12 minute read

INTRODUKSIYON: Si Saro, ang Siklo, at ang Pangangailangan ng Estetisismo, Sentro, at Diskurso

Next Article
Bionotes

Bionotes

ay nakakitaan siya ng binhi ng realismo, na malamang ay nahalaw niya sa mga sulatin ng mga Europeong manunulat gaya nina Hugo, Balzac, Zola, at Dumas, sa panitikan na makikita sa pagtalakay niya ng tenancy system o kasamá, at iba pang pumapatungkol sa isyu at kilusang agraryo at lupa sa Gitnang Luzon (na siyang ugat ng paghihimagsik ng HUK) noong bago pumutok ang Sigwa ng Unang Kwatro (1971) at Batas Militar (1972) na ayon sa mga naunang nagsaliksik sa panitik at buhay ni Saro ay nagtulak sa diktador na si Marcos upang ipasa ang Repormang Agraryo.

Ayon sa batikang manunulat, mananalaysay at makata, na halos nakapanayam nang ilang beses si Saro, na si Rogelio Sicat ng San Isidro, Nueva Ecija, “Mula sa Maganda pa ang Daigdig, hihigpit ang kahingian ni Francisco para sa mga magsasaka at ang titulo mismo ng sumunod niyang nobela, Daluyong (1962), na siya niyang huli, ay isang babala. Kung pagbabalikan, tama ang pagkadama niya sa tinig ng bayan: walong taong pagkaraan, noong 1970, isisigaw ng mga demonstrador ang paglansag sa piyudalismo. Kung matagumpay na naisaalang-alang ang kahingiang ito ng pampanguluhang dekreto noong Setyembre 1972 ay ang mga magbubukid ang makakapagwika.”

Advertisement

Dagdag pa, sinambit din ng batikang manunulat at kwentista na si Rogelio Mangahas sa panimulang bahagi ng Maynila sa Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes (1986) na mahahanay ang nobelang Ama, Maganda pa ang Daigdig at Daluyong sa mga panitik nina Amado Hernandez, Rogelio Sicat, Ave Perez Jacob at iba pang realista/ sosyal realista gayong wiwikain pa ng Pambansang Alagad sa Sining Para sa Literatura na si Virgilio Almario ang ganito, “Nananalaytay sa …Ibong Walang Pugad (1941) at Huling Timawa (1936) at Ilaw sa Hilaga (1947) ni Lazaro Francisco ang binhi na waring inianak at iniapo ng Noli at Fili ni Rizal.”

Mainam din na mabatid ang mahalagang obserbasyon ni Rogelio Ordonez hinggil kay Saro, “Bagaman namamayani pa rin sa ating bansa, lalo na sa komersiyal na mga babasahin sa sariling wika, gayundin sa mga pelikula at programa sa telebisyon, ang literatura ng kababalaghan at kahangalan na nagbabandila ng kagulatgulat na pakikipagsapalaran ng mga may agimat, ng mga kalabaw at kabayong nagsasalita’t lumilipad, ng mga bibing umiitlog ng ginto, ng mga biyenang engkantada at mga boyfriend na mamaw, habang nagtatampisaw sa nagahasa nang tema ng mautog na paglalambingan at pag-iibigan, upang patuloy na aliwin at lunurin sa balon ng mga pangarap ang busabos na sambayanan sa ilalim ng isang sistemang mapang-alipin at mapanikil para makalimutan ng mga ito ang kanilang gutom at mga dahilan ng kanilang pagkabusabos nang sa gayo’y di sila mamulat at maghimagsik, hindi rin naman maitatatwa na noon pang kalagitnaan ng dekada ’50, makabuluhang nailunsad ng dalawang manunulat na nabibilang sa matandang henerasyon ang literatura ng uring anakpawis. Sa nobelang Maganda Pa Ang Daigdig (1955) at Daluyong (1962), nailarawan ni Lazaro Francisco, bilang tagapagsalita ng mga magbubukid, lalo na sa Gitnang Luzon, ang realidad ng isang sistemang piyudal- ang pagkakatanikala sa lupa ng uring magsasaka, at ang patuloy na pambubusabos ng mga propitaryo sa mga ito.”

Sa mga punto-de-bistang ito, lalabas na tama ang argumento ng batikang manunulat at iskolar na si E. San Juan, Jr. nang kanyang wikaing “Ang praxis ay walang iba kundi ang pagtatalik ng diwa at mundo.” Sa madaling sabi, ang kritikal ng pagpihit ni Saro, mula sa pagiging romantisista tungo sa isang ganap na realistang manunulat, ay bunga lamang ng kanyang malalim na pagkaka-ugat sa mga batayang suliranin, relasyon ng mga tao sa isa’t isa hanggang sa mga maliliit na detalye ng lunang kinabibilangan niya ang huhubog sa kanya upang ihandog sa daigidig ang bersong ito, “Kaysa isang katawang malaya na may kaluluwang alipin, ibig ko ng isang katawang busabos na may kaluluwang malaya,” na kanya ring isasarado sa pagwiwika na, “Ang buhay na hindi nagamit sa kapakanan ng mga dakilang layon ay isang buhay na halaghag at walang kabuluhan.” Ang transisyong ito’y aking isasalarawan naman bilang gaya sa pagsasaing ng kanin at tipikal na pagtatanim ng binhi ng palay sa mamasa-masa’t nilusak na pinitak.

Sa yugtong ito, tila papaalalahan tayo ng Alemang pilosopo na si Martin Heidegger nang kanyang ideklara, sa Black

Forest ng Katimugang Alemanya, “Dasein is ‘to be there’ (da-sein), and ‘there’ is the world: the concrete, literal, actual, daily world. To be human is to be immersed, implanted, rooted in the earth; in the quotidian matter-of-factness of the world (‘human’ has in its humus, the Latin for ‘earth’,” na tama ang kanyang thesis.

DAMBUHALANG HAMON

Sa kabila ng pagkakahirang sa kanya, aminin man natin sa hindi, napakababa ng apresiyasyong kultural at pagtanggap sa Siyudad ng Cabanatuan gayundin sa kamalayang pampanitikan at lipunan na marahil ay unang pinuntirya at binura ng kulturang popular mula Kanluran noong huling bahagi ng dekada-nobenta hanggang sa kasalukuyan. Malinaw ang mga manipestasyon nito sa mga simpleng bagay at kaganapan. Makikita ito sa kung paano ang resepsiyon ng mamamayan sa mga lugar-historiko na bihirang puntahan o pagdiskusyunan gaya na lamang ng Museo Francisco, Plaza Lucero, Calle Burgos, at iba pang may mahalagang papel sa kasaysayan ng bayan at bansa. Para sa kanila, ano nga ba naman ang mga lugar na ito kung ikukumpara sa SM, Walter Mart, at Robinson.

Naririyan din ang mababa at walang- buhay na daynamismo ng mga kolehiyo at unibersidad pagdating sa dami at bilang ng mga pang-akademikong pananaliksik na may kinalaman sa lokal na panitikan at kultura ng bayan o cultural mapping sa pangkalahatan. Isa pa, masama at nakababagabag na indikasyon ang pagiging kuntento ng mga guro, sa Filipino halimbawa, sa mga textbook at kawalan ng/mga sariling publisadong materyal na kasusukatan sana ng kanilang konbiksyon, dalumat, at ambag sa panitikan ng bayan at sangkatauhan. At kung ito nga ang susunding istandard, masakit nga sa ulo sapagkat malaki ang kaibhan ng isang umaasa lamang sa mekanisadong syllabus kumpara sa nasa direkta at aktuwal na proseso ng paglika ng mga akda.

Kung tataluntuning maigi, ang bayan ng Cabanatuan ay naging mahalaga ang papel sa komersiyo, kultura, sining, panitikan, at iba pang salik at aspeto upang mabuong ganap ang pag-iral ng isang wika at panitikang tutumbok at bubuo sa sentral na naratibo ng pagiging Pilipino at isang bansa. Nakakalungkot lamang ding isipin na sa paglipas ng mga panahon ay sinapit ni Saro ang naging kapalaran ni Heneral Luna, Kolonel Roman, at iba pang nagtindig sa dangal at puri ng lahing kayumanggi, sa paraang sila’y kinalimutan o nakalimutan ng mga sariling kababayan. At kahit noong nabubuhay pa si Saro, ayon kay Ginoong Alejo’y batid na ito ng nobelista sa pagwiwikang “Nakikilala ang isang propeta hindi sa kanyang sariling bayan.”

Sa kabila ng mga pagsisikap ng ilang mga institusyon at grupo na sa sariwain ang mga salimisim ni Saro tuwing Pebrero 22, araw ng kanyang kapanganakan, lumalabas sa mga inisyal na ebalwasyon na kulang ito at hindi kailanman sasapat upang salungatin ang gahum ng kasalukuyang orden ng kapangyarihang ang sentral na layon ay tanggalin ang Wika at Panitikang Filipino sa kolehiyo na siyang ipinagtanggol ni Saro noong siya’y nabubuhay pa. Sa ganang akin, kailangang mabuklod sa iisang sentro ang bugkos ng mga dedikado at disiplinadong manunulat at makatang hindi nalalayo sa tradisyon ni Saro. Sekondarya na lamang ang iba’t ibang porma ng popular na pagsariwa gaya ng pista, parada, at iba pa. Sa ganitong paraan, hindi magiging mekanikal ang pagbalik-balik sa nakaraan. Dagdag pa, nagiging epektibo ang pagsariwa sa mga hibla ng alaala kung malinaw sa lahat na ang dinadakila ay hindi lamang ang tao, si Saro, kundi higit ang kanyang nasimulang simulain.

Dahil nabanggit na lamang din ang kawalan ng sentro o espasyo para sa mga manunulat, ‘di tuloy nakapagtataka na tila hindi rin malinaw kung saan halaw o nagmula ang bayan ng Cabanatuan. Kahit pa may mga argumento nang ginagamit hinggil sa usaping ito, maraming linguistiko, arkeyologo, historyador, at manunulat mula sa mga kilalang unibersidad ang nagsasabing tila dapat usisaing mabuti ang bagay na ito, at sa ganang akin, dito pumapasok ang tungkulin ng manunulat bilang tagatala ng mga pangyayari sa kanyang paligid sa detalyado at malikhaing pamamaraan. Wika tuloy ng isang arkeyologo, “Mainam pa ang kabute at tiyak na sa nabubulok na kahoy nagmula.”

At dahil walang sentro ang pagtula halimbawa, nagiging anarkista ang sana’y unti-unting pagkakabuo ng identidad ng bayan. Natutunan nating makuntento sa mga binibitawang kataga at hugot ng mga spoken word poet and artist subalit kung babalik tayo sa umpisa ng paglalayag sa panitikan, nasagot ba nito ang maraming tandang-pananong sa nakaraan at kasalukuyan? Kung oo, ay nasaan ang mga materyal? Kung hindi nama’y mayroon nga talagang malaking pangangailangan upang buuin ang isang sentro. Kung may mga materyal man halimbawa, mula naman ito sa labas, at dahil nga walang sentro ang loob, nakatiwangwang ito na animo’y patay na ilang na waring isang bunganga ng bangin.

Dagdag pa, sa kaso ng mga kaliwa’t kanang spoken word mania, nilinaw na ito ni Dr. Rolando Tolentino ng UPDiliman sa kanyang papel na Ang Uso At Interaktibo Sa Kabataang Subkultura sa pagsasabing, “Para magawa ito, ang uso ay nagiging interaktibo. Nagkakaroon ng kakanyahan ang kabataan na i-adopt ang uso para sa sarili nitong pangangailangan at layunin.” Subalit, bago magtapos ang papel ay may pasubali si RT, “Ang uso ay madaling malaos.” Bakit? Sapagkat “Paano ginagamit ang inter-aktibidad para sa kinakailangang kakanyahan ng transnasyonalismo?” At dahil nga sa kawalan ng mga materyal, dahil puro oral, at malala pa’y walang sentro ang mga naratibo, deconstructed ang lahat sa berbo ni Derida, at anarkismo naman kung sa thesis ni Proudhon at Bakunin. Sa madaling sabi’y kung buhaghag nga ang pagtula ngayon, wari itong Perestroika at Glasnost ni Gorbachev, walang tiyak o pirming kinalalapatan sapagkat lahat ay winasak at winawasak pang higit ang mga aparato, at ito ang postmodernismo sa dila ni Foucault na nagkukubli naman sa saya ng globalisasyon ng mga Neo-Keynesian gaya ni Thacker. Kung susumahin, subcultural ang lahat, at dito magsisimula ang kabaliwan ng mga bagong magtatangkang buhayin si Saro sa hukay na anim na talampakan ang lalim. Bakit? Sapagkat bilang na lamang sa mga daliri ng kamay ang nakakakilala kay Saro.

Ang ganitong mga danas ay mga simpleng manipestasyon at artifact kung paano tayo tinatangay ng kulturang popular hindi upang maabot ang pasigan ng kabilang pampang o daigdig kundi hayaan tayong magpalutanglutang sa dagat ng popular na konsumerismo. At dahil mula 1980, sabihin na lamang nating hindi na nasundan pa ang kasigasigan ni Saro sa pagsusulat, nasa bungad na ng ating mga mata ngayon ang isang napakalaking hamon, ang kung paano maibabalik ang sirkulasyon ng panitikan upang sa gayo’y hindi na umanak at magka-apo pa ang tinatawag nating social amnesia na mas masahol pa sa kanser.

TUGON SA HAMON

Kaya naman, bilang mga manunulat at makata ng bagong siglo, isang napakalaking karangalan at hamon- gayundin ng kagalakan- na ipagpatuloy ang mga nasimulang adhikain at pakana ni Saro. Bilang pagkilala sa kanyang malaking ambag sa Panitikan at Wikang Filipino, noong Hulyo 1, 2019 ay napagkaisahang ipangalan sa kanya ang isang samahan ng mga manunulat, makata, mandudula, at kuwentista ng Gitnang Luzon, ang Samahang Lazaro Francisco o SLF, na magtatangkang buhayin ang agos sa disyerto at kawalan ng sentro. Naniniwala kaming sa pamamagitan ng maliit na sirkulong ito ng mga makata, mandudula, at manunulat ay unti-unting sisigasig ang mga aktibidad na may kinalaman sa panitikan sa buong siyudad at lalawigan gaya ng mga poetry night, local literary festival, book festival, forum, literary workshop, at timpalak panitik. Gayundin ang paglalathala ng mga sulatin mula sa pluma ng mga lokal na manunulat, isang simpleng patunay itong unang isyu ng Saro. Sa madaling sabi’y hikayatin higit ang madla, lalo na ang kabataan, na magbasa, magsulat, at maglathala.

Bilang Tagapangulong-Tagapagtatag ng SLF, isang malaking tagumpay na ito sapagkat nagsimula kami sa wala. Nais kong magpasalamat sa pamilya Francisco sa pangunguna ni Dr. Florenio Francisco sapagkat hindi nila ipinagkait sa samahan ang ngalan ng kanilang ama gayundin para sa mga potensiyal na suporta sa darating na hinaharap. Gayundin ang mga kaibigan sa Panitikan Online Literature Portal ng Unibersidad ng Pilipinas- Diliman para sa paglalathala sa artikulo ng samahan, at suportang moral ng mga kapwa makata at manunulat sa Maynila. Dapat

ding kilalanin ang mahalagang papel ng mga naging Miyembrong –Tagapagtatag na sina Propesor Mildred Abiva, Propesor Ferman Lazatin, Propesor Emmanuel Pangan, Propesor Mark Miranda, Arkin Frany, Nathaniel Capinpin, Hana Marie Olanda, at Jim Bendoy sapagkat kung wala sila’y magiging isa lamang panaginip ang lahat.Tinatanaw kong isisilang sa hinaharap ang mga bagong makata, mandudula, nobelista, at kuwentista na may bagong dugo sa paraang kailangan na kailangan nating dumaan sa sisidlan, hulmahan, at palihan upang sa gayo’y matubog at mahasa ang sarili, kaluluwa, at tangang panitik. Siyempre, upang maitaas ang kalidad ng ating pagsusulat ng mga malikhaing akda.

Buong galak at pagpapakumbaba naming inihahandog sa inyong dulang at palad itong unang isyu ng Saro. Mula ito sa tinipong akda ng limang makata at manunulat ng SLF na isinalang sa unang palihang panloob ng samahan, at ang mga ito’y tula, maikling kuwento, at dagli. Bagaman may mga nasusulat sa wikang Ingles, nais kong linawin na bukas din ang samahan sa wikang ito pero hindi ito ang pangunahin, sekondarya ito sa wikang Filipino. Realidad ito ng lipunan na gaya rin ng mga paksa at nawa’y mapagtagumpayan ng mga likha ang kanilang dakilang layunin sa mundo.

Panghuli, nais kong ibahagi ang sinabi ni Dr. Ramon Guillermo sa katatapos na 58th UP National Writers Workshop, “Isinisilang ang isang makata at manunulat sa pagitan ng realidad at panaginip, at upang hindi siya mabihag ng isa sa mga nakakalulang dimensiyong ito’y kailangan niyang yakapin ang bangis at mapaglayang bagsik ng kabaliwan.” Mistula ngang isang kabaliwan itong paglalayag at pagtatangka ng SLF na maitindig ang isang panandang-bato subalit malay natin, baka ito ang susi upang higit na dumaloy ang bukal ng buhay sa pansamantalang nahimlay sa malay ng mamamayan.

Muli, isang mapagpalayang pagbabasa! Hanggang sa dulo ng paglalakbay!

R.B. ABIVA Tagapangulong-Tagapagtatag Cabanatuan City, Nueva Ecija Setyembre 1, 2019

Sanggunian: Abueg, Efren R. et all. 1974. Mga Agos Sa Disyerto. Mandaluyong, Rizal: Cacho Hermanos, Inc. Francisco, Floriño A. 2018. Pamana. Cabanatuan City: Family of Lazaro Francisco. Francisco, Lazaro. 1986. Daluyong. Manila: Ateneo de Manila University Press. Ordonez, Elmer. 1996. Nationalist Literature: A Centennial Forum. Quezon City: University of the Philippines Press. Reyes, Edgardo. 2007. Sa mga Kuko ng Liwanag. Quezon City: C and E Publishing, Inc. San Juan, E. Jr. 2017. Mapagpalayang Pagbabago. Quezon City: Pantas Publishing. Sicat, Rogelio. 1989. Dugo sa Bukang-Liwayway. Quezon City: University of the Philippines Press. Steiner, George. 1978. Martin Heidegger. New York City: Viking Press. Tolentino, Rolando B. 2001. Sa Loob At Labas Ng Mall Kong Sawi, Kaliluha’y Siyang Nangyayaring Hari. Quezon City: University of the Philippines Press.

This article is from: