4 minute read

Nasaan ang Kabataang Agustino?

Artwork:Geremy Gallenero

Advertisement

Habang sa mga karatig paaralan ay mainit ang takbo ng eleksyon sa pagitan ng mga estudyanteng kumakandidato, kasing lamig naman ng yelo ang takbo ng halalan sa Unibersidad ng San Agustin. Sa loob ng limang taon, iisang partido pa rin ang naglalakas loob na tumakbo sa USA Student Government.

Taong 2016 nang huling magkaroon ng oposisyon sa halalan ng USA Student Council(USASC) o kung tawagin ngayon ay USA Student Government(USASG). Subalit, mula 2017

hanggang 2021, isang partido na lamang ang nakalista sa balota. Ito ay ang Partido Aguila(2017, 2018, at 2019), at ang bagong tatag na Partido Makabayang Agustino (2020 at 2021).

Para sa isang unibersidad na kinikilala bilang isa sa mga “top-performing schools” sa bansa, nakakahinayang na ang mga mag-aaral nito ay walang ipinapamalas na interes at damdaming maglingkod sa kanilang gobyerno. Iilan lamang ang tumanggap ng hamon na magsilbing boses ng kapwa nila estudyante.

Noong 2019, naging matunog ang reporma sa gobyerno nang ipinanukala ang bagong konstitusyon ng student government. Isa sa adhikain nito ay masolusyonan ang kawalang-interes ng mga Agustino na tumakbo sa gobyerno. Mula sa nakasanayang sistema ng plurality voting upang matukoy ang nagwagi ay pinalitan ito ng ticket voting.

Isinasaad sa artikulo V, seksyon 2 ng Constitution and By laws ng USASC, “The election of the officers of the USASC shall be done by annual popular voting.” Ibig sabihin, ang kandidato na makakakuha ng pinakamataas na boto ay panalo. Kahit na hindi umabot ng 2/3 ng boto ng kabuuang populasyon ng mga mag-aaral ang matanggap ng isang kandidato ay mailuluklok pa rin ito sa puwesto. Dahil dito, kahit na napakababa ng porsyento ng boto na nakuha sa mga nakaraang eleksyon ay itinuturing pa ring may bisa ang resulta.

Sa kabilang banda, ayon sa artikulo VI, seksyon 3 ng bagong konstitusyon, “The University Student Government will be composed of the President, Vice President Internal, Vice President External, Executive Secretary, Deputy Executive Secretary to be ticket elected at large by the national body, and Senators, to be elected locally by their respective College Student Governments to represent their College to the University Student Government.” Sa ganitong pagkakataon, kapag nanalo ang presidente, lahat ng kaniyang executive members ay panalo rin.

Sa kasamaang palad, hindi naging mabisa ang naturang probisyon para sa hinahangad na pagbabago. Tatlong eleksyon na ang nagdaan mula ng ipinatupad ang ticket voting, subalit iisang partido pa rin ang tumatakbo.

Bukod sa kawalan ng oposisyon, isa pang mikrobyo na kumakalat ay ang pagsasawalang-bahala ng mga estudyante tuwing eleksyon. Napakababa ng bahagdan ng boto ang nakukuha ng mga kandidato.

Noong 2017 kung kailan nagsimula ang pagkalusaw ng kompetisyon, tanging 2, 587 o 37% ng kabubuang populasyon ng botante ang nakuha nang nooy tumtakbo sa pagkapangulo na si Erika May Draper. Nang sumunod na taon, tuluyan na itong bumaba nang 1, 895 lamang na boto ang natamo ni Joseph Martin Daza. Noong 2019 naman, nakakuha lamang si Ortiz ng 2,435 boto.

Sa pagsapit ng 2020, napalitan ang Partido Aguila ng Partidong Makabayang Agustino na noo’y pinamunuan ni Adelmar Javier. Subalit, ganoon parin ang sitwasyon sa eleksyon. Wala paring oposisyon at kakaunti lang ang bumoboto. Mula sa populasyon. Tanging 1, 427 o 23.82% lamang ang bomoto kay Javier. Naging balakid sa eleksyong ito ang pagputok ng balita tungkol sa COVID 19. Dahil sa banta ng virus, marami ang hindi nakapunta sa mga voting precint. Gayundin sa June 2021 election, tanging 3,779 o 57.22% lamang ang bomoto kay President-elect Divine Marie Villaluna. Ito ang kaunaunahang eleksyon ng USASG na ginanap online.

Kung ihahalintulad sa ibang mga unibersidad katulad na lamang ng Unibersidad ng Santo Tomas ay napakalayo ang estado ng eleksyon nito sa student government kumpara sa ating unibersidad. Doon, hindi matatawaran ang kagustuhan ng mga estudyante na maglingkod sa kanilang kapwa mag-aaral. Ito rin ang sitwasyon sa ating mga karatigpaaralan partikular na sa Central Philippine University, kung saan mainit ang banggaan sa pagitan ng dalawang partido nito tuwing eleksyon.

Tuluyan na bang nawala ang tiwala at suporta ng mga mag-aaral sa kanilang gobyerno o sadyang walang pakialam at nagsasawalang-kibo lang talaga ang mga ito?

Katwiran ng mga estudyante, kahit hindi sila bomoto ay mabubuo pa rin ang gobyerno, sapagkat wala namang kalaban ang mga kandidato nito.Ang ganitong pag-iisip ay hindi malayo sa komun na kaisipan ng mga Pilipino tuwing panahon ng halalan, kung saan nagdadalawang -isip silang lumahok sa botohan sa paniniwalang kahit magiba pa ang manunungkulan ay wala namang magbabago sa estado ng bansa. Ang ganitong baluktot na mentalidad, kapag nagpatuloy, ay magbibigay daan sa ganap na pagkawasak ng integridad at pusong nasyonalismo ng isang botante.

Malinaw na ang kawalan ng partisipasyon ng mga mag-aaral sa usaping ito ay hindi dahil sa kung ano mang konstitusyon o istruktura mayroon ang student government kundi dahil sa pagiging “apathetic” mismo ng mga ito.

Nakakahiyang isipin na nakatira tayo sa Pilipinas, isang demokratikong bansa na nagkaloob sa mga mamamayan nito ng kalayaang pumili, subalit mismo sa ating kolehiyo ay ipinagsawalang-bahala natin ang pribilehiyong ito. Paano pa tayo magkakaroon ng isang mahusay na pinuno kung ngayon pa lamang ay duwag na ang mga kabataan sa pamamahala?