Page 1

Si Gelo at ang mga Malulungkot na Kabute ni Rosalynn Da Silva Georpe

Page 1: Ang Batang Makulit Mahilig maglaro si Gelo. Mas gusto niya ang taguan, tumbang preso, bisikleta, bunong-braso at PSP kaysa ang kumain. “Baka ka mauntog!,” laging sigaw ng kanyang ina tuwing magtatago siya sa ilalim ng mesa. Sa sobrang giliw ni Gelo sa paglalaro, hindi niya pinapansin ang masasarap na pagkaing hain ng kanyang Nanay Ligaya. “Ayoko na po,” sabad ni Jhelo sabay tulak sa kanyang pinggan at balik sa kanyang barilbarilan. Kahit pa alam ni Gelo na nalulungkot ang kanyang nanay, hind siya nakikinig sa kanya. “Anak, mabuti sa katawan ang kumain ng marami. Lagi ka na lang nagtitira,” pangaral ni Ligaya. “E, ayoko na po talaga e. Mas masarap ang maglaro! Beng-beng-beng!” Ganun lagi ang ugali nitong si Gelo. Araw-araw ay nagtitira siya ng pagkain, lalo na ng kanin. Nang mamatay ang asong si Bantay, wala nang kumakain sa mga tira niya. Kumakain nga siya pero kailangang pritong manok o hotdogs ang ulam. Ayaw niya ng gulay at prutas, lalo na ng kanin. Di raw kasi ‘yun sing-tamis ng tsokolate. Page 2: Ang Nasayang na Kanin Isang gabi, may pasalubong si Tatay Elmer para kay Gelo. “Wow! Robot! May malaking robot na po ako!,” sabay halik sa pisngi ng kanyang Tatay. Ngumiti lang ang kanyang Nanay habang naghahain. Hindi na naman sumabay sa hapunan ang batang makulit. Gusto niyang agad malaman kung ano ang kayang gawin ng robot niya. “Nagsasalita ang robot Nanay!” “Aba mahusay! O sige, iwan mo muna ‘yan at kumain ka na.” “Teka lang po. Tingnan n’yo, ‘pag pinidot ko ito – maglalakad siya ng malayo! Ang galing!”


“Naglalakad nga ano? O halika na, at hindi naman tatakbo ‘yang robot mo,” sagot ng Nanay Ligaya niya habang hawak nito ang kanyang kamay patungo sa hapag-kainan. Ngunit ang malikot na si Gelo ay bumalikwas. Kinuha niyang muli ang robot at tinitigang maigi ang mga tainga nito. “Hintay!” Lumapit siya sa mesa. “Heto po! May missiles siya!... Tsuuww!” Lumipad ang missiles at napunta sa kanyang pinggan. “Aaay! Ano ka ba naming bata ka?! Sayang na naman itong pagkain!”, galit na pagsaway ni Nanay Ligaya. “Hayaan mo na ang bata Ligaya, hindi naman niya sinasadya,” sabat ni Tatay Elmer. “Naku! Kaya tumitigas ang ulo niyang anak mo e, lagi mong kinakampihan.” “Huwag na tayong magtalo. Pareho tayong pagod. Bukas na natin pagsabihan ang bata,” mariing sabi ni Tatay Elmer. Ngingisi-ngisi si Gelo sa kanyang Nanay na masama ang loob sa kaligtasan ng kanyang ulo. Pumasok sa silid sa Tatay Elmer. “Ah, Nanay... Inaantok na po ako!” “Hindi ka na naman kakain? Hindi pwede. Kakain ka kung hindi, papaluin na kita!,” sigaw ni Nanay Ligaya. Di pa man dumadampi ang tsinelas ng ina sa kanyang puwit ay umiyak nang malakas si Gelo. Mula sa silid ay narinig siya ni Tatay Elmer kaya’t inalo siya nito. “Halika na anak, maligo ka na at nang makapagpahinga na tayong pare-pareho.” Tahimik na lumuha si Nanay Ligaya habang nililigpit niya ang plato ni Gelo. Tinanggal niya ang missile at saka hinugasan. Itinapon niya ang kanin sa basurahan sa labas ng kanilang bahay. Page 3: Ang Mga Lumuluhang Kabute Lingid sa kaalaman ng mag-anak, nag-unahan sa paglabas ng basurahan ang mga butil ng kaning hindi kinain ni Gelo. Bagamat pare-pareho ang kanilang mga kulay at mukha, iba’t-ba ang kanilang tindig. May inaantok. May mukhang matapang. Ngunit lahat sila ay may mga espada! Naglakbay ang mga ito papunta sa bundok. Sa liit ng mg butil ay inumaga na sila sa kanilang prusisyon. Ramdam ng bawat puno, bulaklak, at halaman ang kanilang pagod at lungkot. Kulimlim ang langit. Maya-maya pa ay kumulog at kumidlat at bumuhos ng malakas ang ulan! Nagpulasan sa pila ang mga butil ng kanin. Pinilit ng lahat na sumilong sa mga halaman pero wala silang kawala. Unti-unting naging ugat ang kanilang mga paa, tumaba ang kanilang mga katawan at tinubuan ng mga ga-payong na ulo! Pumangit ang mapuputi nilang balat: naging kulubot at kulay abo at kalawang. Sila ay mga kabute na ngayon! “Waaaah!,” iyak ng mga kabute. Sila ay dumarami tuwing kumikidlat.


“Hindi tayo dapat narito kung hindi sa batang matigas ang ulo!,” galit na sabi ng kalawang na kabute. “Ayoko ng malungkot na buhay. Kung walang bubunot sa atin ay narito na lamang tayo at walang silbi! Hu hu hu! ,” sagot ng isa sa mga kulay abong kabute. “Kung tayo’y mga butil pa rin ng kanin, sana’y nasa tiyan na tayo ng bata at tinutunaw ng kanyang sikmura.” “At pinalalakas ang kanyang katawan!,” sabat ng isa. “Sobra na ang katigasan ng ulo ng batang ‘yon. Kailangan siyang parusahan,” sigaw ng kalawang na kabute. Page 4: Ang Kwento ni Nanay Tuwing bago matulog si Gelo ay kinukwentuhan siya ni Nanay Ligaya mula sa Bibliya. “Nilikha ng Diyos ang lahat ng magagandang bagay. Siya ang may gawa ng langit at lupa, ng buwan at mga bituin, ng araw at ng ulan, ng dagat at gubat. Siya rin ang may gawa ng mga puno at halaman, ng mga hayup at ang pinaka-espesyal sa lahat – ang tao. Tayo ay ginawa Niya para alagaan ang lahat ng kaniyang nilikha. Para tayo ay mabuhay, binigyan Niya tayo ng tubig, hangin at pagkain.” “Pero si Tatay ang nagbibigay ng pera para sa pagkain natin Nanay, ‘di po ba?,” tanong ni Gelo. “Tama, pero ang malakas na katawan ni Tatay ay galing sa mga masustansiyang pagkain na galing din sa Diyos. At dahil malakas siya, kaya niyang magtrabaho. At dahil sa trabaho niya, may pera tayong pambili ng pagkain. At ano ang tamang pagkain na dapat nating bilhin?” “Hotdogs, tsaka tsokolate at kendi!,” pangising sagot ni Gelo matapos ang isang mahabang hikab. “Ikaw talaga! Gulay, prutas,isda at kanin! ‘Yun ang masustansyang pagkain... Ayon sa mga kwento, kapag ‘di natin kinain ang kanin, nagtatampo ang mga ito. Umaakyat sila sa bundok at kapag umiyak ang langit, ay nagiging mga kabute sila!” “Ano ‘yung kabute?”, tanong ni Gelo bago niya ipikit ang kanyang mga mata.

Pages 5-6: Ang Ganti ng mga Butil Kinagat ng lamok si Gelo kaya siya nagising. Ngunit pagmulat niya ay nagulat siya! ‘Di niya alam kung sino-sino ang mga nagbubuhat sa kanya. Maraming alitaptap ang sumusunod. Maingay ang mga palaka, kulisap at lamok. Gusto niyang bumangon ngunit hindi niya magawa. Nakatali yata ang mga bisig niya. Gusto niyang sumigaw ngunit wala siyang boses. Sa wakas, may liwanag galing sa buwan, pero lalo


siyang natakot dahil parang mga halimaw ang anino ng maraming puno. Hindi ito ang kanilang bakuran. Nasaan siya? Maya-maya pa ay nagtipon ang mga alitaptap sa kanyang kanan. Inilawan nila ang isang sulo. Ibinaba siya sa lupa. Sa tabi ng sulo ay naroon si Nanay Ligaya! Ngunit nakatali siya sa isang malaking puno. “Pakawalan niyo ako!,” iyak ni Nanay Ligaya. Mukhang hindi siya nakikita ng nanay niya. Malakas na halakhakan ang narinig sa buong paligid. Tatakbo na sana si Gelo sa kanyang Nanay ngunit ‘di siya makatayo... Pati mga binti niya ay nakatali , at may kung anong tumutusok sa kanya. Doon niya lang nakita na may mga katiting na espada ang mga butil ng kanin na nagbuhat sa kanya! Lumipad ang mga alitaptap malapit kay Ligaya. Sa malayo ay parang nagliyab siya. Iyon pala ay sinunog nila ang mga lubid kaya siya ay nakawala... Lumipad pababa ang mga alitaptap. Nakita ng magina kung kanino galing ang mga tinig. Nakalinya ang mga sundalo ng kanin na nasa harap nila. Naroon rin sa kanilang paanan ang mga kabuteng kulay abo at kalawang – ang mga luha nila’y di pa rin natutuyo. Kinusot ni Ligaya ang kanyang mga mata upang makasiguro sa kanyang nakikita. “Aanong ginagawa ko rito?!” Ngumiti ang lahat ng mga butil. “Malulungkot ang lahat ng mga kabuteng ito. Gusto naming silang tulungan kaya dinala ka namin rito,” sagot ng isang butil na pinakatuwid ang tindig. “Sila ang mga butil ng kaning itinapon mo noong isang linggo. Lahat ng kaning itinatapon mo ay dito nagtutungo. Gusto nilang magpatuyo sa init ng araw at maging pagkain ng mga ibon. Ngunit naabutan sila ng malakas na ulan, kaya’t sa halip na may pakinabang ay naging mga kabute sila.” Napalunok si Ligaya sa kanyang narinig. Sa tinig ng mga butil ay alam niyang sinisisi siya ng mga ito. “P-paano ko kayo matutulungan?,” malasakit niya. “Bunutin mo sila at iluto. Kailangang makain sila ng kahit sinong nilalang. Doon lamang sila sasaya,” galit na sagot ng isa. Dali-daling ginawa ni Nanay Ligaya ang nais ng mga butil ng kanin. Masayang-masaya ang mga kabute, ngunit nang aalis na siya, hinarang siya ng mga butil. “Hep-hep! Hindi ka pa maaaring umalis!,” banta ng matandang butil. “B-bakit?”, pagtataka ni Ligaya. “Kailangang hintayin mo ang ulan at ang aming pagiging kabute upang kami rin ay maluto at makain,” sagot nito. “Pero tiyak na naghihintay na ang anak ko. Gabi na at gutom na ‘yon!”


“Hindi naman niya kinakain ang mga inihahanda mo! Hayaan mo siyang magutom para magtanda.” “Paano kung bukas o sa isang araw pa umulan? Matatagalan ang pagbabalik ko! Hindi makakatulog mag-isa si Gelo!” “E ‘di yakapin niya ang mga laruan niya! Basta’t hindi ka pa maaaring umalis.” Mabilis na tinutukan ng mga maliliit na espada ng mg butil si Gelo. Nang magliwanag nang husto ang buwan, saka nakita ni Nanay Ligaya ang anak. “Gelo!,” tumakbo si Ligaya ngunit umihip ng malakas ang hangin at ang grupo ng mga butil ng kanin ay umangat. Naghugis tao ito at naging kasing-taas niya! Sasakmalin na sana ng Taong Kanin si Nanay Ligaya ng biglang umiyak si Gelo. Doon lang bumalik ang kanyang tinig. “Huwaaaag!,” sigaw ni Gelo. Tumigil ang Taong Kanin. “Ako po ang parusahan niyo dahil ako ang nagsayang ng pagkain, hindi ang nanay ko!” “May katuwiran ka bata,” sagot ng Taong Kanin. Hawak ang kanyang espada, tinutukan niya si Nanay Ligaya. “Lutuin mo na ngayon din ang mga kabuteng ‘yan. ’Yan ang kakainin mo habang hinihintay mo ang pagbabalik namin ni Gelo.” “Sa’n mo siya dadalhin?”, iyak ni Nanay Ligaya. “Sa mga batang walang makain.” Parang malakas na tunog ng kumukulong sinaing ang tawa ng Taong Kanin. “Huwag kang susunod.” Pinutol ng espada ng Taong Kanin ang tali sa mga paa ni Gelo. “Lakad, bilisan mo!” Sumunod si Gelo. Walang nagawa si Nanay Ligaya ‘pagkat humarang ang lahat ng alitaptap at palaka sa daraanan niya. Hinabol niya ng tingin ang anak ngunit madali siyang naglaho sa dilim kasama ang Taong Kanin. Page 7 : Ang Kakaibang Prusisyon Naglakad si Gelo sa dilim. Hindi lamang lamok ang nakiprusisyon sa kanya kung hindi mga palaka at kulisap. Sa sobrang takot ay napaihi siya sa kanyang salawal. Nagtawanan ang mga palaka at kulisap. “Ha ha ha! Wala ring banyo sa pupuntahan natin! Kokak-kokak!,” sabay-sabay na sigaw ng mga palaka. Sa tuwing matatalunan nila ang mga paa ng paslit ay napapa-“Nanay ko po!” siya. Huminto ang prusisyon. Sa dulo ng gubat ay may ilog. Sa liwanag ng buwan lalong kumikinang sa kaputian ang Taong Kanin. May bangkang naghihintay sa kanila. “Sakay!,” utos ng Taong Kanin kay Gelo at dali-dali naman siyang sumunod. Sinagwan ng mga palaka ang bangka.


Page 8: Silang mga Walang Makain Kakaiba ang ilog na ito, hindi maingay ngunit malakas ang pag-agos. Habang tumatagal ay nagiging itim ang tubig at bumabaho ang paligid. Maya-maya pa ay nawala ang mga halaman at puno. Ang ilog ay naging maruming sapa. Puno ng basura ang paligid. Ang gilid ng sapa ay may kaunting liwanag mga dilaw na ilaw sa mga barung-barong. Kahit nakagapos, pinilit ni Gelo na takpan ang kanyang ilong. May biglang bumato sa kanya. Isang batang lalaking gusgusin at patpatin. “Hoy! Akin na ‘yang kaldero sa likod mo!” Nang lumingon si Gelo ay wala na ang Taong Kanin ngunit mayroon ngang malaking kaldero sa bangka. Tuloy sa sagwan ang mga palaka hanggang sa narating nila ang barung-barong ng bata. “Kalagan mo ‘ko para maiabot ko sa ‘yo ang kaldero,” utos ni Gelo. Bumaba sa hagdan ng barung-barong ang bata. Kinalagan niya agad si Gelo. Agad inabot ni Gelo ang mabigat na kaldero. Mainit-init pa ito. Binuksan ng bata ang takip. Tuwang-tuwa siya. “May kanin naaaaa!,” sigaw nito. Naglabasan ang iba pang mga bata sa mga barung-barong. Nag-uunahan silang tumakbo papunta sa batang may kaldero. “Salamat! ‘Buti at hindi ka maramot!,” salita ng bata kay Gelo. Saka lamang niya napansin na siya at ang bata ay magkamukhang-magkamukha. At ang lahat ng iba pang bata, maliliit at mapapayat, ay kamukha niya. Nagtutulakan sila upang maunang makakuha ng pagkain. Ang ilan ay may mangkok na may-asin. Sa pag-uunahan ay natabig at natapon rin ang mga ito. Kaliwa’t kanang mura at sisihan ang narinig niya sa mga kamukha niya. Sa pagsisiksikan ay naitulak nila ang batang may hawak ng kaldero. Nabitawan niya ang kaldero. Lumublob ito sa sapa ngunit mabilis itong iniahon ng batang bumato kay Gelo. Nabasa na ng tubig sapa ang kanin, pero hinintay pa rin ng lahat ng mga bata ang kanilang pagkain. “Marumi na ‘yan! Huwag niyo nang kainin,” saway ni Gelo. Masama ang tingin sa kanya ng lahat. “Ilang araw na kaming walang kinakain kaya ayos lang. Ibinigay mo na ito hindi ba? Hayaan mo na lang kami!,” sigaw nila.

Page 9 : Ang Hatol ng mga Kabute Nailuto ni Nanay Ligaya ang mga kabute. Kahit pa inihaw niya na ang mga ito, bakas pa rin ang ngiti sa kanilang mga labi. Bumalik sa bundok sina Gelo at ang mga palaka. Agad nagyakap ang mag-ina. “’Buti at ligtas ka!,” naluluha sa tuwang sambit ni Ligaya. “Kumain ka na anak. Siguradong gutom ka.” Agad sinunod ni Gelo ang nanay niya. Sa loob ng kanyang tiyan ay nagbubunyi ang mga kabute. Inubos nila ang inihaw. Pumapalakpak ang mga alitaptap. Nagsayawan ang mga puno at halaman.


Nagsaboy ng halimuyak ang mga bulakalak at nagsigawan ang mga palaka. At ang hatol ng mga kabute? Palayain si Gelo mula sa masamang panaginip at palakasin ang kaniyang katawan. Page 10: Ang Pagbabago ng Ating Bida “Gelo?!” Pagmulat ni Gelo ay naroon sa kanyang tabi ang kanyang ina. Akala niya ay totoo na. Niyakap niya nang mahigpit ang kanyang Nanay. “Nananaginip ka. Tahan na anak. Umiiyak ka kanina,” hinaplos ni Nanay Ligaya ang kanyang mukha. Kinabukasan, hindi pa rin mawaglit sa isipan ni Gelo ang kayang masamang panaginip. Tinititigan niya ang mga butil ng kanin. “Wala namang mga mukha ito e,” bulong niya sa sarili. “Ano kamo?”, tanong ng kanyang Nanay. “Sabi ko po, kakain na ako ng marami. Pahingi pa po ‘pag naubos ko na ito, ha!” masayang sambit ni Gelo sabay subo ng kanin at isda. “Ang sarap po talaga ng luto ninyo Nanay! Salamat po.” Nagtataka si Nanay Ligaya dahil maganang-maganang kumain ngayon ang kanyang anak at nagpasalamat pa. “Hay, salamat! Gumana na ang vitamins na iniinom niya,” sabi niya sa sarili. Page 11: Ang Pagmamatiyag Sa ‘di kalayuan ay nagmamatiyag ang mga butil ng palay. Talagang nagbago na nga si Gelo. Humihinto siya sa paglalaro kapag oras na ng pananghalian at hapunan. Araw-araw ay kumakain siya ng gulay, prutas, isda at kanin. Wala nang natatapon na kanin kaya’t ang Taong Kanin ay hindi na magpapakita pang muli sa kanya. Ikaw? Nagsasayang ka ba ng pagkain? Kung gayun, tandaan mo, nagmamatiyag ang langit!

Page 12: DAGDAG KAISIPAN Ang Mga Kabute Ang mga kabute ay mahalagang bahagi ng kalikasan. Bagamat hindi lahat sila ay maaaaring kainin, pinagyayaman nila ang ating lupa at kultura. Iba’t-ibang paraan ang paglago ng mga kabute sa ating paligid. Maaari silang tumubo dala ng hangin. Ang iba naman ay nagmumula sa dumi ng baka o kabayo. Ang ilan naman ay sinadyang itanim, palaguin at ipagbili upang makain. Ang mga nasayang na pagkain na naiwan ng matagal sa lupang basa


ay maaari ding pagmulan ng pagtubo ng mga kabute. Isang uri ng fungi ang mga kabute. Sa lupa, pinipira-piraso nila ang mga sustansyang kailangan ng mga halaman at puno kaya naman ang mga ito ay lumalago. Wala silang mga mayayabong na berdeng dahon tulad ng mga halaman ngunit mabilis silang dumami at lumaki kapag kumukulog at kumikidlat. Noong May 31, 2011, ay naibalitang mayroong kakaiba sa isang malaking kabute. Ang sukat nito ay 15 pulgada. Tumubo ito sa isang punong mangga sa bakuran ng isang pamilya sa Laog, Ilocos Norte. Ayon kay Adalyn Marcos, ang maybahay, nakita niyang umuusok, lumalaki at nag-iibay ng kulay ang dambuhalang kabuteng ito. Nabahala sila at ang kanilang mga kapit-bahay. Ang paliwanag? Ayon sa Department of Agriculture, ang mga kabute ay talagang lumalaki kapag kumikidlat at kumukulog. Ang enerhiya ng pagpapalit ng temperatura ang nagbubunga ng pagdami at paglaki nito. Ang usok naman ay maaaring dahil sa napakaraming spores o binhi na inilalabas ng kabute. Noon pa man ay may mga nakakatuwang paniniwala ang mga batang Pilipino tungkol sa mga kabute. Ang kabute raw ay ang tirahan ng mga duwende. Ito ang madalas na panakot ng mga matatanda sa mga batang gustong lumabas ng bahay kahit gabi na. Sa Mountain Province naman, pinagsasabihan ng mga matatanda ang mga batang ayaw ubusin ang kanilang kanin. Magtatampo raw ang mga ito, aakyat sa bundok, mababasa ng ulan at magiging mga kabute! References: 1. http://news.nationalgeographic.com/news/2010/04/100409-lightning-mushrooms-japan-harvest/ 2. http://www.gmanews.tv/largevideo/latest/80852/24oras-kabute-sa-laoag-ilocos-norte-nagbubuga-raw-ng-usok 3. http://webcache.googleusercontent.com/search?q=cache:doZd9KjKB8J:www.pcarrd.dost.gov.ph/consortia/harrdecweb/Publications/mushroomcd/world/myths%2520and %2520facts.htm+myths+on+mushrooms+philippines&cd=1&hl=tl&ct=clnk&gl=ph

Page 13-14: ORAS NG PAMILYA Sa ating kuwento, ang asal nang pagpapahalaga sa pagkain ay natutunan ni Gelo sa isang panaginip. Ngunit makikita rin nating ang kanyang nanay at ang Bibliya ang kanyang gabay. Mahalaga ang sabaysabay na pagkain ng pamilya. Dito nabubuo ang magandang samahan. Ang pagbabasa ng Bibliya ay nararapat na gawin. Ito ang nagpapaalala ng mga biyaya ng Diyos sa ating lahat sa araw-araw. Ang mga gawain rito ay masayang gawin upang gabayan ang mga bata ukol sa aral ng akda: Magsaing sa Camping! Kapag may camping, magdala kaldero para sa pagsasaing ng bigas. Ipakita sa kanila ang mga gagamitin: kaldero, bigas, dahon ng tanglad, tubig at apoy. Pabunutin sila ng mga panutong nakadikit sa dahon ng saging. Ang mga bata ang magbabasa ng panuto at ang magulang ang susunod sa mga ito: 1. Ihanda ang katamtamang apoy. 2. Sa kaldero, maglagay ng 1 tasa ng bigas. 3. Hugasan ang bigas. 4. Maglagay ng 1 他 tasa ng tubig. (Dagdagan ayon sa bilang ng kakain. Ang 1 tasa ng bigas kapag naluto ay magbibigay ng 3 tasang kanin.)


5. Takpan ang kaldero at ilagay ito sa apoy. 6. Bahagyang hinaan ang apoy kapag ang sinaing ay kumukulo na. 7. Maghintay ng kulang-kulang 45 minuto saka ilagay ang tanglad at takpan. 8. Alisin ang kaldero mula sa apoy. 9. Hayaang mag-in-in pa ang kanin ng 10 minuto. 10. Ihain ang mainit na kanin kasama ang paborito ninyong ulam sa platong may dahon ng saging. Ay, Kabute! Ituro ang kahalagahan ng pakikinig at pagsunod sa nakatatanda sa pamamagitan ng larong ito. Kagamitan: 30 pcs paper cups orasan pentel pen panyo Panuto: 1. Gamit ang pentel pen, pangalanan ang mga paper cups: 5 kabute, 15 palaka, 10 alitaptap. 2. Bumuo ng pares sa pamilya. Mas mainam na ang isa sa bawat pares ay may nakatatanda. (Halimbawa: Nanay at Bunso, Tatay at Ate, Kuya at Ikalawa sa bunso). 3. Ilatag ang lahat ng paper cups sa sahig. Kailangang hiwa-hiwalay ang mga paper cups, tama lang na may malakaran ang maglalaro. 4. Magtalaga ng start at finish lines para sa mga pares. 5. Sa bawat pares, ang mas matanda ang coach. Ang mas bata ang player. Maaari silang bigyan ng 1 minuto para pag-usapan ang kanilang plano upang magwagi. Ang mga katagang ito lamang ang maaari nilang sabihin: lakad, maliit na hakbang sa kanan / kaliwa, malaking hakbang sa kanan / kaliwa, hinto, “Ay, Kabute!” 6. Kapag napiringan na ang player, ihanda ang relo. Kailangang pulutin niya ang 5 paper cups na ‘kabute’. Kailangang sumigaw ng ‘Ay, kabute!’ ang coach tuwing nais niyang ipapulot ang paper cup na ‘kabute’ malapit sa player. Hindi niya maaaring sabihin kung nasa kanan, kaliwa o harap niya ang kabute. 7. Ang ibang papercups na matatabig o matatapakan niya ay bibilangin at susumahin. Ito ang tinatawag na error points. Ang pares na may pinaka-kaunting error points at natapos sa pinakamabilis na oras ay siyang panalo. Masarap na premyo: Produktong kanin tulad ng puto, bibingka o biko! Talakayin Mula sa Laro: 1. Ano ang pinakamahirap gawin sa laro? Bakit? 2. Ano ang pinakamadaling gawin? 3. Paano magtatagumpay ang pamilya sa isang bagay? 4. Mahirap bang humanap ng pagkain? 5. Ano ang dapat nating gawin sa pagkaing ating pinaghihirapan?


Pages 15-16: Bible Time Worksheet Basahin ang salita mula sa Bibliya. Pag-usapan ang kahulugan nito gamit ang mga tanong sa ibaba. Hayaan ang bata na gawin ang worksheet. Psalm 136: 1, 25 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. Siya'y nagbibigay ng pagkain sa lahat ng tao: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. A. Tahimik na Laro 1. Maraming iba’t-ibang uri ng lutong kanin sa Pilipinas. Lahat ng ito ay dapat na ipagpasalamat. Ilan ang makikita mo sa Word Hunt na ito?


2. Iguhit ang paborito mong pagkain sa loob ng unang bilog. Iguhit ang mga taong hindi kayang kumain ng ganung pagkain sa ikalawang bilog. Lahat ba ng tao ay kayang bumili ng pagkaing mayroon ka?

B. Talakayan Bago Matulog 1. Sino ang nagbibigay ng pagkain sa lahat ng tao? 2. Bakit tayo kailangang magpasalamat sa Diyos? 3. Panalangin. Punan ng iyong sariling salita ang mga puwang:

Mahal kong Diyos, Masaya ako na natutunan ko ang tungkol sa iyong mga biyaya. Maraming salamat po sa aking mga paboritong pagkain,__________________________________. Alam Niyo pong may mga pagkaing hindi ko gusto, tulad ng ________________________________. Turuan Mo akong matutunan kong kainin ang mga ito, para sa _____________________________. Higit sa lahat, maraming salamat sa pagbibigay mo sa akin ng mga magulang. Sila ay _________________________________________________________. Pinagdarasal ko po lahat ng mga batang walang makain. Sana ay _______________________________________. Hiling ko ito sa matamis na pangalan ng aking Tagapagligtas na si Hesus, Amen. ________________ (Iyong Pangalan)


Si Gelo at ang mga Malulungkot na Kabute  

It's a story about a kid who wastes food all the time. A revenge of the rice grains-turned mushrooms would cause him to change for the bette...

Read more
Read more
Similar to
Popular now
Just for you