sulat at guhit ni: Beap Pineda
Para kay Gelo; hinding hindi magsasawa pakinggan ang iyong mga kwento.
Noong una kong nakilala si Kevin, napansin ko na parang may kakaiba sa kanya.
Tahamik lang, ngunit minsan ay kinakausap ang sarili.
Kapag kinakausap ko naman siya,
madalas ay hindi sumasagot.
Kung sumagot man,
hindi ako tinitignan.
Maraming ayaw! Ayaw sa ketchup, sa maiingay, sa bahay ng lola ko!
Palaging may sariling mundo.
Sabi nila, hayaan na lang daw siya. Sabi nila, hindi kasi siya normal. Sabi nila, kawawa naman siya.
Subalit isang araw, nilapitan ko si Kevin. Kinausap ko siya. Tinanong ko kung ano ang ginagawa niya.
At sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla siyang nagkwento!
Nagkwento at nagkwento hanggang sa wala akong maintindihan!
Kung anong nangyayari sa China,
Kung ilan ang mga kalye sa Germany.
Hindi ako makapagsalita. Siguro dahil hindi ko kayang intindihin ang lahat ng sinasabi niya. Siguro dahil manghang mangha ako sa kanya.
Mangha dahil ang sinasabi nilang hindi normal ay nagkukwento sa akin, sa harapan ko ngayon.
Mangha dahil ang sinasabi nilang kawawa ay kabisado ang iba't-ibang kalye at distrito ng malalayong lugar.
Mangha dahil ang lahat ng akala nila, pinatunayan ni Kevin na mali.
Kakaiba si Kevin, oo.
Pero walang mali sa kanya.