Skip to main content

ANG PAMALAKAY 2025

Page 1

ANG PAMALAKAYA Ang Opisyal na pahayagan ng PAMALAKAYA - PILIPINAS Pebrero 2025

EDITORYAL

Atin ang Kinse Kilometro! Itaguyod ang Eksklusibong Karapatan sa Munisipal na Pangisdaan!

L

itaw na litaw ang sabwatan ng malalaking kapitalista at ng rehimeng Marcos Jr. para tuluyang agawin ang pook-pangisdaan ng maliliit na mangingisda. Sa desisyon kamakailan ng Korte Suprema, idineklarang unconstitutional ang pribilehiyong karapatan ng mga mangingisda sa 15-kilometrong munisipal na katubigan. Bunsod ito ng petisyon ng Mercidar Fishing Corp. (MFC), isang kumpanyang nagmamay-ari ng mga dambuhalang barkong palakaya, na makapangisda ang mga commercial fishing vessel sa municipal waters. Katunayan, ganap lamang nitong nililigalisa ang matagal nang umiiral sa mga munisipal na panigsdaan – ang laganap na pagpasok at pangingisda ng commercial fishing vessels. Noong 2023, naitalang 28, 822 commercial fishing vessels ang nakakapasok at nangisda sa loob ng mga munisipal na pangisdaan, partikular sa mga lalawigan ng Zamboanga, Palawan, Mindoro, Iloilo, Negros Island, Sulu, at Tawi-Tawi. Nangangahulugan rin na hungkag ang umiiral na batas na Fisheries Code of 1998 at amyenda nito na tiyakin ang eksklusibong karapatan ng maliliit na mangingisda sa munisipal na pangisdaan. Ang inilusot na 7-fathom rule sa batas ay ginamit pang salalayan ng desisyon ng Korte. Kaya nananatili ang panawagang ibasura ang Fisheries Code of 1998 at Republic Act 10654 na nag-amyenda rito, dahil sa pagbibigay-daan sa monopolyo-kontrol ng mga lokal at dayuhang kapitalista sa mga pook-pangisdaan, baybayin, at yamang-dagat. Hindi rin inosente ang rehimeng Marcos Jr. dito. Matatandaang noong ikalawang State of the Nation Address (SONA), sinabi niyang prayoridad ang pag-amyenda ng Fisheries Code para diumano gawing ‘science-based’ ang pagtugon at pagtukoy ng mga pook-pangisdaan. Ibig sabihin, ibabatay sa lalim, imbes na distansya, ang hangganan ng pwedeng pasukin ng mga malalaking barkong palakaya. Apat na buwan matapos nito, nagbitiw bilang kalihim ng

Department of Agriculture (DA) si Marcos Jr. at ipinalit si Francisco Tiu-Laurel Jr., ang may-ari ng dambuhalang kumpanyang Frabelle Fishing Corp. Sa isa sa mga panayam, kinumpirma ni Laurel na pinagaaralan ng ahensya ang ‘pagsasaayos’ ng municipal waters para diumano higit na mamaksimisa ang paggamit nito. Ano ang kahihinatnan ng mga maliliit na mangingisda? Batay sa pag-aaral ng mga siyentista, ang mababaw na bahagi ng dagat (less than 7 fathoms) ay 10% lamang ng municipal waters. Ibig sabihin, 90% ng municipal waters ang tiyak na mapapasakamay ng mga commercial fishing at malalaking kapitalista sa pangisdaan. Higit na monopolisasyon ito ng tradisyunal at komunal na pangisdaan ng mga maliliit na mangingisda. Nang maisapubliko ang desisyon ng Korte, mabilis na umalma ang maraming organisasyong mangingisda at magkakasunod na naglunsad ng mga protesta sa tanggapan ng DA. Nasa tatlong petisyon na rin ang inihain ng ilang non-government organizations (NGO) sa Korte para umapela sa desisyon nito. Nararapat na paigtingin pa ang kampanya laban sa nakaambang tuluyang pang-aagaw ng mga malalaking negosyo sa pook-pangisdaan. Dapat katampukan ang kampanyang ito ng mga aksyong masa, talakayan, asembliya, dayalogo, at iba pang porma ng protesta na naglalantad at lumalaban sa sabwatan ng mga malalaking kapitalista at ng rehimeng Marcos Jr. Ibinukas ng sitwasyon ang pagkakaroon ng isang malawak na koalisyon ng mga maliliit na mangingisda sa nagkakaisang layunin na igiit ang karapatan sa kinse kilometrong pook-pangisdaan. Sunggaban natin ang paborableng pagkakataon para higit na ihiwalay ang rehimeng Marcos Jr. at ilantad ang makauring interes nito sa pook-pangisdaan at iba pang likas-yaman ng bansa. AP

1


Wakasan ang militarisasyon sa West Philippine Sea! Isulong ang nagsasariling patakarang panlabas!

L

antad na lantad ang kabiguan ni Ferdinand Marcos Jr. sa pagtatanggol sa pambansang soberanya sa West Philippine Sea (WPS). Imbis na humupa, lalo pang tumindi ang agresibong presensya ng China sa ating karagatan. Kamakailan lamang, iniulat ng Philippine Coast Guard ang panibagong presensya ng barkong pandagat ng China, ang CCG-3304, malapit sa Zambales bilang kapalit ng tinaguriang “monster ship” na CCG-5901. Patuloy na nilalabag ng China ang eksklusibong karapatan ng Pilipinas sa ekonomiya ng WPS at nananatiling banta sa mga mangingisda. Ngunit hindi maaaring tingnan ang tensyon sa isang panig lamang. Ang patuloy na presensya ng mga barko ng China ay reaksyon sa lumalawak na panghihimasok ng imperyalistang US, partikular sa aspeto ng militar. Mula nang maluklok si Marcos Jr., lumobo mula lima tungong labing-pito ang mga base militar ng US sa bansa. Siyam dito ay opisyal na napagkasunduan sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Ginagamit ang mga base na ito upang ipwesto ang sandata at tropang Amerikano bilang bahagi ng estratehiyang Indo-Pasipiko ng US, na naglalayong pigilan ang paglakas ng China. Sa pinakahuling pagbisita ni dating US Defense Secretary Lloyd Austin III, isiniwalat ang pagtatatag ng Task Force Ayungin—isang inisyatiba ng US upang makialam sa estratehiya ng Pilipinas sa WPS sa balangkas ng General Security of Military Information. Sa ilalim ng GSOMIA, isinuko ng administrasyong Marcos Jr. ang seguridad at impormasyong militar ng bansa kapalit ng isang milyong dolyar na ayuda mula sa US. Noong Disyembre 2024, lumayag ang US Carrier Strike Group One patungo sa WPS sa ilalim ng tabing ng “freedom of navigation.” Pinangunahan ito ng USS Carl Vinson, isang pamalakaya.pil@gmail.com

2

aircraft carrier na may kakayahang magdala ng mga sandatang nukleyar. Bukod dito, nagpakalat din ang US ng mga unmanned surface vehicles o mga drone sa karagatan ng Palawan upang pagmatsagan ang mga aktibidad ng China. Bilang tugon, higit pang pinaigting ng China ang presensya nito sa ating teritoryo, kabilang ang pagpapadala ng kanilang “monster ship.” Sa bawat hakbang ng US, tiyak na may katapat na aksyon ang China. Ngunit ang imperyalistang US ang pangunahing nagpapalala sa tensyon sa rehiyon sa pamamagitan ng pang-uudyok ng gera. Ginagamit nito ang Pilipinas bilang entablado ng alitang geopolitikal sa ngalan ng imperyalistang ekpansyon nito. Malinaw na ang interbensyon ng US ay ang pinakamalaking hadlang sa mapayapang resolusyon ng sigalot sa karagatan. Kasuklam-suklam naman ang patuloy na pagsusunud-sunuran ni Marcos Jr. at ng AFP sa dikta ng US na gawing lunsaran ng digmaan ang ating bansa. Sa harap ng pang-uupat at probokasyon ng US at ang walang pasubaling pagkatuta ni Marcos Jr., dapat magkaisa ang mga mangingisda at ang buong sambayanan upang igiit ang diplomatikong paglutas sa sigalot sa WPS at upang tiyaking hindi tayo mahihila sa digmaan ng mga dambuhalang bansa. Sa halip na umasa at magpagamit sa imperyalistang US, dapat ipanawagan ang demilitarisasyon ng WPS at ganap na pagbuwag ng presensya militar ng US sa bansa upang lumikha ng kundisyon para sa tunay at makabuluhang negosasyong diplomatiko sa China. Kasabay nito, kailangang itaguyod ang isang tunay na nagsasariling patakarang panlabas na hindi nagtatali sa Pilipinas sa alinmang dayuhang kapangyarihan. AP

facebook.com/Pamalakaya

@pama_pil


Mga Mangingisda, Makakalikasan Naghain ng Petisyon Laban sa Reklamasyon

S

a kabila ng suspensyon ng administrasyong Marcos Jr. noong 2023, walang patid ang pananalasa ng reklamasyon sa Manila Bay. Mahigit 300,000 mangingisda ang patuloy na apektado ang kabuhayan, habang milyon-milyong residente ang lumulubog sa matinding pagbaha tuwing may bagyo—isang direktang epekto ng mga proyektong ito. Hindi lamang kabuhayan ang sinisira ng reklamasyon, winawasak din nito ang ekosistema sa dagat at isang malaking banta sa seguridad sa pagkain. Sa kabila ng malawakang pinsala, nananatiling inutil ang gobyerno sa pagpapatupad ng konkretong aksyon upang tuluyan itong ipatigil. Sa Rosario, Cavite, kung saan kinuha ang buhangin na ipinantambak sa New Manila International Airport (NMIA) sa Bulacan, nananatiling bagsak ang kita ng mga mangingisda—bumaba ito ng hanggang 90% sa kasagsagan ng dredging operations ng San Miguel Corporation at kumpanyang Royal Boskalis mula Netherlands. Hanggang ngayon, hindi pa nakakabangon ang pangisdaan sa lugar. Sa Bacoor City, Cavite, tuluyang sumama ang tubig at namatay ang maraming tahungan dahil sa 420-ektaryang proyekto ng Bacoor City LGU at Frabelle Fishing Corporation. Simula pa noong 2019, unti-unting bumagsak ang produksyon ng tahong at talaba, na dati’y bumubuhay sa maraming pamilya sa lungsod. Samantala, sa Navotas, mahigit 1,000 mangingisda ang nawalan ng kabuhayan matapos ang demolisyon ng higit anim na kilometrong tahungan upang bigyang-daan ang 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project ng Navotas LGU at SMC. Ang proyekto ay magsisilbing lagusan at service facility para NMIA. Mahigit isang taon na ang nakalipas mula nang simulan ang cumulative impact assessment ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), subalit hanggang ngayon wala pa itong nilalabas na anumang resulta. Tila

hinahayaan na lamang nitong lumipas ang panahon nang walang konkretong kapasyahan hinggil sa reklamasyon bagama’t malinaw naman ang malalang epekto nito sa kabuhayan at kalikasan. Ang tahimik at mabagal na tugon ng DENR ay katumbas ng pagkunsinti sa pagsira ng baybayin. Noong Disyembre 2024, naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang PAMALAKAYA-Pilipinas at Kalikasan People’s Network for the Environment para sa Writs of Kalikasan at Continuing Mandamus laban sa lahat ng reklamasyon at seabed quarrying sa Manila Bay. Nilalayon ng petisyong na ipahinto ang mga proyektong tahasang lumalabag sa batas at nagdudulot ng matinding pinsala sa kalikasan at kabuhayan ng daan-daang libong mangingisda. Ayon kay Ronnel Arambulo, Pangalawang Tagapangulo ng PAMALAKAYA, “Hindi sapat ang suspensyon. Dapat itigil nang tuluyan ang reklamasyon at papanagutin ang mga kumpanyang may sala. Napatunayan na ang mga epekto nito at matagal nang nagsasalita ang mga eksperto at higit sa lahat, ang mga mangingisdang pinakaapektado. Patuloy kaming lalaban hindi lamang para ipahinto ang reklamasyon kundi para sa katarungan at kumpensasyon para sa mga mangingisda na apektado ang kabuhayan.” Nanawagan din si Arambulo sa lahat ng mangingisda na magkaisa at patuloy na maglunsad ng mga protesta upang ipanawagan na maipahinto ang lahat ng mapaminsalang proyektong reklamasyon at kumbersyon sa buong bansa. AP

Save Laguna Lake Movement, Muling Inilunsad

N

oong Nobyembre 2024, muling inilunsad ng mga mangingisda sa ilalim ng PAMALAKAYA, kasama ang iba’t ibang tagapagtaguyod ng kalikasan, ang Save Laguna Lake Movement (SLLM). Layunin nitong ipagtanggol ang Laguna de Bay mula sa mga proyektong sumisira sa ekosistema at kabuhayan ng mga residente sa paligid ng lawa. Ang Laguna de Bay ay pangunahing pinagkukunan ng isda at agrikultural na produkto at nagsisilbing natural catch basin laban sa pagbaha sa Kalakhang Maynila. Sa kabila ng halaga nito, patuloy itong humaharap sa banta ng reklamasyon, pribatisasyon, at iba pang proyekto na sumisira sa likas-yaman at kabuhayan. Ayon kay Ronnel Arambulo, ikalawang tagapangulo ng PAMALAKAYA at lead convenor ng SLLM, muling inilunsad ang kilusan upang labanan ang mga proyektong maka-negosyo at mapanira. Isa sa pinakamalaking banta sa lawa ang 37-km Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) na nagdulot ng sapilitang pagpapalayas sa mga maralita at magsasaka ng kangkong sa Muntinlupa at Taguig. Tatagos ito mula Calamba, Laguna hanggang Lower Bicutan, Taguig City.

Nariyan din ang 2,000-ektaryang floating solar project na tuluyan nang ipinasakamay ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa pribadong sektor. Sasaklawin nito ang katimugan at silangang bahagi ng lawa, kabilang ang Calamba, Cabuyao, Santa Rosa, Bay, at Victoria, na makakaapekto sa mahigit 8,000 mangingisda at fish pen operators sa buong Laguna. Muling nanindigan ang mga mangingisda, magsasaka, maralita, kabataan, at siyentista na ipaglaban ang kanilang karapatan sa lawa at tutulan ang mga proyekto na pumapabor sa malalaking negosyo. Iginiit ng SLLM na ang tunay na rehabilitasyon ng lawa ay dapat nakasentro sa pangangalaga nito, mahigpit na regulasyon laban sa kumbersyon, pagbuwag sa monopolyo sa yamang-lawa, at pagtataguyod ng kabuhayan ng maliliit na mangingisda. Sa muling paglulunsad ng SLLM, ipinapakita ng iba’t ibang sektor ng lipunan ang kanilang matibay na paninindigan: ang Laguna de Bay ay para sa mamamayan, hindi para sa interes ng iilan. AP

3


Lider-Mangingisda, Tatakbong Senador sa Ilalim ng Koalisyong Makabayan

M

alugod at mainit na tinanggap ng publiko ang paglahok ni Ronnel Arambulo, kasalukuyang ikalawang tagapangulo ng PAMALAKAYA, sa pagkasenador para sa halalang 2025. Kabilang si Arambulo sa labing-isang kandidato ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (MAKABAYAN) sa naturang halalan. Opisyal na inanunsyo ni Arambulo ang kaniyang kandidatura noong Agosto 20, sa Navotas City, sa harap ng mga mangingisda, maralita sa baybayin, at mga tagasuporta mula sa iba’t-ibang sektor at organisasyong pambansa-demokratiko. Bitbit ang islogang “Mangingisda naman! Mangingisda ‘IsdaBest’ sa Senado!”, layuning iangat ni Arambulo ang antas ng pamumuhay ng sektor ng mangingisda sa pamamagitan ng mga makabuluhang reporma at programa sa pangisdaan. “Karapat-dapat lamang na magkaroon ng kinatawan sa pamahalaan ang sektor ng mangingisda na naitatalang pinakamahirap na sektor sa ating bansang arkipelago. Ang proteksyon ng mga pook-pangisdaan at baybayin mula sa mga mapanirang proyekto tulad ng reklamasyon at kumbersyon ang mga pangunahing programa na aking isusulong sa kandidatura. Sentro rin ng aking plataporma ang pagtataguyod ng mapayapang resolusyon sa tensyon sa West Philippine Sea, at proteksyon ng mga mangingisdang Pilipino mula sa pang-aapi ng anumang dayuhan,” saad ni Arambulo. “Ikinalulugod namin ang kandidatura ng kapwa naming mangingisda na si Ronnel Arambulo na tiyak na kakatawan

ISDATOS

sa aming demokratikong interes. Personal naming nakasama si Arambulo sa maraming aktibidad dito sa lalawigan ng Zambales na may layuning igiit ang mapayapang resolusyon sa sigalot sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng demilitarisasyon,” ani Joey Marabe, pamprubinsyang coordinator ng PAMALAKAYA sa Zambales. Suportado din ng mga progresibong makakalikasan ang kandidatura ni Arambulo dahil sa mahabang panahon ng paglaban nito sa mga mapanirang reklamasyon at kumbersyon, partikular sa Manila Bay at Lawa ng Laguna. “Tiwala kami sa mayamang karanasan ni Ka Ronnel bilang mangingisda na isusulong nito ang tunay na proteksyon ng kalikasan, partikular ang ating yamang-dagat. Sa gitna ng tumitinding krisis sa klima dulot ng imperyalistang pandarambong, nararapat lamang na magkaroon ng tunay na kampeon ng kalikasan sa Senado tulad ni Ka Ronnel,” saad naman ni Jonila Castro ng Kalikasan People’s Network for the Environment (KPNE). Kasama rin ni Arambulo sa Makabayan slate sina Danilo “Ka Daning” Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Eufemia “Ka Mimi” Doringo ng KADAMAY, Nurse Alyn Andamo ng Filipino Nurses United, Modesto “Ka Mody” Floranda ng PISTON, Amirah “Mek” Lidasan ng Sandugo, Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, Alliance of Concerned Teachers’ Party-list Representative France Castro, dating kinatawan ng Gabriela Women’s Party na si Liza Maza, at Teddy Casino ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). AP

38,000 metriko tonelada na imported na isda ang inaprubahan ng DA noong 2024

>300,000 mangingisda ang apektado ang kabuhayan dahil sa reklamasyon sa Manila Bay

28,822 naitalang kaso ng pagpasok at pangingisda ng commercial fishing vessels sa loob ng municipal waters noong 2023

Mula nang maluklok si Marcos, lumobo

mula 5 tungong 17 ang mga base

militar ng US sa bansa

90% ng municipal waters ay

ligal nang mapapasakamay ng mga kapitalista sa pangisdaan dahil sa desisyon ng korte suprema na pabor sa commercial fishers

30.6% naitalang insidente ng kahirapan sa hanay ng mga mangingisda noong 2021, ayon sa PSA

4


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook