6 minute read

Kabanata 9—Naligalig ang Suisa

Sa pamimili ng mga gagamitin upang baguhin ang iglesya, yaon ding banal na panukalang gaya ng nakita noong itatag ang iglesya ang siyang nakita. Hindi pinansin ng Gurong buhat sa langit ang mga dakilang tao sa lupa, ang mga matatalino, at mayayaman, na bihasa sa pagtanggap ng papuri at galang sa pagka mga pangulo ng bayan. Ang mga tanyag na Repormador ay mga lalaking buhat sa mababang uri ng kabuhayan mga taong kung sa dangal ay walang maipagpapalalo at mga taong ligtas sa kapangyarihan ng pagkapanatiko at lalang ng mga pari. Pinanukala ng Diyos na gumamit ng mga mapagpakumbabang tao sa paggawa ng mga dakilang bagay. Kung magkagayo’y ang kapurihan ay hindi mapapasa mga tao, kundi sa Kanya na gumagawa sa pamamagitan nila, upang gawin at sundin ang kanyang mabuting kalooban.

Makaraan ang ilang linggo pagkatapos maipanganak si Lutero sa isang kubo ng magmimina sa Sahonya, si Ulrico Zuinglio ay ipinanganak naman sa isang dampa ng pastol sa mga kabundukan ng Alpes. Ang mga nasa pinagkalakhan ni Zuinglio nang siya’y musmos pa at ang pagtuturo sa kanya nang siya’y maliit pa, ay siyang sa kanya’y naghanda sa kanyang tungkulin sa mga hinaharap na araw. Palibhasa’y lumaki sa kagandahan, kadakilaan, at karangalan ng kalikasan, ang kanyang pag-iisip sa pagkabata pa lamang ay natamnan na ng pagkakilala sa kadakilaan, sa kapangyarihan, at sa karangalan ng Diyos. Ang mga kasaysayan ng mga mabayaning gawa na nangyari sa mga bundok na kanyang nilakhan, ay nagpasigla sa kanyang mga mithiin sa kabataan. Napakinggan niya ang mahahalagang kasaysayan ng Biblia na nakuha ng kanyang lola sa mga aklat at sali’t salingsabi ng iglesya na sa kanya’y sinasabi. Pinakinggan niyang may malaking pananabik ang mga dakilang gawa ng mga patiarka, at mga propeta, ng mga pastol na nagbabantay ng kanilang mga kawan sa mga burol ng Palestina, na roo’y sinalita sa kanila ng mga anghel, ang tungkol sa pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem at pagkapako niya sa Kalbaryo.

Advertisement

Gaya ni Juan Lutero, ay ninasa ng ama ni Zuinglio na matuto ang kanyang anak, at ang bata ay maagang inilayo sa kanyang bayang tinubuan. Malakas ang pagkasulong ng kanyang isip, kaya’t hindi naglaon at inalaala nila kung saan kaya sila hahanap ng mga gurong may kayang magturo sa kanya. Sa gulang na labintatlong taon, siya ay napasa Berna na noo’y siyang kinaroroonan ng pinakamagaling na paaralan sa buong Suisa. Subali’t dito ay bumangon ang kapanganiban na nagbantang magpahamak sa mabuti niyang kapalaran. Mahigpit na sinikap ng mga prayle na akitin siya sa monasteryo.

Nakita ng mga Dominikano sa Berna na kung makukuha nila ang matalinong batang mag-aaral na ito, ay magtatamo sila ng yaman at karangalan. Ang kanyang kabataan, ang kanyang katutubong kakayahan sa pananalumpati at pagsulat, at ang kanyang katalinuhan sa musika at sa tula, ay magiging lalong mabisa kaysa kanilang gilas, at karangyaan sa pag-akit sa mga tao sa kanilang orden at sa pagpapalaki ng kanilang kinikita. Sa talaga ng Diyos ay tumanggap ang kanyang arna ng pahiwatig hinggil sa mga panukala ng mga prayle. Nakita niyang nanganganib ang mabuting kapalaran ng kanyang anak kaya pinagbilinan ito na umuwi agad.

Umuwi ang bata; datapuwa’t hindi siya masiyahang tumira ng matagal sa libis na kanyang tinubuan, kaya’t binalak niya kapagkarakang mag-aral na muli, at pagkaraan ng panahon siya’y nagpunta sa Basilea. Dito narinig ni Zuinglio ang walang-bayad na ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Si Wittemback, isang guro sa mga matatandang wika, samantalang nag-aaral ng Griego at Hebreo, ay naakay sa Banal na Kasulatan at sa gayo’y nagliwanag ang banal na tanglaw sa mga pag-iisip ng kanyang mga tinuturuan. Kanyang ipinahayag na may isang katotohanang lalong una at mahalagang di hamak kaysa paniniwalang itinuturo ng mga guro at mga pilosopo. Ang unang katotohanang ito ay walang iba kundi ang pagkamatay ni Kristo na siyang tanging tubos sa makasalanan. Kay Zuinglio ang mga pangungusap na ito ay tulad sa unang sinag ng liwanag bago magbukang liwayway.

Hindi nalaunan at tinawag si Zuinglio mula sa Basilea, upang pasimulan ang kanyang gawain sa buong buhay. Ang unang dako na kanyang gagawan ay isang kapilya sa Alpes na hindi malayo sa kanyang tinubuan. Pagkatapos na maordenahan siya sa pagkapari ay “itinalaga niya ang buo niyang kaluluwa sa pagsasaliksik ng banal na katotohanan; sapagka’t alam na alam niya,” ang sabi ng isa niyang kapanahong repormador, “na lubhang malaki ang dapat maalaman ng pinagkakatiwalaan ni Kristo ng kanyang kawan.” Habang sinasaliksik niya ang mga Banal na Kasulatan ay lalo namang lumiliwanag sa kanya ang pagkakaiba ng mga katotohanan nito at ng mga erehiya ng Roma. Isinuko niya ang kanyang sarili sa mga Banal na Kasulatan, na siyang salita ng Diyos, tanging sapat at hindi nagkakamaling patakaran. Nakita niyang ang Kasulatan ang dapat inaging tagapagpaliwanag ng Kasulatan. Hindi niya pinangahasang ipaliwanag ang Kasulatan upang patunayan ang isang dating paniniwala o aral, kundi ginawa niyang kanyang tungkulin ang pagaralan kung ano ang tiyak at malinaw na itinuturo nito. Pinagsikapan niyang masamantala ang lahat na sa kanya’y makatutulong upang magkaroon ng isang ganap at matuwid na pagkaunawa ng kahulugan nito, at hiningi niya sa Diyos ang tulong ng Banal na Espiritu, na sinabi niyang siyang maghahayag ng kahulugan, sa lahat ng hahanap na may katapatan at panalangin.

“Ang mga Banal na Kasulatan,” ani Zuinglio, “ay mula sa Diyos, hindi sa tao, at ang Diyos ding iyan na nagbibigay liwanag ang siyang sa iyo’y magpapaaninaw ng pangungusap na iyan na mula sa Diyos. Ang salita ng Diyos . . . ay hindi maaaring mabigo; ito’y nagliliwanag, itinuturo nito ang kanyang sarili, inihahayag ang kanyang sarili, tinatanglawan ang kaluluwa, na dala ang buong kaligtasan at biyaya, inaaliw ang kaluluwa tungkol sa Diyos, at itinuturo ang kapakumbabaan, na anupa’t tinatanggihan nito tuloy ang kanyang sarili at kumakapit sa Diyos.” Ang katotohanan ng mga pangungusap na ito ay nasubok ni Zuinglio na rin. Nang kanyang salaysayin ang kanyang karanasan nang panahong ito, ay ganito ang isinulat niya pagkatapos: “Nang . . . italaga kong lubos ang aking sarili sa mga Banal na Kasulatan, ang pilosopiya at ang teolohiya (eskolastika) ay laging nagmumungkahi sa akin ng pagtutol. Sa wakas ay ganito ang aking naisip. ‘Nararapat mong itakwil ang lahat ng kasinungalingang iyan at pag-aralan mo ang ibig sabihin sa iyo ng Diyos sa Kanyang salitang madaling unawain.’ Nang magkagayo’y pinasimulan kong humingi sa Diyos ng Kanyang liwanag at ang Banal na Kasulatan ay naunawa kong madaling-madali.”

Ang aral na itinuro ni Zuinglio ay hindi niya natutuhan kay Lutero. Yao’y aral ni Kristo. “Kung si Kristo ang ipinangangaral ni Lutero,” ang sabi ng Repormador na Suizong ito, “ay ginagawa niya ang ginagawa ko. Ang mga nailapit niya kay Kristo ay marami kaysa nailapit ko. Nguni’t walang anuman iyan sa akin. Hindi ako tatanggap ng ibang pangalan kundi ang kay Kristo, na ako’y Kanyang kawal, at Siya lamang ang aking Pinuno. Ni isa mang salita ay hindi ako sumulat kay Lutero, ni si Lutero man sa akin. At bakit? . . . Upang maipakilala ang lubos na pagkakaisa ng gawa ng Espiritu ng Diyos, yamang kapuwa kami nagtuturo ng aral ni Kristo na may malaking kaisahan, na walang anumang pagkakasalungatan.”

Nang taong 1516 ay inanyayahan si Zuinglio na maging mangangaral sa kombento ng Einsiedeln. Dito lalong mahahayag sa kanya ang mga kasamaan ng Roma, at magkakaroon siya ng impluensya sa pagkarepormador na aabot sa malayong pook hanggang sa kabila ng Alpes na kanyang tinubuan. Isa sa mga panghalina ng Einsiedeln ay ang larawan ng Birhen na sinasabing may kapangyarihang gumawa ng mga kababalaghan. Sa itaas ng pinto ng kombento ay may ganitong titik: “Dito matatamo ang ganap na kapatawaran ng mga kasalanan.” Ang mga manglalakbay ay nagsisipunta sa lahat ng panahon sa dambanang ito ng Birhen, nguni’t dinadayo ito ng mga taong nanggagaling sa lahat ng sulok ng Suisa at maging sa Pransya at Alemanya sa malaking taunang pista ng pagtatalaga rito. Ito ay ikinabaklang mainam ni Zuinglio, kaya’t sinamantala niya ang pagkakataong ito upang ipahayag sa mga naaliping yaon ng pamahiin ang kalayaang ibinibigay ng ebanghelyo.

At kanyang sinabi: “Huwag ninyong akalaing ang Diyos ay nasa templong ito na higit sa ibang bahagi ng kanyang nilalang. Ano man ang bayang inyong tinitirahan, ang Diyos ay malapit sa inyo, at dinirinig kayo . . . . Ang mga walang kabuluhang gawa, ang malalayong paglalakbay, ang mga paghahandog, ang mga larawan, ang pananalangin sa Birhen o sa mga santo ay makapagdudulot baga sa inyo ng biyaya ng Diyos? . . . Ano ang magagawa ng maraming salitang bumubuo sa ating mga panalangin? Ano ang bisa ng magandang kaputsa ng prayle, ng makinis na ahit ng ulo, ng mahaba at malaylay na abito o ng tsinelas na nabuburdahan ng ginto?. . . . Ang Diyos ay tumitingin sa puso, at ang ating mga puso ay

This article is from: