
1 minute read
X-XO-DO (Limang Tula
X-XO-DO (Limang Tula) RB Abiva
“Paglampas ng meridian sa kanluran;/ Iminedyas/ Ng paa ko/ Ang makapal na alikabok,/ Pinatay/ Ng daliri/ Ang boltahe ng modernisasyon,/ Ikinumot/ Ng katawan/ Ang dasal ng pag-asa,/ Pinaghilik/ Ng pagod/ Ang masisipag na pandama/ At pinasigabo/ Ng makulay na karimlan/ Ang isip ko.”—Roberto Ofanda Umil, Paglalim Ng Dilm
Advertisement
I. Tortyur
Umiiyak ang kambing, halos bumula ang kanyang bibig na wari’y binuhusan ng basi dahil sa naipong takot na nilagom ng kanyang mala-saluyot na laway.
II. Pagpapatiwakal
‘Di mapakali ang kalabaw, na tahimik na nagmamatyag sa gitna ng bukirin. Maya’t maya n’yang iniyuyusak ang kanyang paa sa putikang lupa na naghahatid ng hilakbot sa lahat ng mga nagdaraan. Hanggang isang araw ay anong lakas niyang inihampas ang sariling buntot sa likod. Pumutok at lumagitik ito na waring tunog ng latigo nang sandaling dilaan nito ang balat ng tao at kabayo. Paglao’y anong bagsik niyang iniuntog ang sariling ulo sa matigas na bato. Ang makapal at matigas niyang bungo ay anong lupit sa pagkakadurog higit pa sa kung anung kaya ng palakol at maso gaya nang ginawa noon ni Ambo nang magdiwang ito matapos magbalik-bayan ang bunsong anak na mula sa malayo.
III. Alulong At Alingawngaw
Putak nang putak ang mga manok, malakas at magkakasunod. Ang kanilang tuka’y waring bunganga ng riple na lumikha ng ligalig sa puso ng bawat kabilang sa exodo. Ang mata nila’y iikut-ikot habang nakatingin sa lupa at langit, waring may hinahanap at kung nahanap ang hinahanap, magpapakawala muli ang kanilang mga tuka ng matatalim at nakakapunit laman at pandinig na rapsodiya.
IV. Ebakwasyon
Nakahilerang nagmartsa palabas ng looban ang mga langgam bitbit ang naipong tira-tirang biyaya: isang supot ng asukal isang supot ng bigas isang supot ng kape at dalawang pares ng damit. Habang ang isa’y iika-ika sa paglakad. “‘Asan ang kaparis ng tsinelas mo?” ‘ika ng lalaking langgam. “Naiwan sa looban kasama ng aking anak. Nakahiga silang dalawa sa lupa, magkatabi, sabay silang tinuka ng tansong palaso,” malungkot na sagot ng babaeng langgam.
V. Nang Matuyo Ang Ilaya
Walang naiwan sa bayan na yaon kundi ang mabangis at sumasalapisap na pasigan ng dugo sa ilalim ng abong alapaap, piniping kalikasan sa paligid, binalong mga lalaki at babae, at mga paslit na inulila nang kumaway ang apoy at nangabuwal silang animo’y sinibak na kahoy.
Hulyo 12, 2018 Lungsod Quezon, Maynila