabi-sabi. May mga nagsabing ang babaeng iyon ay hindi basta monja. May mga bumulong ng pangalang matagal nang hindi binabanggit nang malakas. Si María Clara.

Walang paglilitis na naganap. Walang pintong tuluyang binuksan. Walang kamay na nanagot. Ang katawan ay inilibing, ang pangalan ay pinatahimik, at ang pader

Alternatibong Wakas sa Noli Me Tangere

ng kombento ay muling tumayong malinis sa tingin ng mga taong ayaw tumingin nang matagal.

Ngunit sa ilang gabi matapos iyon, may mga nagsabing may isang binatang nakita malapit sa pader ng Santa Clara. Payat, tahimik, at nakasuot ng luma ngunit maayos na damit. Hindi siya lumapit. Hindi rin siya nagtanong. Tumingin lamang siya sa bubong, sa lupa, at sa saradong pinto.

Walang nakaalam kung sino. At nang umalis ito ay may naiwan lamang na isang maliit na piraso ng papel sa basang lupa.

Walang pangalan subalit isang pangungusap lamang ang nakasulat: Hindi lahat ng namamatay ay nananahimik.

At mula noon, sa ilalim ng mga dasal, kampana, at katahimikan ng bayan, may isang bagong takot na nagsimulang gumalaw.

Hindi sigaw, hindi pag-iyak, ngunit alaala. Isang alaala na kapag sinindihan ay hindi lang nagdudulot ng liwanag, kundi ay apoy din.

-Wakas-

Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Ang Gabing Hindi Nagtapos by Kim Cyril Celedonio - Issuu