Issuu on Google+

“LAPTOP” Patricia Marcella A. Evite

May bago akong Apple laptop, padala ni Nanay. Pinag-ipunan daw niya ito mula sa isang taong sweldo. Nakakahiya mang sabihin - isang dakilang domestic helper ang Nanay sa Hong Kong. Mabuti naman para makabawi siya sa pag-iwan sa akin. Kailan ba siya huling tumawag para kumustahin ako? Kaya tama lang punan niya ang araw na wala siya para maging ina sa akin, sa mga materyal na bagay tulad nitong laptop. Salamat, hindi ko na kailangan magrenta sa internet shop para i-update ang status ko sa Facebook. Kakasign-up ko lang sa Twitter. Sya nga pala, sikreto lang ‘to ha? Chatmates na rin pala kami ni Mark. Walang araw na ‘di kami nagkakausap ni Mark sa chatroom. Buti pa siya nakakausap ko, eh ang Nanay? -ni tawag sa telepono-wala. Sabagay, wala akong balak kausapin siya. Tama nang nagpapadala siya ng pera. Naku, heto na naman si Nanay, kay tanda tanda na gusto pang gumawa ng sariling account sa Facebook at ina-add pa ako sa friend’s list. Confirm? Not now? NOT NOW. Ano na lang sasabihin ng mga kaibigan ko ‘pag nakita ang profile picture ni Nanay? Siguradong litrato ng kasamang DH’s na kumakain sa HongKong ang makikita mo. Hmmmp. Dapat kasi magtrabaho na lang siya nang maayos sa HongKong para naman mas madaming pera ang maipadala niya kaysa magsawa sa kaaantay kung i-confirm ko siya sa Facebook ko. May gagawin pa pala ako sa Physics. Puro term papers kaso susulitin ko pa ang internet connection na bayad ng Nanay. Makikipagchat pa rin ako. Bukas na lang ako magaaral. Mas importante, magamit ko nang sulit ang bagong laptop na ito. Maglalaro pa pala ako ng Tetris at madami pa rin akong ido-download at papanoorin sa Youtube. Naiinis lang ako, pati ba naman balita tungkol sa OFW’s at gobyerno kailangan pang ilagay sa Facebook? May diaryo namang nabibili. Bakit pilit pinag-aaksayahan ng panahon ang pag-uupload nito? Mag-aala una na pala ng madaling araw. Hindi pa naman ako inaantok. Patay, may exam pa! Bahala na bukas. “Hi! Tisha. I hope you are okay.” “Mark, oo naman. Alam mo naman ako walang tulugan sa pagchat. LOL. Bakit hindi ka pa tulog?”


Page 2

“I’m sorry about what happened.” “Ha? Anong sinasabi nito?” Disconnected na naman si Mark. mahirap talaga pag lumang PC ang gamit. Hahaha. Buti na lang naka-Apple laptop ako.

“AILING MOTHER USED FACEBOOK TO SEND HER LAST WORD TO DAUGHTER” A Pinay Domestic helper suffering from throat cancer was found dead in West, Hong Kong. Ailing AMELIA MADLANG-AWA chose to continue working to support her daughter in manila. Her remains are yet to be transported to Manila, as no telephone information can be obtained from her. It turns out; AMELIA MADLANG-AWA had been contacting her only daughter in Manila through Facebook but to no avail. When she was found dead infront of an old computer, Facebook hompage was still on.” Tila kabuteng nagsulputan ang mga katagang iyon sa chatbox at sa FB wall ko. “Tisha, condolence.” I read it in FB.” ‘Magpakatatag ka. “RIP.” FRIEND REQUEST AMELIA MADLANG-AWA CONFIRM. Tumambad sa akin ang profile picture ng Nanay kasama ang mga DH’s na nagkakatuwaan sa plaza sa Hong kong.

MESSAGES: Dear Tisha, Kumusta, anak? Nakakatuwa pala itong Facebook. Nagpaturo pa ako sa kasama ko. Natanggap mo ba ang Apple laptop? Advance gift ko ‘yan sa hayskul graduation mo. Sigurado, maganda ka sa profile picture mo sa Facebook sa laptop na iyan. Alam ko, nagtatampo ka kung bakit ako umalis. Ikaw ang laman ng isip ko, simula nang iwan tayo ng tatay mo. Gabi-gabi, sa nakabibinging katahimikan, umiiyak ako sa Diyos. Parusa


Page 3

sa akin na habang nagagawa kong alagaan ang anak ng aking amo na hindi ko naman kadugo, ako mismo, wala sa tabi mo para yakapin ka. Alam ng Diyos kung gaano kasakit ito para sa akin. Patawad anak kung hindi ako nakakatawag. Masakit ang lalamunan ng Nanay. Sore throat lang siguro ito. Magpapagaling lang ang Nanay at tatawagan na kita. Kaya nga gumawa ako ng Facebook para kung hindi man kita matawagan, at least, masulatan kita dito. Mas mabilis daw dito kaysa sa koreo. Pwede din daw tayo mag chat dito. Sinubukan ko pero hindi ko makita ang pangalan mo. Hindi bale, siguro abala ka sa pag-aaral at madalang ka ring gumamit ng Facebook. Wala akong mapapamana sa’yo kung hindi ang igapang ka sa pag-aaral mo. Mahal na mahal kita anak. Tandaan mo, nandito lang ang Nanay kahit anumg mangyari O siya, baka maiyak pa ang Nanay. Sana mabasa mo ang sulat na ito sa Facebook. Sigurado yan, kasi maganda na ang laptop mo ngayon. Ako, nagtitiyaga pa rin sa lumang computer dito. Uuwi na rin ang Nanay. Sana maantay mo pa ako.

Nagmamahal, Nanay

P.S. Ipinadala ko na rin pala ang bayad sa internet connection mo.


“LAPTOP”Patricia Marcella A. Evite