
2 minute read
Tamang Taong Dumating sa Maling Panahon
Kamusta ka? Ilang taon na ang lumipas noong huli kong nahagilap ang iyong mga mata. Sa tinagal ng panahon, aaminin kong nahirapan akong sumulat ng liham na ito—parang naninibago’t nahihiya ako kaya pagpasensyahan mo na kasi hindi ko lubusang maipahayag ang tunay kong nararamdaman.
Hindi ko alam kung ano na ba ngayon ang paningin mo sa akin—siguro galit ka o ayaw mo nang madawit muli sa kalumbayang aking nilikha—pero gusto ko itong ilahad sa iyo para na rin maayos o mabigyang linaw ang aking mga emosyon.
Advertisement
Unang una sa lahat, gusto kong humingi ng tawad kasi naging duwag ako. Ano naman kasi ang laban ko sa panahon? Kahit ako nga ang kapitan ng aking buhay na malayang gumawa ng anumang desisyon, may mga bagay talaga na tinatanggihan ng tadhana at sa kasamaang palad, ay ikaw iyon.
Gusto kong malaman mo na hanggang ngayon, ikaw pa rin ang imaheng naikintal sa aking isipan. Minsan, ikaw ang nagiging sanhi ng mga luhang pumapatak sa aking unan at kadalasan, ang pawang ngiti mo ang paulit-ulit na bumabagabag sa akin na tila musikang hindi ko kayang huminto sa pagkanta.
Dumating ka sa buhay ko noong sirang-sira ako at ikaw ang naging pandikit sa mga pira-pirasong basag mula sa aking sarili. ‘Di kalaunan, mula sa mga naging usapan, lubos na tayong nahulog sa isa’t isa at sinubukan naman natin iyon—sumugal tayo’t nagbaka-sakaling magiging malalim ang ating relasyon pero dahil nga maling panahon, nabigo lang tayo at parang mas nawasak lang ako.
Naglaan tayo ng oras para hanapin ang ating mga sarili pero sa gitna ng paghahanap na iyon, alam kong nawalan din tayo ng gana. Tila nanaig na ang sakit at lungkot na hindi na natin kayang ibuo’t ibalik ang ating masayang nakaraan. Napagpasiyahan nating maging magkaibigan na lamang pero sa gabi’y tila tayo’y magkaulayaw sa sari-sarili nating panaginip.
52 51
Alam kong masaya ka na at iyon lang din naman ang gusto ko. Tandaan mo lamang na sinusuportahan kita sa iyong mga mithiin at narito lang ako hanggang matuyo man ang mga dagat na dati nating nilalanguyan.
Ikaw ang tamang tao para sa akin pero dumating ka lamang sa maling panahon. Kahit ano pa ang laban ko roon, alam kong talo rin naman ako. Subalit, baka sa susunod nating pagkikita, handa na akong sumugal ulit at kapag tama na lahat—ikaw na ang pipiliin.