
1 minute read
Pagpalit Laban sa Mabagsik na Init
Habang tumitindi ang init ng panahon, nagpasiklab naman ito ng isyung may kaugnayan sa pagpapatuloy ng mga klase sa mga paaralan. Batay sa World Health Organization (WHO) at artikulong “Excessive heat and student learning,” ang mataas na heat index ay may malalang epekto sa kalusugan at pagkatuto ng mga mag-aaral. Kaya nararapat lamang na magkaroon solusyon upang maiwasan ang panganib ng matinding init.
Ang matibay na iminumungkahi sa pamahalaan ang pagpapalit ng school calendar nang sa gayon ay maiwasan ang pagpasok ng mga mag-aaral sa paaralan sa kasagsagan ng napakainit na panahon. Katulad na lamang ng ipinaglalaban ng
Advertisement
Alliance of Concerned Teachers (ACT) na pagkakaroon lamang ng 185 na araw sa kalendaryong pampaaralan upang dahandahang maibalik ang simula ng klase sa Hunyo. Dati, wala nang klase sa panahon ng tag-init, nagsisismula ang klase ng Hunyo at natatapos ng Marso. Ngunit nabago ito dahil sa pandemya.
Tiyak na may kaakibat na mga hamon ang pagpapalit ng school calendar tulad na lamang ng maiksing bakasyon o pahinga ng mga mag-aaral at guro, salungatan sa iskedyul ng mga aktibidad at gawain sa paaralan, at pagkabigla ng mga mag-aaral at mga guro sa pagbabago. Sa lahat naman ng desisyon ay may pagpalag sa iba’t ibang sektor. Ang mga hamong ito ay kaya namang harapin at lampasan ng lahat. Sa paglipas ng panahon, maiaakma rin ng mga tao ang pagbabago. Napakahalagang isipin na ang isyung ito ay hindi lamang para sa kaginhawaan ng mga mag-aaral kung hindi para na rin sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro at iba pang gumaganap ng tungkulin sa loob ng paaralan. Ang matinding init ay makapagdudulot ng problemang pangkalusugan tulad ng heat stroke, dehydration, heat exhaustion, at maudyukan ang karamdaman ng tao, mula sa WHO.
Hindi lahat ng paaralan ay may kakayahan o may kumpletong kagamitan upang maagapan ang pagkakasakit ng mga magaaral. Hindi rin sapat ang mga pasalidad ng mga paaralan tulad ng klinika at pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa silid-aralan. Minsan di’y nagsasabay-sabay ang pagkakasakit ng mga magaaral dahil sa init at kaunti lamang ang may kaalaman sa pag-agap o pagtulong sa mga maysakit. Makakaapekto rin ito sa akademikong pagganap ng mga estudyante dahil mahihirapan silang magpokus at matuto. Sa kabuuan, ang pagpapalit ng school calendar ay nangangailangan ng malalim na pagsusuri at angkop na desisyon upang maiwasan ang di mabuting epekto ng kasagsagan ng napakainit na panahon. Malaki ang kapakinabangan nito upang mabawasan ang mga panganib sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang gumaganap ng tungkulin sa paaralan. Subalit nararapat muna itong planuhin at araling mabuti ng pamahalaan. Dapat ding isaalang-alang at timbangin ang mga mabuti at di mabuting epekto sa lahat.