3 minute read

SINAG 2020

Project PERFORM: Namahagi ng laptop sa mga iskolar

ni Karl Onayan

Advertisement

Sa pamamagitan ng kanilang proyekto, Provision of Equipment to Reinforce Facility of Online and Remote Modality of learning (Project P.E.R.F.O.R.M), ang Metrobank Foundation, Inc. (MBFI) at GT Foundation, Inc. (GTFI) ay namahagi ng limang laptop sa mga iskolar nito noong ika-27 ng Oktubre. Ginanap sa Pamantasan ng Ateneo de Zamboanga, hinahangad ng programang ito na suportahan ang mga piling iskolar ng MBFI at GTFI sa kanilang kurso sa pamamagitan ng pamimigay ng pang-edukasyong kagamitan.

Sa presensya ng presidente ng institusyon, Fr. Karel S. San Juan SJ., kasabay ng kinatawan ng MBFI na si Lilie Niez, ipinagkaloob sa mga benepisyaryo o sa kanilang kinatawan ang mga laptop. Ang mga piling iskolar na nakatanggap ng mga donasyong ito ay sina Dither Atayde, Sophia Therese Del Castillo, Karl Onayan, Erika Jenn Quisil, and Aurea Lara Ragdi.

Ang proyektong ito ay isang pambansang programa ng MBFI at GTFI na nakatuon sa pagtutulong sa mga iskolar nito sa kanilang pag-aaral sa gitna ng kasalukuyang pandemya.

_____________________________________________

Project Connect: Walang Iwanan

ni Shariful Mansul

Sa gitna ng new normal, nagsagawa ang Ateneo de Zamboanga University (AdZU) ng proyekto upang makapagbigay ng tulong sa mga mag-aaral na kapos sa kagamitan para sa online class na tinawag na “Project Connect: Tech Assistance for Ateneo Students”. Layunin nitong isiguro na walang maiiwang mag-aaral sa takbo ng AdZU RIGHT Learning, at patotohanan na ang kalidad ng edukasyong Heswita ay hindi magmamaliw kahit pa sa gitna ng pandemya. Nagbukas ang aplikasyon para sa lahat ng nangangailangang mag-aaral ng Ateneo noong ika-31 ng Agosto at nagsara ng ika-5 ng Setyembre. Pagsapit ng ika-7 ng Setyembre, nag-umpisa nang ihatid ang tulong sa mga piling iskolar sa kani-kanilang tahanan. Ayon sa isang video message mula sa Facebook page ng Project Connect, bukas pa rin sila sa anumang donasyon tulad ng bago o lumang gadyet tulad ng smartphone, tablet, laptop, at ibang kagamitan tulad ng flash drive at Wi-Fi modem. Tumatanggap din sila ng tulong salapi na maaaring ipadala sa Bank of Philippine Islands (BPI) o GCASH. Ipinaliwanag ni Fr. Karel San Juan, SJ, ang kasalukuyang pangulo ng Ateneo de Zamboanga, na mahalaga ang mga Ignatian values tulad ng animo, magis, at cura personalis sa isang siglong tagal nang edukasyong Heswita. At upang makamit ito, hinimok ni Fr. Karel ang mga alumni, benefactors, at mga kaibigan ng Ateneo na maglaan ng tulong para sa mga mag-aaral na kapos sa kagamitan sa gitna ng isang krisis pangkalusugan. *Ang coordinator ng Project Connect ay si Ms. Sitti Fatima T. Chua, at maaari siyang tawagan sa numerong 0915-853-6091 o i-email sa chuasitt@adzu.edu.ph para sa karagdagang katanungan.

__________________________________________________________

Safe Hermosa Festival 2020

ni Renzo C. Tan

Pagsapit ng ika-12 ng Oktubre, ang lungsod ng Zamboang ay taun-taon ipinagdidiriwang ang “Zamboanga La Hermosa,” o mas kilala sa mga Zamboangueño bilang “Fiesta Pilar.” Ito ay ang pagbibigay-pugay sa milagrosang imahen ng Nuestra Señora La Virgen del Pilar na matatagpuan sa Fort Pilar - ang nagsisilbing lugar bilang simbolo ng pagkakaisa ng mga mamamayan. Sa kabila ng pandemyang hinaharap, hindi ito naging sanhi upang kanselahin ang pistang inaabangan ng lahat. Ang tema ng pista ngayong taon ay “Safe Hermosa 2020.” Nagsisimula ang pagdiriwang mula Oktubre 1 at nagtatapos sa Oktubre 12. Hindi mawawala ang iba’t ibang mga patimpalak na nadadaos tuwing pista. Karamihan sa mga paligsahan ngayong taon ay magaganap, katulad ng ating pag-aaral at iba pang mga agenda, sa paraang online lamang. Tulad na lamang ng “Mascota Competition” at “Tiktok Challenge.” Mayroon ring paligsahang pang potograpo na tinatawag na “Zamboanga Hermosa Photography Competition 2020.” Hindi rin mawawala ang siyam na araw na nobena na inaalay para sa milagrosang imahen. Ayon kay Beng Climaco, ang alkalde ng Zamboanga, hinimok niya pa rin ang mamamayan ng lungsod na manatiling maingat at sumunod sa mga inilahad na patakaran. Dala ng pagkalat ng kilalang COVID-19, mahigpit ang seguridad sa lugar. Sa pagpatuloy ng nobena, mahigpit na ipinagbabawal ang mga menor-de-edad at ang mga nakakatanda na pumasok. Ayon din sa pamantayang pamaraan, ikinakailangan din ng mga taong papasok na sumuot ng face mask, face shield, kasama na rin ang pagdala ng ipinataw na quarantine pass at balido na ID. Dahil sa mahigpit na seguridad upang maiwasan ang impeksyon, ang nakasanayang Street Dancing Showdown, ay hindi matutuloy ngayong taon. Marami man ang mga pagsasaayos at pagbabago dahil sa sitwasyong pandemya, hindi ito hadlang upang ipagdiwang ang anwal na pista. Higit sa lahat, ang tunay na layunin ng pagdiriwang ay ang pagpuri ng buong puso sa La Virgen del Pilar, sa paraan ng pagkakaisa bilang mga mamamayan ng Zamboanga.

This article is from: