9 minute read

Ang Huling Lunan ni Inang

Next Article
Monsoon

Monsoon

Ang Huling Lunan ni Inang Mildred Abiva

Hindi ako mahilig magluto kaya siguro hindi rin ako mahilig mamalengke. Subalit ang aming bahay ay malapit sa palengke kung kayat hindi maiiwasang laging madadaan sa palengke, may bibilhin man ako o wala. Minsan pa nga ay ibinababa na lamang ako sa palengke kapag tinatamad na akong ihatid ng traysikel driver sa aming bahay dahil daw one-way ang daan. Nakasanayan ko na tuloy na makita ang mga nagkalat na banye-banyerang isda at karne. Nasanay na ang aking mga paa na umiwas sa mga pulu-pulong tubig at putik na naiipon sa mga butas sa daan. Nasanay na ang aking ilong sa pinaghalu-halong lansa, amoy pawis, amoy nabubulok, at amoy sigarilyong nakahalo sa hangin. Bahagya na lamang ngunit naiirita pa rin ako sa ingay nang sabay-sabay na sigaw ng mga nag-aalok ng paninda. Dadaan sana ako sa looban ng palengke para mas maaliwalas ang daan subalit naiinis naman ako sa maya’t mayang tanong na “anong bibilhin mo?”. Minsan nga nan-trip akong sagutin ng “isda” ang bawat tinderang nagtatanong kahit pa puro timba at hanger ang nakikita kong naka-display sa tindahan niya.

Advertisement

Subalit maliban sa mga pangangailangang materyal, may higit na halaga ang palengke sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit. Basta ang alam ko, sa panahon ng kahinaan ng kaluluwa at pagkatao, ang palengke ang nagiging ospital ng kalooban ko.

Hindi ko naman sinasadyang madiskubre ang ganitong epekto ng palengke sa akin. Ang naaalala ko lang, minsa ay lugmok na lugmok ang aking kalooban at pinagduduhan ko na ang mga plano ko sa buhay. Ito iyong panahong napakanta ako ng awit ng Buklod na “ Aling landas ang susundin ng puso. Saan ka liligaya. Saan mabibigo. Saan ka tutungo.” At dahil tuliro ang aking isip, noong tinanong ako ng traysikel driver kung saan ako pupunta ay nasagot ko nalamang siya ng “palengke manong.”

Pagka-upo ko sa loob ng traysikel ay medyo gumaan ang kalooban ko kahit pa noong naging lima na ang pasahero. “Bakit pa kasi naman sumakay iyong panlima?”, ‘ika ko sa sarili ko. Ang panghuling sasakay kasi ay sa maliit na upuang idinagdag lamang sa loob ng sidecar pupwesto. Nasa bandang kanan ito ng drayber at kitang-kita ko ang yamot sa mukha ni Ateng pasahero sa tuwing kikiskis sa likod niya ang manubela lalo na kapag paliko ang daan. Sabagay nga naman, nasa limang pasahero talaga ang kapasidad ng mga traysikel sa Tuguegarao. Nagmamadali lang din siguro si Ateng pasahero kaya hindi na namili ng masasakyan kahit pa napakarami namang traysikel na dumaraan. “ Desisyon mo ‘yan, panindigan mo,” ‘ nangingiti ko nalang na bulong sa sarili.

Sandaling nawala sa atensyon ko si Ateng pasahero nang madaan kami sa tapat ng isang pansiterya. “Kainit-init e nagpapansit!”, kako sa sarili ko. Halos ramdam ko na kasi ang init na nararamdaman ng mga matiyagang nag-aantay sa pansitan. Tumatagakgak ang mga pawis. Ramdam ko din ang paghihirap ng nag-iisang ceiling fan para maibsan ang init ng mga customer nila. Adik din kasi sa pansit batil- patong ang aking mga kababayan kaya kahit napakarami nang nagtayo ng pansitan, punuan pa rin ang mga ito mula umaga hanggang sa hapunan. Kahit nga iyong pansitan sa loob ng isang bahay sa looban ng may kalayuang barangay ng Cataggaman ay dinarayo. Siguro maliban sa lasa ay wala kasing konsepto ng elitismo kapag nasa pansitan. May mga nakaunipormeng pangbanko, pang-estudyante, may mga drayber, at tambay na pare-parehong na tinitiis ang init matikman lang ang pansit. Madalas dumarating ang mga gutom na customer na naka-tricyle, meron ding naka-kotse, naka-single motor, at mayroon ding nilalakad lang.

“Delfino”, biglang sabi ng drayber. Ibig sabihin ay pinabababa na niya ako. Ito kasi ang pangalan ng hotel sa tapat ng palengke. Iniabot ko muna ang sampung piso bago ako bumaba.

At muli ay sumalubong sa akin ang nakasanayan ko nang amoy, ingay, putik, at dumi ng palengke. Subalit sa pagkakataong iyon ay hindi ako nagmadali sa aking paglalakad na aking dating gawi. Binibilang ko pa nga ang aking mga hakbang, pati na ang bilang ng sasakyang may sticker ng “Our Lady of Piat”. Hindi ko tuloy maiwasang pagmasdan ang mga tindero at tindera. Ang mga nagbebenta ng karne ay madalas may duguang mga kamay at damit kahit hindi naman nagbebenta ng dinuguan. Ang mga nagbebenta ng isda ay madalas basa ang kamay at damit na animo’y may disenyong kikislap-kislap na mga kaliskis. Sila rin ang may pinakamalalakas ang bibig sa pagtawag ng mamimili.

Subalit ang tunay na nakatawag ng aking pansin ay ang mga matatandang tahimik na nakasalampak sa mga gilid ng daan. Nakikiamot na lamang sila sa lamig na lumalabas sa de-aircon na tindahan ng mga murang produktong galing China. Gulay naman ang paninda ng mga lola. Sila yaong sa sobrang katandaan na ay hirap nang tumayo at mag-unat ng paa. Malamang nga ay pinupulikat na ang kanilang mga paa kaya hindi sila masyadong gumagalaw. Sila yaong sa kanilang edad ay hindi mo na sana bibigyan pa ng mga gawaing bahay subalit heto at nakikipagsapalaran sa ilalim ng init ng araw sa pagbebenta ng talbos ng kamote, talbos ng kangkong, at sayote. Mababanaag mo sa bawat linya sa kanilang noo at kamay ang hirap na kanilang pinagdaanan at patuloy na dinaranas. Napabili tuloy ako ng talbos ng kamote kahit wala sa plano ko. Napansin kong hindi na nila makwenta ng mabilis at tama ang mga napagbebentahan nila kaya tinutulungan na sila ng namimili. Alam ko, idinadalangin na lamang din nila na hindi sana sila dinaraya. Pinanghahawakan nalamang siguro nila ang kabutihan sa puso ng mga suki nila.

Nahaplos ng kanilang kalagayan ang aking nag-aalburutong isip at damdamin. Naisip kong sila nga na mahihina na ang katawan ay kinakaya ang bawat araw, ako pa kaya? At higit sa lahat, namulat ang aking kamalayan sa mas malawak na lipunan. Ako bilang isang tao ay hindi lamang dahil at para sa aking sarili. Ako ay nalikha at nahubog kasama nang iba kaya nararapat lamang na bigyang halaga, konsiderasyon, at inspirasyon ko rin ang iba sa bawat pinagdadaanan ko sa buhay- sa saya man o lumbay.

Nagka-edad na ako, nakapag-asawa, at lumipat ng tirahan subalit pareho pa rin ang epekto ng palengke sa akin. Hindi ko pa rin naman hinahanap-hanap ang pamamalengke dahil siguro hindi pa rin naman ako mahilig magluto. Ang baho, dumi, gulo, at ingay sa palengke ng aming nilipatang bayan ay halos katulad din sa aking kinalakhan. Kung pansit batil -patong ang dinarayo sa aking pinanggalingan, sa bagong palengkeng pinupuntan ngayon ay bida ang longganisa at batutay. Nasanay ako sa panglimahang traysikel na maayos kang makakaupo pero kailangan ko nang tanggapin ang pangdalawahan lamang na halos nakasalampak na ang upo kahit pa sumasakit na ang batok ni Asawa sa pagyukod. At higit sa lahat, mayroon ding matatandang itinataguyod ang bawat araw sa pagbebenta ng mga gulay.

Isa na dito si Inang na nakasalampak sa semento sa tapat ng nagbebenta ng mga prutas. Napadaan ako sa pwesto ni Inang kahahanap ng sariwang gulay subalit hindi ang kanyang panindang talbos ng kangkong, iilang pirasong dahon ng sili, at iba pa ang nakakuha ng aking atensyon. Sa katotohanan kasi ay mas sariwa ang mga panindang gulay ng iba. Napabili na lamang ako kay Inang dahil sa kagustuhang maubos ang kanyang paninda para makauwi nasana ang matanda at makapagpahinga. Payat at kulubot na si Inang para magtinda pero hindi pa rin siya tumitigil sa paghahanap- buhay.

Ikinausap ko na rin sa mga kapatid ko na hanapin si Inang kapag sila ay bibili ng gulay. Minsang nadadaan ako ng palengke ay una na sa aking listahang puntahan si Inang. Hindi ko na rin nga kinukuha ang sukling sampung piso lalo pa’t sa Tarlac umuuwi ang matanda. Laking pasasalamat naman lagi ng matanda at dinadagdagan ng kahit ano pang paninda ang aking binili.

Lingid kay Inang, higit ang aking pasasalamat sa kanya. Hindi sampung piso ang halaga ng naibibigay niyang pagpapalakas ng aking loob. Ang masarap na ngiti at pasasalamat na namumutawi sa kanyang labi ay haplos sa aking puso. Hindi naman siguro ito dahil magkasingkatawan kami at nakikita ko ang aking hinaharap sa kanya. Higit pa ay ang inspirasyon na aking nakukuha. Pinalalakas niya ang loob ko upang ipagtagumpayan ang bawat araw. Ang kanyang kalagayan ang isa sa mga dahilan upang manindigan hindi lamang para sa aking sariling kagalingan kundi para sa mga aba ng lipunan at sa susunod pang henerasyon. Tila ba sinasabi ng kanyang mga mata na sana wala nang matanda na tulad niyang nasa dapithapon na ng kanyang buhay subalit kailangan paring gumapang para mabuhay.

“Walang anuman Inang at salamat din,” ito na lamang ang aking turan tuwing aking aabutin ang gulay na kanyang iniabot.

Nitong nakaraan linggo, habang nagbabasa ng mga post sa Facebook na puno ng komentaryo hinggil sa awayang Bea Alonzo at Julia Barreto ay napansin ko ang isang larawan. Larawan ito ng bagong mukha ng palengke ng Cabanatuan. Nangiti ako ng makita ang nakakatawang parada ng mga pribadong sasakyan sa gitna ng daan. Dito lamang kasi ako nakakita ng paradahan sa gitna ng daan.

Pag-click ko sa larawan ay naglabasan pa ang ilang kuha mula sa iba’t ibang parte ng palengke. Natigilan lamang ako ng makita ko ang isang pamilyar na lugar. Ang pwesto ni Inang ay malinis na at maluwang. Wala na ang mga nagsisikang mga tao. Wala na ang mga nagbebenta ng mga saging, lemon at papaya na dati ay kanyang napagpapalitan ng barya. Wala na ang nagbebenta ng mga basahang tig-lima ang isa. Wala na ang mga nagbebenta ng mais na nilaga. Wala na ang nagbebenta ng masarap na kakanin. Wala na rin si Inang.

Nalungkot ako bigla. Dumi ba si Inang para maisama sa mga naiwalis sa kanilang paglilinis? Kalat ba si Inang para itago? Maingay ba si Inang para dalhin sa malayo para wala nang makarinig sa kanya? Sagabal ba si Inang sa pagunlad ng bayan? Nasaan na si Inang?

Sa pag-unlad, “sana all”, sabi nga sa Facebook. Sabi pa ni Lolita Carbon, “Hindi masama ang pag-unlad at malayolayo narin ang ating narating.” Bakit kaya sa bawat programang nakatuon sa pag-unlad ay laging nasasagasaan ang mga mahihirap? Hindi ba dapat para sa kanila ang programa dahil matatawag na maunlad ang isang lugar kapag walang mahirap? Malamang naman ay walang taong hahadlang sa pag-unlad. Lalo na si Inang.

Mabuti na lamang at nahanap rin ng aking kapatid si Inang. Nasa itaas na daw ng palengke ang matanda. “Hindi po ba kayo nahihirapan?” tanong daw ni kapatid. “Oo, napakahirap,”sagot naman daw ng matanda. Kailangan pa daw kasi niyang iakyat ang kanyang mga paninda at madalang ang mga mamimili na umaakyat sa taas.

Hindi ko pa nakikita si Inang sa kanyang bagong pwesto. Hindi nga ako mahilig mamalengke kaya hindi pa ako ulit

nagagawi doon. Hahanapin ko rin siya kapag sinipag na akong mamalengke. At katulad ng dati, bibili ako ng mga paninda niyang gulay hindi dahil kailangan ko nito kundi para suportahan siya sa kanyang pagbebenta. Siguro at sana may maganda ring epekto ang presensya ko sa kanya at hindi lamang dahil sa sukling sampung pisong hindi ko na kinukuha.

Pahabol pa: nakita muli nang aking kapatid si Inang. Nasa baba na raw ulit siya at de-gulong na ang lagayan ng kanyang paninda. Nakikipagtaguan sa mga nanghuhuli. Ang kanyang paninda ay mas lanta na kaysa dati.

This article is from: