DAGLI
Piso
Arnel Bien Francisco 1 Message Received. Dali-daling binuksan at binasa ni Mang Nestor ang laman ng mensahe. ‘Tay, last day of enrollment na namin. Mag-enroll pa ba ako? Received 17:17 06/14/18 Isang libo pa, sabi ni Mang Nestor sa sarili. Matatapos ang araw at makukumpleto na niya ang pinagiipunang tuition ng anak na magdadalawang buwan na niyang binubuno. Kanina pa kumakalam ang tiyan niya dahil maaga pa lamang ay bumiyahe na siya para mamasada, kung kaya hindi na niya nahintay na makapaghanda ang asawa ng agahan. Kanina naman ay mabilis na lamang niyang tinapos ang pananghalian nang makabalik na sa pasada. Nang makarami sa pasada, sa isip niya. Nadaan ang ipinapasadang dyip sa tapat ng Jollibee at naamoy ang halimuyak ng bagong lutong Chicken Joy na nagsilbing hudyat ng panibagong pagkalam ng tiyan ng matanda. Bigla niyang naisip nang may pananabik ang nag-aabang na mainit na sabaw ng nilaga sa karinderyang pinapasukan ng asawa sa terminal bilang kusinera. Halos tapos na ang pasada para ngayong araw kaya masaya niyang kinuha ang kanyang lumang cellphone sa lalagyan at nagtype: Pauwi n q. kumpl2 n pambyad mo ng tuition nak. Kapapadala lang ng mesahe nang marinig niyang may biglang sumigaw sa loob ng dyip, ‘Holdap to!’ sabi ng isang binatilyo na halatang kabado dahil pumiyok pa ito habang sumisigaw. Nakasabit naman ang isa pang binata sa estribo, bantay upang walang makalabas na mga pasahero. Kasabay ng pagsigaw ng binatilyo ay siya ring paglabas ng ice pick ng katabi niyang lalaki. “Tuloy mo lang drive,” sabi ng binata habang nakatutok kay Mang Nestor ang patalim. Dagling kinuha ng lalaki ang kahon ng pasada na nasa harap ng matanda. Kaagad namang sinubukang agawin ng matanda ang kahon mula sa binata subalit isang kamay lang ang kaniyang magamit habang ang isa ay nasa manibela. “’Wag!” pagmamakaawa ni Mang Nestor habang nakakapit sa maliit na kahon. Subalit ayaw magpatalo ng binata. Iwinasiwas ng lalaki ang ice pick sa mukha ng matanda. Isa. Dalawa. Mintis. Ayaw pa ring bumitaw ni Mang Nestor kaya’t muling iwinasiwas ng binata ang patalim. “Aray!” bulalas ng matanda nag tumama ang ice pick sa kanyang pisngi. Biglang napahinto ang dyip at nagpulasan naman papalayo ang tatlong binatilyo tangay ang laman ng kahon at ibang pang mga gamit ng mga pasahero. Nanghihinang sinilip ni Mang Nestor ang kahon ng pasadang iniwan ng binatang may ice pick. Sa loob nito ay may nakita siyang piso at ang kaniyang lumang cellphone.
{22}