ay nakakitaan siya ng binhi ng realismo, na malamang ay nahalaw niya sa mga sulatin ng mga Europeong manunulat gaya nina Hugo, Balzac, Zola, at Dumas, sa panitikan na makikita sa pagtalakay niya ng tenancy system o kasamá, at iba pang pumapatungkol sa isyu at kilusang agraryo at lupa sa Gitnang Luzon (na siyang ugat ng paghihimagsik ng HUK) noong bago pumutok ang Sigwa ng Unang Kwatro (1971) at Batas Militar (1972) na ayon sa mga naunang nagsaliksik sa panitik at buhay ni Saro ay nagtulak sa diktador na si Marcos upang ipasa ang Repormang Agraryo. Ayon sa batikang manunulat, mananalaysay at makata, na halos nakapanayam nang ilang beses si Saro, na si Rogelio Sicat ng San Isidro, Nueva Ecija, “Mula sa Maganda pa ang Daigdig, hihigpit ang kahingian ni Francisco para sa mga magsasaka at ang titulo mismo ng sumunod niyang nobela, Daluyong (1962), na siya niyang huli, ay isang babala. Kung pagbabalikan, tama ang pagkadama niya sa tinig ng bayan: walong taong pagkaraan, noong 1970, isisigaw ng mga demonstrador ang paglansag sa piyudalismo. Kung matagumpay na naisaalang-alang ang kahingiang ito ng pampanguluhang dekreto noong Setyembre 1972 ay ang mga magbubukid ang makakapagwika.” Dagdag pa, sinambit din ng batikang manunulat at kwentista na si Rogelio Mangahas sa panimulang bahagi ng Maynila sa Kuko ng Liwanag ni Edgardo Reyes (1986) na mahahanay ang nobelang Ama, Maganda pa ang Daigdig at Daluyong sa mga panitik nina Amado Hernandez, Rogelio Sicat, Ave Perez Jacob at iba pang realista/ sosyal realista gayong wiwikain pa ng Pambansang Alagad sa Sining Para sa Literatura na si Virgilio Almario ang ganito, “Nananalaytay sa …Ibong Walang Pugad (1941) at Huling Timawa (1936) at Ilaw sa Hilaga (1947) ni Lazaro Francisco ang binhi na waring inianak at iniapo ng Noli at Fili ni Rizal.” Mainam din na mabatid ang mahalagang obserbasyon ni Rogelio Ordonez hinggil kay Saro, “Bagaman namamayani pa rin sa ating bansa, lalo na sa komersiyal na mga babasahin sa sariling wika, gayundin sa mga pelikula at programa sa telebisyon, ang literatura ng kababalaghan at kahangalan na nagbabandila ng kagulatgulat na pakikipagsapalaran ng mga may agimat, ng mga kalabaw at kabayong nagsasalita’t lumilipad, ng mga bibing umiitlog ng ginto, ng mga biyenang engkantada at mga boyfriend na mamaw, habang nagtatampisaw sa nagahasa nang tema ng mautog na paglalambingan at pag-iibigan, upang patuloy na aliwin at lunurin sa balon ng mga pangarap ang busabos na sambayanan sa ilalim ng isang sistemang mapang-alipin at mapanikil para makalimutan ng mga ito ang kanilang gutom at mga dahilan ng kanilang pagkabusabos nang sa gayo’y di sila mamulat at maghimagsik, hindi rin naman maitatatwa na noon pang kalagitnaan ng dekada ’50, makabuluhang nailunsad ng dalawang manunulat na nabibilang sa matandang henerasyon ang literatura ng uring anakpawis. Sa nobelang Maganda Pa Ang Daigdig (1955) at Daluyong (1962), nailarawan ni Lazaro Francisco, bilang tagapagsalita ng mga magbubukid, lalo na sa Gitnang Luzon, ang realidad ng isang sistemang piyudal- ang pagkakatanikala sa lupa ng uring magsasaka, at ang patuloy na pambubusabos ng mga propitaryo sa mga ito.” Sa mga punto-de-bistang ito, lalabas na tama ang argumento ng batikang manunulat at iskolar na si E. San Juan, Jr. nang kanyang wikaing “Ang praxis ay walang iba kundi ang pagtatalik ng diwa at mundo.” Sa madaling sabi, ang kritikal ng pagpihit ni Saro, mula sa pagiging romantisista tungo sa isang ganap na realistang manunulat, ay bunga lamang ng kanyang malalim na pagkaka-ugat sa mga batayang suliranin, relasyon ng mga tao sa isa’t isa hanggang sa mga maliliit na detalye ng lunang kinabibilangan niya ang huhubog sa kanya upang ihandog sa daigidig ang bersong ito, “Kaysa isang katawang malaya na may kaluluwang alipin, ibig ko ng isang katawang busabos na may kaluluwang malaya,” na kanya ring isasarado sa pagwiwika na, “Ang buhay na hindi nagamit sa kapakanan ng mga dakilang layon ay isang buhay na halaghag at walang kabuluhan.” Ang transisyong ito’y aking isasalarawan naman bilang gaya sa pagsasaing ng kanin at tipikal na pagtatanim ng binhi ng palay sa mamasa-masa’t nilusak na pinitak. Sa yugtong ito, tila papaalalahan tayo ng Alemang pilosopo na si Martin Heidegger nang kanyang ideklara, sa Black
{5}