MondoManila

Page 40

40 Itong si Mutya, kahit minsan, hindi ko nakasundo. Ewan ko ba, magmula nang magkita kami, noong bagong lipat lang kami sa looban, galit na kaagad ako sa kanya, at ganoon din naman siya sa akin. Anak siya ni Mang Mario na tulad ng karamihan sa mga tatay sa looban, walang permanenteng trabaho. Paekstra-ekstra rito, paekstra-ekstra doon. Minsa‟y kargador, minsa‟y katulong ng karpintero, at minsan nama‟y tagatawag ng mga pasaherong sasakay sa mga nakapilang dyip sa paradahan. Si Mutya ang panganay na anak ni Mang Mario. Malamang, namana niya sa ama niya ang kagandahan ng tabas ng mukha. Ang totoo, guwapo si Mutya. Di hamak na magandang lalake siya kumpara sa ibang binata sa looban na karamiha‟y basta na lang nagkaroon ng mukha, na para bang basta na lang ginawa ng Diyos na wala nang pagsasaalang-alang pa sa sining. Noong bagong lipat kami sa looban, nang tanggalan kami ng bubong doon sa dati naming inuupahang bahay, pagkatapos maghakot ng mga gamit, umistambay ako sandali sa tindahan sa tapat ng bago naming uupahang bahay. Bumili ako ng sigarilyo at hindi pa man malay na manamnam ko ang usok sa bibig ko, may kumausap sa akin. Ang totoo, hindi kausap dahil paaskad ang tono ng pananalita. “Bago lang kayo rito.” sabi ni Mutya, “maligayang pagdating sa impiyerno! Ako nga pala si Lucifer. Hahaha!” Sampung taong gulang pa lang ako noon pero hindi ko na mabilang kung ilang beses kaming nagpalipat-lipat ng tirahan. Madalas kasi kaming mapalayas dahil hindi kami kaagad nakakabayad ng upa. At sa dalas ng paglipat-lipat, ng


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.