Page 1

HATING - LIWANAG Mga Tula Paolo Tiausas


HATING - LIWANAG Paolo Tiausas


Hating-Liwanag Š 2012 ni Paolo Tiausas Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang bahagi ng aklat na ito ang maaaring magamit o mailathala muli nang walang ­pahintulot mula sa may karapatang-ari maliban na lamang kung para sa panunuring pampanitikan. Inilathala sa Quezon City Bahagi ang aklat na ito ng Chapbook Series hango sa Tesis ng mga mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat sa Fine Arts Program ng ­Pamantasang Ateneo de Manila. Disenyo ng pabalat ni Lex Balaguer Disenyo ng aklat ni Jose Fernando Go-Oco


kay Madoka Kaname


NILALAMAN I Prologo Alamat Tuwing May Salita Lagalag Sa Lungsod na Ito Panata sa Sarili Babala sa Dilim Pagbabalik Overpass Bukas, Isang Dilim Etimolohiya

3 4 5 6 7 8 9 10 11 12

II Para Kay X Liwanag Ang Dalang Bigat ng Mga Bato Paghihintay Wari Teorya Eksena ng Apoy Wakas Proxy Paglimot Sa Pagitan Nating Dalawa Nais Kong Maging

19 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30


Liwanag ka, ang sabi mo; sa yo naman ang tugon ko, dilim ako  — Alejandro G. Abadilla, “Liwanag Ka”


I


PROLOGO Binuksan ko ang sisidlan ng aking wika at mekanismong naghanda ang bunganga — ang pagbuo ng pagitan sa labi mula labi at ngipin mula ngipin, ang unang pagbali ng dila mula sa napakatagal nang pagkahimbing handang isamo sa diyos ang hinihiling — ilog at kalkuladong pagbubungkos ng tunog ilalatag ang kay tagal nang binubuong lungsod at sa kisapmatang sandali ng wagas na pagbuo ito ba iyong tungkol sa X, sinabi na sa akin iyon. Dumarating ang pagkakataong kulang ang mundo kung ipapataw ang istruktura ng pagsundo at paghatid sa kinikitil nating mga salita. Pilit pinagkakasunduan ang mga babala. Ngunit minsan may umaangkin sa pagsambit at naiiwan tayong mekanismong nauumid naghahanap ng bagong kahulugang pilit babawi sa mga kinupit nating pag-ibig.

3


ALAMAT TUWING MAY SALITA Halimaw ang boses ng madla. Daan-daang dila bumabaluktot sa bawat salita, sabay-sabay nilalasap ang wikang tugon sa kani-kanilang alaala. Ngunit naluluma rin ang salita. Naglalatak sa arkitektura. Sa pagwasak nang doble sa daan-daang taingang pinagana bilang makinang kaliwa-kanan-kanan-kaliwa lagi na lamang may nabubuo at naiiwan sa katawang nahahanggan. Naiipon ang bigat sapagkat di kailanman ganap ang magpakawala. Dito, kung saan pagkukubli ang namamayani, sa mga bahaging hindi matalos ng daliri, hungkag na instrumento ng tunog ang bibig. Anomalya: naglalaho ba ang aking salita. Tugon: hindi ko alam; hindi ko malalaman pa. Sa gitna ng wika ay may pusong nagpapalahaw, nakikiusap, nanghahamak, at may sinasabi ako at doon, doon na nagwala ang halimaw. Sa gitna ng madla may kinikimkim akong lihim. Nangatal ang hangin, mabigat ang tugon kong dilim.

4


LAGALAG Sisimulan ko na ang takdang pagpaloob sa ako na nagbabaga sa sariling balat, dala-dala ang isang lungsod ng dilim. Nagtatagisan ang aking mga panahon at nagkakalikaw-likaw ang mga pising sumulsi sa panganib nitong arkitektura, wala nang ako na tunay ang pangalan. Kahit ang pagtingin nagiging huwaran na larangan ng katotohanan. Pakinggan ang pintig ng sarili ko na lahat — alingawngaw lamang ang nakaraang pilit nilalapatan ng bagong nakaraan tanging mga gusali ang nakaaalala sa aking pangalan. Mga huling sandigan sa proseso nitong paglikha ng lungsod. May makinaryang pilit na nagtataguyod ng mga salitang patunay ng pagkalagot. At maiiwan ako sa proyekto ng pagguho.

5


SA LUNGSOD NA ITO Sa lungsod na ito nawawasak ang lahat sa bugtong ng paghawak, isang uri ng pamamagitan ang takot. Wala namang nagtatagpo, alam ko, hinahayaang dumaloy ang mga latak sa estero, nakatanghod ang mga ulap, naiguguhit ko muli ang isang eksena: nagsusulputan ang mga gusali’t bangin habang nilalagusan ng libo-libong makina ang kalsadang dalawa ang pangalan. Usok lamang ang kumakapit tila alaala, alam ko, inihihinga ko sa mundo, kaya lubhang mapanganib ang ganito. Kailangan pa ring matutong bumagal ng lahat, angkinin ang marupok na pag-iral sa salita, bigkasin ang hindi kailanman magtatagpo na saka pa lamang mabubuo.

6


PANATA SA SARILI Nabubuhay tayo sa ngayon, bagaman tinatangay ng nakaraan. Mga kawad ng kuryenteng magkakamukha subalit hindi kailan­ man nagkakatulad. Matutupok bang muli ang liwanag sa pagsapit nitong takipsilim? Panata: iniluwal tayo ng kasaysayan. Iniluwal tayo ng kalikasan. Sa tema ng pagpapaubaya, kaninong alaala ba ang ating binabalikan, lalo na sa panahong wala pa tayong alaala? Hindi na natin ito panahon subalit kay bigat. May bakas ng pagdurusang hindi kailanman nakita ng ating mata, kung mata nga itong ­maituturing. Itakda natin ang ating pagkakalugar sa X — saan man mapiling tumama ng bagyo. Tayo ang pagkatapos ng pagkatapos. Gagawa tayo ng lipunan kung saan walang kumukupas. Tayo ang bago: ang natatakdang epilogo.

7


BABALA SA DILIM Matutupok siya sa bungang poot ng pagkahandang muling malimot na tulad lamang nitong alabok, saglit nakita kagyat nalagot.

8


PAGBABALIK Mailap ngayong gabi ang buwan mula sa bagong ruta ko pauwi mapangahas sa aking mata ang mga mukhang ito ng dilim: halimbawa, tumubo ang isang bulkan sa pisngi ng nagtatagong buwan. Ang kagila-gilalas na hindi inalayan ng tingin, hayan, naglalantad pa rin. Nagpapatuloy ang maraming bagay sa kani-kanilang inangking pag-iisa, pinag-iisa ko man sa pikit nang tanawin. Kuyumin ko man ang dakilang bato sa nag-aapuhap kong pang-unawa, umuuwi ang lahat sa pagbitiw. Maaaring may bulkan ang buwan. Maaaring ako iyon, ang manlilikha: wala namang malilikhang alaala. Kaya nagpapasya akong umuwi, lagi na lamang nasa bingit ng pagpapatiwakal sa langit na higit pang mahapdi. 9


OVERPASS Nagsisilbing silong ang sementong highway sa itaas nitong overpass na iyong kinatatayuan. Ngayong tanghali nagaganap ang bagong disenyo. Lumikha ka ng puwang sa pagitan ng dalawang daan, lunan na napaliligiran ng rehas, poste, semento at bakal na dagat para sa iyo na nakatapak, para sa iyo na tatawid patungo sa kabilang dako nitong larawan. A, kung pipikit ka lamang — maaaring painugin ang mundo sa alinmang gitna sa larawan, maaaring pumili ng lulusungang gitna at doon ka manahan. Hindi ka mawawala sapagkat nasusukat mo ang bawat hugis, nakakaltas ang mga espasyo mula sa espasyo at kung pipikit ka lamang, hindi ka mawawala kahit mapanlinlang ang imahen. Imahen siya na nakikita mo, ang kanyang kawalang-mukha, siya na kanina pa nakaluhod, nakalahad ang mga palad, kanina pa nakatunghay sa iyo kahit wala namang mata. Sa bisa ng disenyo, banayad kang hinihila at dinadala patungo sa kanyang kahali-halinang patlang. Isang tingin at nalulusaw ang kaligirang nilikha, nagsasanib sa isang disenyong nakaambang gumuho sa isa pang disenyong nakaambang gumuho. 10


BUKAS, ISANG DILIM Walang makakaalalang pag-iisa’t pagwawala. Walang makakaalalang bugso ng pag-iisa — pasintabi: bukas, mamamatay ang lahat. Ito ang pasan-pasang buhay. Umuuwi lamang ang mga salita sa kanilang mga luhong taludtod. Ang unang tula ang unang nawala ang nanatiling latak sa arkitektura. Wala naman sa mundo ang dilim, sinusubok naman natin paghariin ang liwanag, ang dapat nating gawin: matagpuan ang lihim ng pagkawala. At saka mag-iisa ang lahat bagaman habambuhay nang maghihintay sa habambuhay pang naghihintay.

11


ETIMOLOHIYA Noong unang sumapit ang dilim saplot itong bumalot sa ating katawan ipinaghele tayo sa gitna ng digmaan ng sari-saring hating-liwanag natagpuan natin ang sarili nang pansamantala sa hindi makita sa isa’t isa.

12


Pambungad lamang ang ating unang pagtingin. Noong labis nang nasisilaw, paano maikukubli ang namulat nang mata? Lubhang nagsugat ang unang pagpikit. Ang galaw ng pagtanggi patungo sa bagong mundo na hindi pa nasisipat. Narito ang kalawakan. Ipinapakita nito ang kaganapan ng sarili sa nagbabaga nitong katawan na wala pa palang nalalaman.

13


Wala akong natuklasan: bakas sa pintuan ang iyong hubog — ang liwanag ang anino pagkatapos.

14


Ang iyong bugtong na sagot: Maaaring maging salamin na ako lamang ang ningning at maaaring ikaw rin ang magtatapos sa —

15


Hanapin natin ang lihim sa aninong nagpapakita sapagkat sa panahon bago ang panahon may dilim.

16


II


PARA KAY X 1 Gumuhit ako ng ulap sa papel at pinangalanan: X. Halagang hindi matantsa ang pangalan mo. Rehas ng mga linyang nakahalang, lumalamlam na katamlayan ang kulay mo, araw ng Agosto. Ang X bilang tanda para sa nakatakdang mawala. O nawala na, kung susukatin ang lawak ng langit kung saan nakapaskil ka kasama ang pag-iisa. Kaya narito ang isang kidlat, maingat kong iguguhit kasama ang humigit-kumulang dalawa pa. Mga kaibigang mapangahas sapagkat habang-buhay silang liwanag na iyong makakasama — mga ekstensyon ng larawan. Sumisilakbo. Nakatatakot. Mga bakas at hudyat at natatantsang buntong-hininga, ang X bilang antas ng naghahasik na unos handang manalasa.

19


2 Ang X at ang iniindang langit, ang X na multong gumagaan sa pagpapalipad ng usok, ang X na binitiwang salita. Sa dami ng nakikita, isa-isang nabubura ang lahat sa kalikasan: ang init ng kidlat at pagbabagong-sining bilang tinta, sumasapit ang kanilang paglantadpagpaloob sa kanilang pinakatatagong dilim. Walang mananatili sa larangan ng pangalan. Walang maaaring maibukod mula sa anyo at lalong walang makapagtatago sa tunghay ng letrang parikala ng ating pagtatagpo. Lagi lamang kakanti ang anumang pag-uwi. Kaya iguguhit kita ng mga kaibigang gusali sa pagkakataong sabihin mo ang sukรกt na salita. X, at saka ako maniniwala.

20


LIWANAG Maligayang pagliwanag sa siklo ng pagsapit nitong nagpaparusang hagupit sa lungsod. Libutin natin ang bawat kalye at abenida, markahan ang mga sulok na hindi nabibisita ng iyong pagpapakita upang doon manahan ang mumunting butil ng limot nang pag-asa. Buhanging kristal sa kalawakan ng semento, ang mga naliligtas sa pamamagitan ng salamin. Nagpapakita ang lahat sa iyong paghihiwaga. Kailangan mo lamang: magwika’t magpangalan. Kaya heto, binabago ko ang batas ng lungsod, iniuugat ang pahamak sa pinakaubod ng lahat kung saan nag-aalangan ako bilang arkitektura. Heto, nakatindig ako sa nagtatanong mong pangako. Tugon: hindi ko alam, hindi ko na malalaman pa at aking sasaluhin hindi lamang ang iyong salita.

21


ANG DALANG BIGAT NG MGA BATO Tinawag itong pakikipag-usap sa pader. Sa sementong walang nararamdaman maliban sa sariling tayog. Hindi mabiyakbiyak ang rabaw nitong hindi kumikibo. Subalit kay rupok ng ilang mga bagay: halimbawa ang dalang bigat ng mga bato, ang hanging nakukulong sa mga butas nito humihinga kahit wala namang sariling baga hanggang pinili kong magwika at nawala ang bigat-bato, ang bato-bigat, naging salitang pampabigat lamang ng angking bokabularyo. Hindi mo naman maaaring mahalin ang salita, wika ng aking kaibigan. Bagaman naniniwala ako na araw-araw rin itataguyod at muling mapaguguho ang winika niyang iyon. Kahit ang matibay na pagtula kasing-rupok ng bato, mananatili pa rin na nakatayo. Tinawag itong mungkahi na ingatan ang pagkitil sa mga pirasong salita at kataga na nananatili natatangay katuwang ng nalalaglag na buhangin sa bawat pakikipagtunggali ng aking kamao sa hindi pa rin umiimik na semento, ang dalang bigat ng mga bato.

22


PAGHIHINTAY WARI Taimtim na panalangin ang pagkawala sa lungsod nitong mga taong kumikilos sa himok ng kani-kanilang sadya, laging natatakpan ang bawat pagnanais ng mga pangalang dayuhan sa kaluluwa. Ay, kailangan ko lamang ng isang tula, kailangan lamang ng pagbabagong-wika na magliligtas sa akin mula sa sariling papaloob nang papaloob ang tanging nalalamang gawin, pagbubungkos ng mga tunog mula sa latak na nangangailangan ng wikang kikilalanin, ay, kailangan ko lamang ng isang tula — ang iyong tulang isusulat pa lamang. Sa panahong hindi sakop ng panahon nanatili akong wala sa mismong wala hanggang sa huling sandaling nakakapit sa kay talim na pag-asa ng maaaring salita. Ay, kailangan ko lamang ng isang tula.

23


TEORYA May batang puslit na nagpupumilit isaksak ang bugtong na posporo sa munting biyak sa lupa na wari bang susi ito sa nakaambang pagguho ng semento, lalaganap ang biyak hanggang mismong lupa ang biyak at libo-libong katawan ang sasapitin ng mga bato dulot ng bugtong na posporo nagpapaalalang walang makaaayos sa mga wasak nitong mundo.

24


EKSENA NG APOY Pabigat lamang nang pabigat kung pumanaw ang mga alamat sa eksena ng apoy: ang pagtatagpo sa limot nang mapa ng pagkaligaw sa gunitang nagkakalikaw-likaw, ang mga matang nagliliyab hinahanap ang kahulugan ng init. Sa lungsod na ito ng damdamin may panahong nakatakda sa lahat at nagkakatinginan ang ating patlang sa kisapmatang magpakailanman. Nagdaan noon ang mga panahon sa iyong ngiti, nangingiming ngiti, saliw na nagsimulang bumuhos ang inaabangan mong ambon at sa sandaling pansinin kita habambuhay akong nilalang na nagngangalang pag-iisa.

25


WAKAS Kung saan nagbabaga ang laman sa sariling balat, may sugat. Libangan lamang ang katawan — ang saglit na kalayaan mula sa lupa’t langit ang pinakaaasam bago madatnan ang sarili: hubog na pumupulot ng putik at buhangin, sadyang mapangahas ang sementadong daan. Babaliin nito ang buto sa daan-daang anggulo at iiwang hungkag ang bungo. Magiging ulan ang dugo at ipandidilig sa tuyot na aspalto. Sa bingit ng kamatayan ang pagwawakas ngunit kinukupkop nito ang katawan mo. Dahan-dahang gagawing bato ang iyong anyo. Pagtitirikan ka ng mga kandilang ilaw-poste, mga panghalili sa langit at talang ginto. May langit sa lupa. Inaawitan ka nito ng libo-libong malumbay na elehiya sa saliw ng hindi mapatahang dagundong ng makina. Sa wakas, ang pagpapakilala. Ang lungsod sa likod ng lahat ng anino: nagbabadya. Nagbabaga sa sariling balat.

26


PROXY Naging lilim natin ang puno sa gitna ng biglaang pagbagyo. Nalulusaw ang abot-tanaw. Dumidilim ang buong lungsod maliban sa malamlam na tanglaw ng ating magkatabing hubog. Malulunod tayo maya-maya. May mga dahong lumulutang sa ating paanan. Ulan ang dumuduyan sa aninong nasasagap ng maputik na baha. Sa gitna ng lungsod, mananatili tayong nasagip ng isang puno — dalawang dalangin sa gitna ng delubyo: pako ang iyong titig sa langit, marahil sumasamo ng pagtila samantalang ako sa lupa, nagmamasid sa anino natin na tila iisa.

27


PAGLIMOT Hindi kailanman natutong lumingon ang dilim sapagkat sa pag-iiba niya sa nabubura nang sarili ni sarili hindi makaintindi sa nagbabaga nitong balat sa kapakanang iba palagi ang nilalayong kapakanan malubhang alaala ang lahat.

28


SA PAGITAN NATING DALAWA Sa kaganapan ng ating pagbigkas nagbara sa mundo ang mga latak ng dilim. Isa-isang nawalan ng pangalan ang lahat, nalusaw sa dagat ng mga wala sa panahon ang mga nalimot natin, sinubok natin alalahanin ang mga kalsada, ang mukha ng isa’t isa banayad nang nabura. Walang makapitan kahit ang usok sa bagyo ng panahon. May bantang malunod sa dakilang baha ang lahat ng salita hanggang sa pagitan nating dalawa may isang nagwika: bilang mananatili ako, bilang ang ikaw at ang ako sa wakas nagkatagpo, X.


NAIS KONG MAGING Hiling ang nais kong maging sapagkat malilimot marahil anumang pangngalang sa atin nanggaling ang pagkakasalin walang-hanggang paghahangad sa mundong hindi nagaganap ang kaganapang nais ipagtapat kaya lagi na lamang nasasadlak sa kasagsagan ng pagnanasa dambuhalang bibigat bigla ang lahat ng pagtataya’t magbabantang mawala

30


PASASALAMAT Maraming pamilya ang bumuo sa aklat na ito: Sa bahay: kina Mami, Dadi, Kuya Francis, Patty at Pie. Sa mga dakilang kaibigan: kina Nica, Bea M., Josh, Connie, Michie, Danjing at Javs. Sa Igne: lalong-lalo na kina Jums, Kaloy, Pudge, Kid, Law, at Sir Elro. Naaalala ko pa yung joke dati, magiging English Teacher daw ako. Sounds legit. Sa Heights ng nakaraan at ngayon: special mention sa Bagwisan 2011–2012, ang mga, oo, oo, street child of mine. Kasama rin dito ang matatalik na kaibigan na hindi ko na papangalanan, para may suspense. Sige na nga: Audrey, Rachel, Pepito, JV, Momo, Eli, Sara at Maan. Sa mga naging patnubay sa panitikan: kina Sir Glenn, Sir Jerry, Sir Jet, Sir Ariel, Sir Egay, Sir Mitch, Sir DM, Sir Marne, Sir Mike, Sir Vinz, Sir Allan Derain, Sir Allan Popa, Sir Martin, Ma’am Mayel, Ma’am Mookie, Ma’am Beni. Kay Sir Gino, Sir Dave, Sir JC Uy, Ma’am Jackie, at Doc Bulaong sa pagtangay patungo sa ibang mga larangan. At siyempre kina Nicko, Deirdre, Lester, Lex, Mo, at Kat. Manatiling barubal at all times.


TUNGKOL SA MAY-AKDA Si Paolo Tiausas ay kasalukuyang nakatira sa Pasig City. Nailathala na minsan ang ilan sa kaniyang mga tula sa Heights, Matanglawin, Spindle at Philippines Free Press.


Profile for Paolo Tiausas

Hating-Liwanag: Mga Tula  

Undergraduate thesis, chapbook requirement. Collection of poems written in 2012. Book and cover design by Pepito Go-Oco, Artwork by Lex Bala...

Hating-Liwanag: Mga Tula  

Undergraduate thesis, chapbook requirement. Collection of poems written in 2012. Book and cover design by Pepito Go-Oco, Artwork by Lex Bala...

Advertisement